Kababaihan

Taas-singil sa tubig, tinututulan ng Gabriela


Kinalampag ng grupong pangkababaihan na Gabriela ang Maynilad Water Services Inc. dahil sa nakaambang taas-singil sa tubig ngayong buwan. Ayon sa grupo, mabilis na maglabas ng posisyon ng Maynilad kaugnay ng taas-singil sa tubig matapos manalo ito sa international arbitration. Pero sinabi ng Gabriela na di dapat hinayaan ng administrasyong Aquino na ipaabot pa sa international arbitration pag pagdesisyon kung magtataas o […]

Panawagan ng Gabriela na huwag gawing negosyo ang serbisyo para sa mamamayan. Pher Pasion
Protesta ng grupong Gabriela sa tanggapan ng Maynilad Water Services Inc. laban sa pagtaas ng singil sa tubig. <strong>Pher Pasion</strong>
Protesta ng grupong Gabriela sa tanggapan ng Maynilad Water Services Inc. laban sa pagtaas ng singil sa tubig. Pher Pasion

Kinalampag ng grupong pangkababaihan na Gabriela ang Maynilad Water Services Inc. dahil sa nakaambang taas-singil sa tubig ngayong buwan.

Ayon sa grupo, mabilis na maglabas ng posisyon ng Maynilad kaugnay ng taas-singil sa tubig matapos manalo ito sa international arbitration. Pero sinabi ng Gabriela na di dapat hinayaan ng administrasyong Aquino na ipaabot pa sa international arbitration pag pagdesisyon kung magtataas o hindi ng singil sa tubig.

“Nasaan ang gobyerno, ang MWSS (Manila Water Sewerage System)? Hinahamon ng Gabriela na kung totoong naninindigan sila para sa mga mamamayan, panindigan nila ang una nilang desisyon na hindi dapat magtaas ng singil sa tubig kundi dapat magbaba sila ng singil,” ayon kay Misty Lorin, deputy secretary general ng Gabriela.

Umabot sa P0.38 (para sa Maynilad) at P0.36 (para sa Manila Water) kada cubic meter ang naturang pribadong mga kompanya ng tubig. Dahil umano ito sa foreign currency deficit adjustment (FCDA) na dulot ng pagbaba ng halaga ng piso.

Nakaamba rin ang P3.06 kada cubic meter na singil ng Maynilad. Ayon sa kompanya, retroactive daw na ipapatupad ang taas-singil simula noong 2013, nang manalo ito sa international arbitration ng International Chamber of Commerce. Dinulog ng Maynilad sa naturang institusyon ang kaso, matapos hindi pahintulutan ng MWSS.

Panawagan ng Gabriela na huwag gawing negosyo ang serbisyo para sa mamamayan. <strong>Pher Pasion</strong>
Panawagan ng Gabriela na huwag gawing negosyo ang serbisyo para sa mamamayan. Pher Pasion

Samantala, inamin ng Manila Water na sinisingil pa rin nila ang mga hindi pinapayagan ng MWSS sa desisyon ng huli noong Setyembre 2013. Kabilang sa mga ito ang pagpasa ng corporate income tax at corporate social responsibility and sponsorship expenses sa mga konsiyumer.

Ayon sa Gabriela, “malaking tanong” kung bakit hindi nireregularisa mismo ng gobyerno ang singil sa tubig na batayang serbisyo at batayang pangangailangan ng mga mamamayan.

“Napakalaking banta” umano nito sa kabuhayan ng mga mamamayan lalo na ang kababaihan na walang aasahan sa nakabubuhay na sahod mula sa kanilang mga trabaho.

“Itong pribatisasyon at deregulasyon, ito ang punu’t dulo kung bakit tumataas ang pagtaas ng singil sa tubig ay patuloy na nakaamba sa mga mamamayan at kababaihan,” ayon kay Lorin.

Ayon pa sa grupo, kanilang pinag-aaralan ang pagdulog nila sa Korte Suprema para pigilan ang nasabing mga pagtaas sa singil sa tubig.

“Higit sa pagdulog sa Korte Suprema, kailangang at mahalaga na matignan ang mga polisiya pagdating sa serbiyo. Bakit isinasapribado, bakit hindi nire-regulate? Ito na ang resulta, walang kontrol ang gobyerno sa mga batayang serbisyo,” ayon kay Lorin.

Hinamon ng grupo ang MWSS na maghapag ng pagtutol at gumawa ng anumang hakbang para pigilin ang pagtaas.