Main Story

Pagbibitiw ni Aquino, pagpapanagot sa gobyernong US iginiit dahil sa pagdanak-ng-dugo sa Mamasapano


Nagprotesta ang progresibong mga grupo sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola Bridge, gayundin sa US Embassy, para ipanawagan ang pagbibitiw sa puwesto ni Pangulong Aquino at pagpapanagot sa gobyernong US sa naiuulat na pagkakasangkot nito sa pagdanak ng dugo sa Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang linggo. Naganap ang protesta sa araw ng 116 taon ng paggunita ng simula […]

Martsa patungong US embassy sa Maynila. <b>Macky Macaspac</b>
Martsa patungong US embassy sa Maynila. Macky Macaspac

Nagprotesta ang progresibong mga grupo sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola Bridge, gayundin sa US Embassy, para ipanawagan ang pagbibitiw sa puwesto ni Pangulong Aquino at pagpapanagot sa gobyernong US sa naiuulat na pagkakasangkot nito sa pagdanak ng dugo sa Mamasapano, Maguindanao noong nakaraang linggo.

Naganap ang protesta sa araw ng 116 taon ng paggunita ng simula ng Filipino-American War.

“Nagmartsa tayo ngayon upang singilin si Aquino, si (suspendidong Philippine National Police Chief Alan) Purisima, at ang gobyernong US bilang may pananagutan sa maramihang pagkamatay sa Mamasapano,” ani Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na namuno sa protesta.

Ayon sa maraming ulat, mismong si Aquino ang nanguna sa pagdirihe sa tinaguriang “Oplan Wolverine” noong Enero 25, katuwang si Purisima. Iniulat din sa midya ang pagkakasangkot ng mga ahente ng gobyernong US para sa intelihensiya sa operasyon at paglikas ng mga sugatan. Layunin ng operasyon na patayin diumano sina  Zulkifli bin Hir aka Marwan ng Jemaah Islamiyah at Abdulbasit Usman ng Abu Sayyaf.

Iniulat naman ng Pinoy Weekly, batay sa pagsiwalat ng grupong Suara Bangsamoro, ang diumano’y pagkamatay ng isang sundalong Amerikano sa bakbakan ng mga miyembro ng Special Action Force (SAF) ng PNP at mga mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Umabot sa 44 miyembro ng SAF ang nasawi, samantalang 18 naman ang nasawi sa MILF, 2 sa BIFF, at may dalawa hanggang walong sibilyan na nasawi sa mahigit kalahating araw ng labanan.

Ayon sa Bayan, maysala sa batas si Aquino sa anim na punto: Una, paglabag niya sa chain of command, sa pagtatalaga niya kay Purisima na isang suspendidong opisyal. Ikalawa, nilabag niya ang suspension order ng Ombudsman kay Purisima.

Ikatlo, hindi kinoordina ni Aquino sa PNP Officer-In-Charge (OIC) maging sa DILG Secretary ang tungkol sa operasyon. Ikaapat, hindi niya kinoordina sa Armed Forces of the Philippines at iba pang miyembro ng gabinete ang operasyon.

Ikalima, hindi niya ipinaalam ito sa government peace panel at ang mga negosyador ng MILF, at tuluyang nilabag ang ceasefire agreement. At ikaanim, ang sumunod si Aquino sa “dikta at pagpapabaya sa panghihimasok ng isang dayuhang gobyerno” sa isang internal na operasyon sa Pilipinas.

Kaharap ng mga pulis na nangharang sa mga demonstrador sa US embassy. Hinimok ng progresibong mga grupo na makiisa ang mga pulis sa panawagang magbitiw si Aquino. <b>Macky Macaspac</b>
Kaharap ng mga pulis na nangharang sa mga demonstrador sa US embassy. Hinimok ng progresibong mga grupo na makiisa ang mga pulis sa panawagang magbitiw si Aquino. Macky Macaspac

Digmaan pa rin

Sinabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, na pinakahuli lang ang insidente sa Mamasapano sa panghihimasok ng puwersang militar ng US sa Pilipinas.

Noong panahon ng digmaang Pilipino-Amerikano, tantiya ng mga historyador na mayroong 250,000 hanggang isang milyong Pilipino ang pinaslang. Bumubuo ito ng 10 porsiyento ng populasyong Pilipino noong panahong iyon.

“Mula Maynila noong 1899 hanggang Mamasapano ngayong 2015, maraming Pilipino ang pinaslang ng Estados Unidos kahit pa nagpapakitang-mukha ito na ‘kaibigan ng mga mamamayang Pilipino’,” diin ni Labog.

Dugtong ni Charise Bañez, tagagapagsalita ng League of Filipino Students, ang kasaysayan ng presensiya ng mga sundalong Amerikano sa bansa. Aniya, “ang utang na dugo ng Estados Unidos na pumaslang ng 1.5 milyon Pilipino sa Fil-Am War ay hindi pa rin nababayaran.”

Naglagay ang mga pulis ng itim na ribbon sa kanilang tsapa bilang simbolo ng panawagan para sa hustisya sa mga kasamahang pulis na namatay sa Mamasapano. <b>Darius Galang</b>
Naglagay ang mga pulis ng itim na ribbon sa kanilang tsapa bilang simbolo ng panawagan para sa hustisya sa mga kasamahang pulis na namatay sa Mamasapano. Darius Galang

Kaisa ang grupo ni Bañez sa panawagan ng pagpapanagot sa anila’y ulo ng Oplan Wolverine.

“Kailangan nating ipunin ang ating galit at idirekta iyon sa rehimeng Aquino, na nakipagsabuwatan sa Estados Unidos sa ngalan ng giyera kontra terrorismo. Patunay ang nangyari sa Mamasapano kung paano tratuhin ni Aquino ang buhay ng mga Pilipino bilang dispensible sa kanyang pagpapakatuta sa interes ng US.”

Sinabi naman ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan, sa hanay ng mga miyembro ng PNP na nangharang sa harap ng embahada ng US na dapat na makiisa sila sa mga panawagang magbitiw si Aquino dahil sa pananagutin nito sa pagkamatay sa mga kapwa nila pulis sa Mamasapano.

“Ngayon, malaya kayong (mga pulis) simigaw: Noynoy Resign!” sigaw ni Crisostomo.”Sa araw na ito, parehong puyos ang damdamin at kamao ng mga mamamayang lumalaban, maging ng kapulisan.”

Pinabulaanan din ni Crisostomo na misencounter ang nangyari, o di sadyang sagupaan ng dalawang armadong puwersa.

“Dapat ayusin ang kuwento,” dugtong pa ni Crisostomo, dahil aniya’y kung anu-ano lang na pantatakip ang ginagawa ng gobyerno.

“Hindi misencounter ang nangyari. Apat na raan, armado, ilalarga, papalakarin sa teritoryo ng MILF, hindi ba naghahanap ng giyera iyon? Iyon ang gusto nila, giyerahin ang komunidad ng MILF, ng BIFF, at ipahamak ang mga kapwa ninyo pulis, maging ang mga sibilyan, para lamang masunod ang kapritsuhan ng Estados Unidos,” sabi pa ni Crisostomo, habang humaharap sa mga pulis.

“Noong may namatay na, naramdaman ba ninyo ang simpatiya ng pangulo? Nasaan ang pangulo?” dugtong pa na tanong ni Crisostomo sa mga sumali sa martsa maging sa kapulisan.

Galit na ikinuwento ni Amirah Lidasan, tagapagsalita ng Suara Bangsamoro, sa harap ng embahada ng US, ang pagsalakay sa komunidad ng mga Moro sa Mamasapano. <b>Macky Macaspac</b>
Galit na ikinuwento ni Amirah Lidasan, tagapagsalita ng Suara Bangsamoro, sa harap ng embahada ng US, ang pagsalakay sa komunidad ng mga Moro sa Mamasapano. Macky Macaspac

Paglabag sa usapan

Mahalagang mensahe ang iniwan ni Amirah Lidasan, tagapagsalita ng Suara Bangsamoro, ukol sa kapayapaan sa Mindanao. “Sa haba-haba ng panahon ng usapang pangkapayapaan, ngayon lang natin nakita ang pagtraydor at pagtalikod muli ng gobyerno ng Pilipinas, ni Presidente Aquino, laban sa mga mamamayang Moro,” ani Lidasan.

“Alam ninyong mga kapulisan kung ano ang ipinunta ng PNP-SAF doon. Iyung $5 Million bounty, utos ng Estados Unidos para maghanap ng terorista. At ang hinarap nila doon, naka-full metal gear. Ano po ang hanap: Giyera. Giyera ang hanap sa aming komunidad. At ano ang sabi ng PNP-SAF sa amin? ‘Walang tiwala sa MILF.’ Ibig sabihin po, walang tiwala sa peace negotiation, walang tiwala sa ceasefire mechanisms, wala siyang tiwala sa lahat ng napag-usapan ng GPH-MILF,” sabi pa ni Lidasan.

Aniya, magkakaroon lang ng tunay na kapayapaan sa katimugang bahagi ng bansa kung may tunay na pagkakaisa ang mga mamamayang Pilipino, Kristiyano man o Moro, maging Lumad ng Mindanao.

“Hinihikayat namin ang mga kapatid namin dito sa Maynila. Ang insidenteng ito ay dapat magpabukas sa ating mga mata. Sa mga tanong na ‘sino ang responsable,’ dapat ituro na natin at pangatawanan na iyan: si Presidente Aquino at ang gobyerno ng Amerika,” sabi pa ni Lidasan.

Sinabi pa niya na kung sinsero ang gobyerno, maaayos ang usapang pangkapayapaan. Pero sa ngayon, malinaw umanong hindi kapayapaan ang tunay na pakay ng administrasyong Aquino sa Mindanao.

Kasama sa mga nagprotesta ang Migrante International, Gabriela, Kalipunan ng Damayang Mahihirap, Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide, Health Alliance for Democracy, Alliance of Concerned Teachers, Confederaton for the Unity, Recognition and Advancement of Government Employees, Karapatan – Alliance for the Advancement of People’s Rights, at iba pa.

Nakiisa sila sa panawagang magbitiw na sa puwesto si Aquino.