Pluma at Papel

Kahabag-habag na Migranteng Manggagawa


Nakalulungkot at nakasusulak ng dugo ang mga kaapihan at pambubusabos na matagal nang dinaranas ng migranteng manggagawang Pilipino sa Malaysia man o sa Taiwan o sa Japan, sa Singapore man o sa Gitnang Silangan, sa Europa man o sa Amerika o sa Aprika. Ilan na nga ba sa kanila ang biktima ng makahayop na kalupitan ng […]

Nakalulungkot at nakasusulak ng dugo ang mga kaapihan at pambubusabos na matagal nang dinaranas ng migranteng manggagawang Pilipino sa Malaysia man o sa Taiwan o sa Japan, sa Singapore man o sa Gitnang Silangan, sa Europa man o sa Amerika o sa Aprika. Ilan na nga ba sa kanila ang biktima ng makahayop na kalupitan ng kanilang mga amo: walang patumanggang binugbog, pinaso ng plantsa, inginudngod sa kubeta, ginutom at ginahasa? Ilan na ba sa kanila ang nakabilanggo ngayon dahil napilitang ipagtanggol ang sariling karapatan sukdulan ngang makapatay? Ilan na ba sa kanila ang pinutulan ng ulo, binitay o nakatakda nang bitayin? Ilan na ba sa kanila ang umuwing baliw o iniuwing bangkay na lamang? Tingnan na lamang ang detalyadong mga datos ng grupong MIGRANTE kaugnay nito.

Nagsimula ito matapos ang digmaang Pilipino-Amerikano. Naging kolonya tayo ng Amerika at ipinatupad ng gobyerno ang mga patakaran ng malayang kalakalan kaya naging tambakan ang bansa ng sobrang mga produkto ng Estados Unidos at, higit pang masama, dahil sa masidhing pangangailangan ng Amerika sa hilaw na mga materyales, hinuthot nito ang likas na yaman ng bansa na nagpalaganap ng karalitaan hanggang sa kanayunan at tuluyang nagbunsod sa migrasyon ng manggagawang Pilipino.

Sa kasaysayan ng pandarayuhan ng manggagawang Pilipino — na kilala ngayon bilang OCWs (overseas contract workers) — maaaring ang kauna-unahang napatalang migrasyon ng mga ito ay ang pagdating sa Hawaii noong Disyembre 20, 1906 ng grupo ng 15 kalalakihang Ilokano upang magtrabahong parang mga sakada sa plantasyong Olaa. Pagsapit ng 1934, umabot ng 120,000 ang nagkakandakubang manggagawang Pilipinong nagkalat sa mga taniman ng tubo at pinya at iba pang produktong agrikultural sa Hawaii. Karamihan sa kanila’y mga magsasakang hindi nakapag-aral mula sa Pangasinan, Cebu at Ilokos kung kaya madaling nalinlang sa mga kontratang kanilang tinanggap, pinasuweldo nang agrabiyado, at napilitang lunukin ang hindi makatarungang mga kondisyon sa paggawa. Pinagtrabaho sila ng 10 oras sa isang araw, 26 na araw sa isang buwan, sinigaw-sigawan at ininsulto ng mga tagapamahalang Haoles — mga Amerikanong Caucasian — at kapag nagkamali o saglit na nagpahinga, sinasaktan pa minsan ng mga katiwalang Kastila at Portuges.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, mula ng huling taon ng dekada ’40 hanggang dekada ’60, libu-libong manggagawang Pilipino ang dumagsa sa mga konstruksiyong militar ng Amerika sa Pasipiko, lalo na sa mga isla ng Guam, Okinawa at Wake, ngunit inagrabiyado rin sa suweldo kung ihahambing sa sahod ng mga manggagawang Amerikano sa parehong trabaho.

Dahil bagsak nga ang ekonomiya ng bansa bunga ng kainutilan, katiwalian at makadayuhang patakarang pangkabuhayan ng walang gulugod na pambansang liderato, at lubhang mailap ang oportunidad para sa karaniwang manggagawang Pilipino, nandayuhan na rin sila sa Thailand at Malaysia sa mga huling taon ng 1960. Kahit hindi tiyak ang kasasapitan, nakarating ang iba sa Alemanya, Italya at Pransiya, at iba pang mga bansa sa Europa. Napadpad ang iba sa California at Chicago sa Amerika, sa Ontario at Winnipeg sa Canada, dahil sa pagbabakasakaling matagpuan ang hinahanap na ginto upang maiahon sa gutom at karalitaan ang iniwang nalulungkot at nangungulilang mga pamilya.

Nang pairalin pa ang Batas Militar ng diktadurang Marcos noong 1972, lalong humilahod ang pambansang ekonomiya, lalong naghirap ang ordinaryong mga mamamayan, at lalong tumaas ang halaga ng dolyar kontra sa piso kaya lalong tumindi ang migrasyon ng mga manggagawang Pilipino — babae man o lalaki — at napadpad sila sa iba’t ibang lupalop, sa Iraq man o sa Iran, sa Bahrain man o sa Kuwait o sa Dubai sa Gitnang Silangan, sa Angola man o sa Ethiopia at Nigeria sa Aprika, at maging sa Singapore, Hongkong, Taiwan, Japan at Korea sa Asya. Ang iba, kahit salat sa kaalaman at karanasan, ay napilitang sumuot at maglingkod sa pandaigdig na industriya ng pagbabarko, naglayag saanmang sulok ng mundo taglay ang mumunting mga pangarap na malimit namang nilalamon lamang ng dambuhalang mga alon sa malawak na karagatan.

Sa kasalukuyan nga, milyun-milyon na silang parang mga layak na nakakalat sa iba’t ibang mga lupain at kayakap nila ang pangungulila’t kalungkutan, biktima ng inhustisya’t kaalipinan, ng karahasan at kamatayan, sa kanilang mahaba’t marawal at nakahahabag na kasaysayan. Tiniis nila ang nakapapasong init sa mga konstruksiyon at minahan ng langis sa disyerto ng Saudi Arabia; tiniis nila ang makadurog-butong lamig sa pabrika ng salmon at sardinas sa Alaska; tiniis nila lalo na ng mga kababaihan ang pagmamalupit ng kanilang amo — ang suntok, sipa’t tadyak, bugbog at panggagahasa sa Singapore, Hongkong at mga bansang Arabo; tiniis nilang magsayaw nang hubo’t hubad, mabulid sa prostitusyon, laspagin at babuyin sa mga bahay-aliwan sa Japan; tiniis nila ang malarya at iba pang nakamamatay na sakit sa mga minahan sa Aprika ngunit, higit sa lahat, tiniis nila ang nakapanlulumong kalungkutan dahil sa matinding pangungulila sa iniwang mga mahal sa buhay.

Bagaman nasusuhayan nga nila ang bumabagsak na pambansang ekonomiya sa pamamagitan ng bilyun-bilyong dolyar na ipinadadala nila taun-taon sa bansa, nakapaghihimagsik na hindi naman sila ganap na pinangangalagaan o tinutulungan ng sariling gobyerno hinggil sa mga problemang kaugnay ng kanilang mga trabaho sa iba’t ibang banyagang lupaing kinaroroonan nila ngayon. Patuloy lamang silang binobola o inuutong “mga bagong bayani” ngunit wala namang kongkreto’t makabuluhang mga programa ang pambansang liderato upang sila’y maalalayan at sagipin sa kumunoy na kanilang kinasadlakan.

Dahil sa kontra-manggagawa at makadayuhang mga patakarang pangkabuhayan ng umiiral o naghaharing rehimen, inaasahan pa ngang lalong titindi ang pandaruhayan ng manggagawang Pilipino kahit hitik na ang kasaysayan nito ng inhustisya’t kalupitan at kaalipinan. Hanggang inutil ang gobyernong mabigyan ng sapat na oportunidad ang kanyang mga mamamayan — desenteng trabaho, makatarungang sahod, kaukulang mga benepisyo sa paggawa tungo sa maluwag o komportableng buhay — patuloy at patuloy na ipapadpad ng hangin ng karalitaan at kakalat na parang mga layak sa iba’t ibang panig ng mundo ang manggagawang Pilipino. At. di nga kasi, patuloy at patuloy ding mararagdagan ang mahaba nang listahan ng mga inabuso’t ginahasa, ng mga pinatay at nagpakamatay, ng mga ikinulong, pinahirapan at binitay, ng mga umuwing baliw o bangkay na lamang, hanggang hindi maabot ng kurtadong utak ng estado ang tungkulin nitong lubos na pagmalasakitan, pangalagaan at ipagtanggol ang interes ng uring manggagawang Pilipino — narito man o nasaan mang panig ng mundo.

Marami nga sa kanila — lalaki man o babae — ang umalis ng bansa nang luhaan o humahagulhol hanggang sa loob ng eroplano at, kung hindi man bumalik na bangkay na lamang, umuuwi namang bigo’t halos masiraan ng bait, durog ang mga pangarap at pira-piraso ang kinabukasan dahil sa mapait at malagim na karanasan sa banyagang lupang pinuntahan sa paghahanap ng kahit kapirasong langit para sa mga mahal sa buhay.

Kahabag-habag na uring manggagawa!