Kabataan Main Story

Misteryo sa likod ng ‘Other School Fees’


Estudyante ng pharmacy si Mae Pauline Siocson sa Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila. Bagamat may magulang pa siyang handang magtustos sa kanyang matrikula, naisipan na rin niyang maghanap ng trabaho para makatugon sa ibang pangangailangan sa eskuwela. “Part-time tutor ako. Kumikita ako ng Php 10,000-15,000 kada buwan,” kuwento ni Mae. “Siyempre, nakakatulong ito; mahal mag-pharmacy. […]

Nagsindi ng kandila ang mga kaeskuwela ni Rosanna Sanfuego, ang estudyanteng nagkitil ng sariling buhay dahil diumano'y di mabayaran ang "other school fees" sa Cagayan State University. Photo courtesy of <b>NUSP</b>
Nagsindi ng kandila ang mga kaeskuwela ni Rosanna Sanfuego, ang estudyanteng nagkitil ng sariling buhay dahil diumano’y di mabayaran ang “other school fees” sa Cagayan State University. Photo courtesy of NUSP Cagayan Valley

Estudyante ng pharmacy si Mae Pauline Siocson sa Unibersidad ng Pilipinas sa Maynila. Bagamat may magulang pa siyang handang magtustos sa kanyang matrikula, naisipan na rin niyang maghanap ng trabaho para makatugon sa ibang pangangailangan sa eskuwela.

Part-time tutor ako. Kumikita ako ng Php 10,000-15,000 kada buwan,” kuwento ni Mae. “Siyempre, nakakatulong ito; mahal mag-pharmacy. Maraming bibilihin, tulad ng glassware at kung anu-ano pa.”

Hinahati niya ang kita niya para sa iba pang gastusin, tulad ng bayad sa dormitoryo (“Limang libo ito per month!”). Maliban dito, naglalaan si Pauline ng 25 porsiyento ng kanyang suweldo at allowance para sa pangangailangan at pandagdag sa kanyang matrikula.

Nang tanungin ng Pinoy Weekly tungkol sa iba pang bayarin labas sa matrikula ng paaralan, napabuntung-hininga na lang si Pauline: Alam niyang sobra-sobrang pabigat na iyun, pero wala siyang magawa kundi bayaran ito.

“Wala naman masyadong nagrereklamo sa other fees sa amin; Siguro sa tingin ko kasi maykaya mga tao,” sabi ni Pauline. “Karamihan sa college, ang concern nila ay grades.”

Idiniin ni Sarah Jane Elago, tagapangulo ng National Union of Students of the Philippines, na “exorbitant, dubious and redundant” ang iba pang bayarin bukod sa matrikula, na tinatawag nila na other school fees (OSF).

“Ang katangian ng OSF ay ’yung lahat ng binabayaran mo maliban sa tuition,” paliwanag ni Elago. Paliwanag niya, halimbawa nito ang miscellaneous fees. Pero sa kanyang salita, ang OSF ay “other, other, other school fees”. Ibig sabihin, tahasang lagpas pa sa miscellaneous fees.

PW march 8 memeSingiling di maipaliwanag

Weird” o kakaiba ang pagsasalarawan ni Pauline sa OSF. Marami sa mga ito, halos di maipaliwanag ng administrasyon ng eskuwela. “Hindi ko talaga alam kung saan ito pumupunta,” aniya. Binanggit niya ang ilang bayarin, tulad ng cultural, athletics, at energy fees. “Meron pang internet fee — kasama iyon lahat sa printed registration form.”

Hindi masagot ni Pauline kung dapat nga bang bayaran ng mga mag-aaral ang iba pang bayarin. “Siguro,” aniya, “kasi kulang din naman kami sa information. Hindi ko alam kung saan nila (school administration) inilalaan ’yung fees.”

“Matagal na itong ipinatupad (sa maraming pamantasan),” paglilinaw ni Elago. “Sa ating pag-aaral, andami palang schools na pagkadami-dami ang sinisingil na OSF. At kadalasan, ’yung binabayaran na OSF ay mas mataas pa kaysa sa binabayarang tuition.”

Inilinaw naman ni Elago na matagal na nilang itinatanong sa mga kolehiyo at pamantasan kung ano at para saan nga ba ang mga OSF na kanilang sinisingil sa mga estudyante.

“Halimbawa, sa University of the East, mayroon silang dental fee, pero may doktor lang pala sila kapag may event (ang eskuwela). Kaya walang palaging doktor; may nurse lang. At hindi kasinghalaga ’yung (available na) gamot at serbisyo sa aktuwal na binabayaran ng estudyante. From a consumerist perspective, the students are asking bakit ganito lang ang nakukuha namin in terms of facilities at marami pang iba,” paliwanag pa ni Elago.

Dugtong pa niya, bukod sa OSF ay may tinatawag pang “ghost fees,” na binabayaran pero hindi naman nakikita. “Katulad ng laboratory fees. Sa University of San Carlos sa Cebu, may lab fee sila, pero wala namang laboratory. May laboratory fee raw kasi ’yung kuwarto na ginagamit nila ay may aircon (air conditioning).”

May pare-parehong fees daw sa mga paaralan, tulad ng naunang mga nabanggit. Nag-iiba ang ilang bayarin ng mga ito sa bawat pamantasan o paaralan. Mayroon diumanong “shop fee” sa teknikal na mga paaralan tulad ng Technological University of the Philippines. Ginagawa na ngang katatawanan ang katawagan sa ilang singilin, tulad ng “lifelong relations fee” sa Central Philippine University.

“Ang biro nga namin doon: Kapag binayaran ba namin iyan ay magkakaroon kami ng karelasyon (boyfriend o girlfriend)? Iyon pala, ang ibig sabihin noon, once na nag-enroll ka sa paaralang iyon, may prebilehiyo ka nang tawagin ang sarili mo bilang taga-school na iyon,” sabi pa ni Elago.

Posible umanong nagagamit naman talaga ang OSF sa eskuwela. “Pero ang punto’y dapat sakop na lahat ng pangangailangan mo (sa eskuwela) doon sa tuition na binayaran mo,” sabi pa niya. Kasi bakit pa may matrikula, kung hindi naman ito para sa pangangailangan ng mga estudyante? Maliban na lang kung pangunahing layunin na talaga ng eskuwelahan ang kumita — at sekundaryo na lang ang pagbibigay-edukasyon sa mga estudyante.

“Iyang tuition, at ang OSF, ay nagiging balon para sa mas malalaking kita ng mga paaralan,” diin pa ni Elago.

Sa estadistika ng Budget of Expenditures and Sources of Financing 2012-2015 ng Department of Budget and Management (DBM), napag-alamang nagbabayad ang bawat isang estudyante sa 1.1 milyong mag-aaral sa pampublikong kolehiyo ng aabot sa P12,000 mula sa taong 2010 hanggang 2013.

Tantiya ng Kabataan Party-list, umabot na ng kabuuang P13.5 Bilyon ang nakolekta ng lahat na mga paaralan sa loob lang ng apat na buwan.

Protesta ng Rise for Education (R4E) Alliance sa harap ng Commission on Higher Education (CHED) para ipanawagan nila ang "pagpatay sa kabataan" sa pamamagitan ng pagpigil sa taa-singil sa matrikula at pagpataw ng kung anu-anong "other fees". Photo courtesy of <b>NUSP</b>
Protesta ng Rise for Education (R4E) Alliance sa harap ng Commission on Higher Education (CHED) para ipanawagan nila ang “pagpatay sa kabataan” sa pamamagitan ng pagpigil sa taa-singil sa matrikula at pagpataw ng kung anu-anong “other fees”. Photo courtesy of NUSP

Problema sa SUCs

Isang problemang kinaharap ng state universities and colleges (SUCs) ang kakulangan ng pondo dahil sa papaliit na subsidyong tinatanggap ng mga ito sa gobyerno. Napipilitan tuloy ang mga itong gumawa ng mga hakbang para makalikom ng sariling pondo.

Isang ehemplo rito ang pagpapaupa ng UP Diliman ng lupa sa Ayala Land Inc. para sa Technohub — isang technopark ng malalaking IT companies at call centers — sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Natulak din ang UP Diliman na ipa-lease ang lupang dating kinatatayuan ng UP Integrated School upang bigyang puwang ang UP Town Square na pagmamay-ari rin ng Ayala Corp.

Isang paraan ang OSF para magkaroon ng dagdag na kita ang paaralan. Makikita sa kabuuang nalikom ng 110 SUCs ang papalaking kita mula sa OSF. Lumaki ang kita ng SUCs nang aabot sa 60 porsiyento—mula P2.6-B noong 2010 hanggang sa P4.1-B nitong 2013. Tantiya ng DBM, maaari itong umabot sa P4.4-B sa 2015. Ibig sabihin, kalimutan na ang pagiging public university ng UP at iba pang SUCs—inihahanda na ang pagiging pribado (at kumikita) nito.

Sa pambansang average, nagbabayad ng P3,268 ang bawat mag-aaral na nasa SUC para lamang sa OSF.

Sa unang tingin, mukhang mura pa rin ang binabayarang ito. Pero kung ilalapat ito sa situwasyon ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), makikita ang malaking diperensiya. Sa isang paaralan na naniningil ng P12 kada yunit na matrikula, di hamak na mas malaki ang nalikom ng paaralan sa OSF kaysa sa matrikula.

Datos muli ng DBM ang nagpapakita na nakakolekta ng P458.6-M sa tuition mula 2010 hanggang 2013 ang PUP. Ikumpara ito sa P709.7-M na nalikom ng naturang pamantasan mula sa OSF sa parehas na mga taon. Ibig sabihin, kahit napakamura ng matrikula sa PUP, makakalikom pa rin ng malaking kita ang pamantasan dahil sa OSF.

Nakakabahala ang datos na ito, ayon kay Kabataan Party-list Rep. Terry Ridon. “Sa loob lang ng apat na taon, nakakolekta ang mga SUC ng halaga na maaaring maipagawa ng 1,000 kilometrong farm-to-market roads, o ng 3,000 health centers,” sabi niya. Sinabi rin ni Ridon na para lang sa OSF ang datos.

“Isipin mo pa kung gaano kalaking pondo ang kinukuha sa mga estudyante sa matrikula,” aniya.

Komersiyal na edukasyon

Isa lang ang pangongolekta ng OSF sa mga ehemplo ng komersiyal na oryentasyon ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Sa tunguhing ito ng SUCs, malinaw ang tulak ng administrasyong Aquino na lalong isapribado ang tertiary education sa gawa. Ibi nitong sabihin na gusto ni Aquino na kumikita ang pampublikong mga pamantasan at kolehiyo at ilayo ito sa abot-kamay ng milyun-milyong maralitang kabataan sa buong bansa.

Samantala, tinanong ng Pinoy Weekly si Pauline kung ano ang dapat niya gawin para mabago ang kalagayan niya at maibasura ang di-makatarungang paniningil ng OSF. Sabi niya, di siya sigurado. Tulad ng maraming estudyante, nagsisimula pa lang ang pagkamulat ng mga tulad niya sa pangangailangan ng sama-samang pagkilos ng mga estudyante para mabago ang mapang-aping sistema.

Samantala, para kay Elago, pagkakataon ang kampanya kontra sa OSF para makita ng kapwa niyang mga estudyante na may disenyo ang Estado na gawing mas komersiyalisado ang edukasyon sa bansa. Pagkakataon ito para ipakitang hindi pabor sa kabataan ang administrasyong Aquino, kundi pabor sa iilang malalaking negosyante na nais kumita mula sa tertiary education.

Sinabi pa niya na nag-aambag ang OSF sa kabuuang tumitinding komersiyalisasyon ng edukasyon at sa pagtindi ng kawalan ng akses sa edukasyon ng dumaraming kabataang Pilipino.

Ang tindig naming mga estudyante ay maibasura ang lahat ng OSF. Isa itong manipestasyon ng malalang kalagayan at krisis sa edukasyon,” pagtatapos ni Elago.

(Editor’s Note: Matapos maisulat ang artikulong ito, lumabas sa balita ang pagpapakamatay diumano ng isa na namang estudyante, si Rosanna Sanfuego, dahil di raw makapagbayad ng ‘other school fees’ sa Cagayan State University. Pinaiigting ngayon ng mga grupo ng kabataan tulad ng NUSP ang kampanya laban sa maanomalyang pangongolekta ng mga bayarin.)