Kababaihan

Tangkang pag-areglo ng US sa pamilyang Laude, kinondena


Sumugod sa harap ng embahada ng Estados Unidos (US) ang grupong pangkababaihan na Gabriela para kondenahin ang tangkang pang-aareglo ng gobyernong US sa kaso ni Private First Class Joseph Scott Pemberton na suspek sa pagpatay sa Pilipinong transgender na si Jennifer Laude sa pagsisimula nang pagdinig sa kaso. Nauna nang napaulat ang tangkang pag-aareglo sa pamilya ni […]

Sumugod ang Gabriela sa Embahada ng Amerika para kondenahin ang tangkang pag-areglo sa kaso ni Jennifer Laude. Pher Pasion
Sumugod ang Gabriela sa Embahada ng Amerika para kondenahin ang tangkang pag-areglo sa kaso ni Jennifer Laude. <strong>Pher Pasion</strong>
Sumugod ang Gabriela sa embahada ng US para kondenahin ang tangkang pag-areglo sa kaso ni Jennifer Laude. Pher Pasion

Sumugod sa harap ng embahada ng Estados Unidos (US) ang grupong pangkababaihan na Gabriela para kondenahin ang tangkang pang-aareglo ng gobyernong US sa kaso ni Private First Class Joseph Scott Pemberton na suspek sa pagpatay sa Pilipinong transgender na si Jennifer Laude sa pagsisimula nang pagdinig sa kaso.

Nauna nang napaulat ang tangkang pag-aareglo sa pamilya ni Laude sa halagang P21 Milyon. Tinanggihan ito ng pamilya.

“Tulad ng isang demonyo na nag-aalok  ng pera kapalit ng kaluluwa ng isang tao, isang insult sa pamilya Laude at sa lahat ng patriyotikong Pilipino na naghahangad ng hustisya ang tangka ng gobyerno ng Estados Unidos ang pag-aalok ng pera,” ayon kay Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Ayon kay Salvador, ganito rin ang ginawa ng US sa kaso noon ni “Nicole” na ginahasa ni US Marines Lance Corp. Daniel Smith noong 2005. Hinatulan si Smith na guilty sa kasong panggagahasa ng korte. Pero nakalaya ito matapos bawiin ni Nicole ang kanyang mga testimonya.

Hinarangan ng mga pulis ang grupong Gabriela na makalapit ng husto sa harapan ng Embahada ng Amerika. <strong>Pher Pasion</strong>
Hinarangan ng mga pulis ang mga miyembro ng Gabriela na makalapit ng husto sa harapan ng embahada ng US. Pher Pasion

“Ang tanging kaibahan sa kasong ito ay patay na si Jennifer at hindi na siya makakatestigo o makapagbibigay ng anumang pahayag. Ang pamilya niya ay maaaring bulnerable sa mga tangka ng US para areglohin ang kaso. Pero hinihikayat namin sila na ituloy ang paghahanap ng hustisya para kay Jennifer,” ani Salvador.

Kasabay din ng paglabas ng tangkang pag-areglo sa kaso ni Laude ang paglabas ng parehong imbestigasyon ng Board of Inquiry at Senado na nagpapakita ng partisipasyon ng US sa nangyari sa Mamasapano.

“Sa Mamasapano man o sa Olongapo, ang mga tropang Amerikano ay binigyan ng lisensiya para balewalain ang mga batas sa Pilipinas. Nilalabag ang karapatan at dignidad ng mga mamamayang Pilipino at niyuyurakan ang soberanya ng Pilipinas sa bisa ng Visiting Forces Agreement, Enhanced Defense Cooperation Agreement, at iba pang makaisang panig na mga kasunduan na sunusunod ng buong-buo ng gobyeno ni Aquino,” paliwanag ni Salvador.

Kinondena rin ng grupo ang pagiging tikom ang bibig ni Aquino sa kaso ni Laude at sa tangkang pag-areglo ng US sa kaso.

“Sa lahat ng direksiyon gumuguho ang liderato ni Aquino, dahil anong klaseng gobyerno nga naman ang pipiliin pang isakripisyo ang buhay at dignidad ng mga mamamayan nito para lamang manatiling tagasunod sa anumang hilingin ng dayuhan nitong amo?” ayon kay Salvador.

Siniguro naman ng Gabriela sa pamilyang Laude na ang laban ni Jennifer ay hindi lamang para sa kanya kundi sa lahat ng Pilipino na nagmamahal sa kaniyang bayan at nakahandang protektahan ang soberanya nito.

“Ang pakikibaka para sa hustisya ay hindi magiging madali sa sitwasyon na nagtutulungan ang gobyerno ng Pilipinas at Amerika para makaalis si Pemberton, pero nais naming malaman ng pamilya Laude na ang lahat ng patriyotikong Pilipino ay kaisa nila sa paglaban para sa hustisya,” pagtatapos ni Salvador.