Main Story Manggagawa

Mga lider-kawani ng gobyerno, hinaharas ng militar


Sa likod ng malaking pagkilos ng mga manggagawa noong Mayo Uno, Pandaigdigang Araw ng Paggawa, naganap ang panghaharas sa mga kawani at manggagawa ng pamahalaan. Isiniwalat kamakailan ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Empoyees (Courage) ang panghaharas sa mga nasa pamunuan ng mga unyon ng mga kawani sa pamahalaan. Ibinahagi ni Rosalinda […]

Mga sulat na ipinadala sa iba't ibang lider-kawani bago ang Mayo Uno. <b>Darius Galang</b>
Mga sulat na ipinadala sa iba’t ibang lider-kawani bago ang Mayo Uno. Darius Galang
Ferdie Gaite ng Courage <b>PW File Photo</b>
Ferdie Gaite ng Courage PW File Photo

Sa likod ng malaking pagkilos ng mga manggagawa noong Mayo Uno, Pandaigdigang Araw ng Paggawa, naganap ang panghaharas sa mga kawani at manggagawa ng pamahalaan.

Isiniwalat kamakailan ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Empoyees (Courage) ang panghaharas sa mga nasa pamunuan ng mga unyon ng mga kawani sa pamahalaan.

Ibinahagi ni Rosalinda Nartates, tagapangulo Consolidated Union of Employees of the NHA (CUE-NHA) na nakapailalim sa Courage, na isang Capt. Evangelista ng Philippine Army ang nakapirma sa isang sulat-kamay sa liham na kanyang natanggap. Isa pang lider ng unyon ang nakatanggap na kaparehas na liham.

Hindi lamang si Nartates ang nakatanggap ng kaparehas na liham. Ibinunyag din ni Manny Baclagon, tagapangulo ng Social Welfare Employees Association of the Philippines-Department of Social Welfare and Development (SWEAP-DSWD) na nakatanggap siya ng kaparehas na liham, na ipinadala direkta sa kanilang bahay.

Nag-ulat din ang National Food Authority Employees Association ng kahaintulad na liham na nilagdaan ng isang Capt. Mandiwang at isang “Jay.”

Bukod sa mga liham, nag-ulat din si Tess Gonzales ng Kapisanan Para sa Kagalingan ng mga Kawani ng MMDA (KKK-MMDA) ng pagmamanman ng dalawang hindi nagpakilalang lalake sa sa kanilang opisina.

Diumano’y hinahanap siya at hiniling na magpunta sa isang lugar upang makapag-usap. Nang tumanggi si Gonzales, nagpakilala ang dalawa bilang galing sa mga unyon, ngunit umalis nang tinanong ang kanilang mga pangalan.

Sa mga sulat na ito, nakasaad ang mga numero ng kanilang umano’y lalapitan, upang umano’y makipagtulungan, dahil ayon sa mga liham, alam na ng nagpadala ng liham na naibunyag na ang kanilang “pagiging miyembro ng nangununang organo ng Communist Party of the Philippines”.

Sinabi ni Ferdinand Gaite, tagapangulo ng Courage, na direktang atake ito sa kanila at walang ibang sisisihin kundi ang gobyerno kapag may nangyaring masama sa kanila.

“Patunay ito na matagal na nila kaming minamanmanan, alam nila kung saan kami nakatira, anong oras kami pumapasok at umuuwi,” ani Gaite.

Pinanatili niya na walang ginagawang masama ang kanyang mga kasama sa Courage.

“Kung mayroon man kaming aaminin, iyon ang krimen ng organisadong pagkilos upang isulong ang mga karapatan ng mga kawani ng pamahalaan at isulong ang tunay na serbisyo publiko,” sabi pa ni Gaite.

Malaki ang kanilang hinala na nakadugtong ang mga liham at paniniktik sa paghahanda ng pagkilos para sa Mayo 1. Inalala rin nila ang nangyari kay Randy Vegas at Raul Camposano, dalawang kasapi ng Courage na dinakip at ikinulong sa Bikol sa mga gawa-gawang kaso na isinampa ng militar.

“Ang aming pagsali sa pagkilos noong Mayo Uno ay patikim lamang sa mga nalalabing buwan ng pamamahala ni Pangulong Aquino na nagpahirap sa mahigit 1.4 milyong kawani ng pamahalaan,” pagtatapos niya.