#TanduayWorkersOnStrike: Welga ng mga Kontraktuwal

May 21, 2015

Matapos ang ilang dispersal, nakatindig pa rin ang piketlayn ng mga kontraktwal na manggagawa ng Tanduay Distillers Inc. JL Burgos

Matapos ang ilang dispersal, nakatindig pa rin ang piketlayn ng mga kontraktwal na manggagawa ng Tanduay Distillers Inc. JL Burgos

Kung dati-rati, dumaraan sa ilalim ng kanilang mga kamay ang bote ng sikat na mga alak ng Tanduay—Tanduay Rhum, Gin Kapitan, at Compañero ang ilan lamang dito—ngayon, ipinupukol na ito sa kanilang mga ulo.

Simula nang ipinutok ang welga ng mga manggagawa ng Tanduay Distillers Inc. noong umaga ng Mayo 18, ilang bote ng alak at malalaking bato na ang inihagis sa kanila. Ilang beses na rin silang binomba ng tubig ng mga guwardiya at dagdag na goons na inupahan ng kompanya para sa iisang layunin: durugin ang welga. Durugin ang welga ng mga kontraktwal, na sa pagkakaalam ng kapitalista ay wala namang karapatan.

Pitong taon nang nagtatrabaho sa Tanduay si Anse Are, pangulo ng Tanggulan Ugnayang Daluyang lakas ng Anakpawis sa Tanduay Distillers Inc. o TUDLA. Ang TUDLA ay isang asosasyon ng 397 kontraktuwal sa loob ng pabrika: 90 porsiyento sila ng buong lakas-paggawa sa distilerya. Sa kabila ng pagiging mayorya at matagal nang pagtatrabaho sa pabrika—karamiha’y nasa lima hanggang 11 taon na—nananatili silang kontraktwal, ineempleyo ng ahensiya o “kooperatiba.”

Arse Are, pangulo ng TUDLA. JL Burgos

Arse Are, pangulo ng TUDLA. JL Burgos

Kuwento ni Are, delikado ang mga kondisyon sa paggawa sa loob ng distilyera. At dahil mga kontraktwal, wala silang mga benepisyo at kaseguruhan sa trabaho. “Wala kaming personal protective equipment. Nagtatrabaho kami ng 6 to 6 (o 12 oras ng paggawa),” aniya. Minsan, umaabot pa ito ng 15 oras ng paggawa.

Kahit si Are ay isa nang inspektor o nakatalaga sa Quality Assurance (QA) ng mga produkto ng Tanduay, nananatiling P315 kada araw ang kanyang sahod.

Ito rin ang himutok ni Agustin Gutgutao, anim na taon na sa kompanya at isa ring QA. “Hindi sapat ‘yung sinusweldo namin. Maraming kaltas na wala sa ayos. Delayed ang sweldo. Tapos, ‘yung trabaho naman po namin halos walang pinagkaiba sa mga regular doon.”

Malaki umano ang kinakaltas sa kanilang sahod para sa mga kontribusyon sa SSS at Philhealth—ngunit ang masaklap, self-employed ang deklarasyon sa kanila.

Dalawang ahensiya ang ginagamit ng Tanduay—ang Global Skills Providers Multi-Purpose Cooperative at HD Manpower Service Cooperative. Madalas na gamitin ng mga employer ang mga “kooperatiba” para ipatupad ang ilegal na patakarang labor-only contracting (LOC), o pangongontrata ng mga trabahong sentral at mahalaga (core and essential) sa produksiyon.

Dahil sa matagal na panahong ay hindi sila ipinaglaban ng “dilawang” unyon sa loob ng pagawaan (na binubuo ng minorya o 44 na regular na manggagawa), nagpasya ang mga kontraktuwal na magsama-sama. Binuo nila ang TUDLA at ipinarehistro ito sa DoLE (Department of Labor and Employment) bilang isang asosasyon noong Abril 16. Ireklamo nila ng LOC ang Tanduay, at nagsampa ng petisyon para sa regularisasyon.

Kuha ni JL Burgos

Kuha ni JL Burgos

Ngunit ayon kay Are, lalo silang ipinahamak, sa halip na ipinagtanggol ng gobyerno. Sinabi ng departamento noong Abril 28 na batay sa inspeksyon ng kanilang mga opisyal na sina Jennifer Taip at Daisy Ramos, “legal” naman diumano ang pangongontrata ng Tanduay at walang mali sa pamamalakad ng dalawang ahensiya.

Ngunit matapos ang inspeksiyon, naghabol mismo ang mga ahensiya ng mga rekisitos na hindi nito ipinatutupad noon. Biglang pinapipirma ang mga manggagawa ng one-year service contract. Dati rati, ni wala silang kontratang pinipirmahan, kahit alam nilang sila ay kontraktwal lamang.

Sa pagkakataong ito, hindi na pumayag ang mga manggagawa. “Hindi na makatao ang ginagawa ng manedsment sa amin. Ang ipinaglalaban namin, regularisasyon, hindi kontrata ng isang taon,” ayon kay Are.

Kuwento ni Gutgutao, nakasaad din sa kontrata na ititigil na ang pagbibigay ng “cooperative savings.” Sa loob ng kanyang anim na taong pagseserbisyo sa Tanduay, aabot lamang sa P12,000 ang kanyang ipon. Dito, P8,500 pa lamang ang ibinibigay sa kanya.

Kuha ni JL Burgos

Kuha ni JL Burgos

Noong nakaraang Sabado, Marso 16, hindi na binigyan ng iskedyul ang mahigit 100 manggagawa na hindi pumirma sa kontrata. Senyales ito na tanggal na sila sa trabaho. Kaya mabilis na nagdesisyon ang mga manggagawa: 4:50 ng umaga ng Lunes, habang papasok pa lang ang iba, kinandado nila ang main gate ng distilyera at ipinutok ang welga. Nagtirik din sila ng piketlayn sa gate ng Asia Brewery sa tabing haywey.

Bandang alas-nuwebe ng umaga unang binomba ng tubig ang piketlayn sa tabing haywey. Pinaulanan ng malalaking bato at bote ng alak ang mga welgista. Pagsapit ng bandang ala-singko ng hapon, tinangka namang paalisin ang mga nakapiket sa main gate ng distilyera. Nang tinangkang pumasok ng mga nasa haywey upang tumulong, naganap ang pinakamarahas sa dispersal. Nasa 44 na manggagawa ang sugatan—karamihan ay nagtamo ng mga sugat sa ulo mula sa tama ng mga bato at bote.

Sa pagtatapos ng unang araw ng welga, matagumpay na naparalisa ang operasyon ng distilyera. Tinatayang nasa P30 Milyon ang “nalugi” sa kompanya.

Kinabukasan, 8:45 ng umaga, itinulak at pinalo ng ng mga guwardiya ang mga welgista paalis sa main gate ng distilyera. Isang DSLR camera ang kinuha nila mula sa mga manggagawang nagdodokumento ng dispersal. Bandang ala-sais ng hapon, muling binomba ng tubig at binato ang mga welgista mula sa loob ng gate ng Asia Brewery, na noo’y naka-reinforce na ng matatalas na concertina wire.

Sa ikatlong araw ng welga, nakatanggap ng ulat ang mga welgista na tatlong bus ng mga eskirol ang nakapasok sa pabrika. Dumaan sila sa private exit ng Asia Brewery sa South Luzon Expressway.

Tangkang dispersal sa piketlayn ng mga manggagawa ng Tanduay Distillers Inc. Gabriel Pancho

Kuha ni Gabriel Pancho

Gayunpaman, determinado ang mga manggagawa ng Tanduay na ituloy ang welga, dahasin man ng ilang ulit. “Ang laban namin hindi para sa kapakanan namin, hindi lang para sa sariling pamilya namin. Kundi laban ito ng buong kontraktwal na mga manggagawa dito sa Pilipinas,” sabi ni Are sa kanyang talumpati sa piketlayn.

Ayon kay Ariel Velasquez, tagapangulo ng Liga ng mga Manggagawa Para sa Regular na Hanapbuhay (LIGA), nasa 70 hanggang 80 porsiyento ng mga manggagawa sa Timog Katagalugan ay mga kontraktuwal at nakaempleyo sa mga ahensiya.

“Manggagawang kontraktuwal!” kayang sigaw. “Gawing regular!” sagot naman ng mga manggagawa.

“’Yan ang patakaran ni Lucio Tan. Kapag tumatagal na (ang mga manggagawa), tinatanggal. Halos nakakapagtaka nga, kasi ‘yung ibang cooperative dito sa Asia Brewery, hindi naman nagtatanggalan. Bakit kami, tinatanggal? Kasi alam nilang tumatagal na kami,” sabi ni Gutgutao.

Kuha ni JL Burgos

Kuha ni JL Burgos

Ang bilyunaryong si Lucio Tan—nakalista sa Forbes Magazine na pangalawang pinakamayang Pilipino—ang may-ari ng Asia Brewery, mother company ng Tanduay Distillers Inc. Noong 2013, umabot sa P12 Bilyon ang net sales ng Tanduay. Ayon nga sa polyeto na ipinamimigay ng mga manggagawa sa mga nagdaraan sa haywey: “Wala pang gasingko sentimos ang nakukuhang pakinabang ng mga manggagawa!”

Samantala, “Lucio Tan, Gahaman!” at “Lucio Tan, Ganid sa Tubo” ang nakasulat ng pulang pintura sa mga pader ng distilyera.

Sa piketlayn, dumarating ang iba’t ibang tagasuporta mula sa mga kalapit na pabrika. Kabilang dito ang mga manggagawa ng Coca-Cola Bottlers Inc. na noong 2013 ay naglunsad din ng isang makasaysayang welga ng mga kontraktwal. Halos 200 manggagawa ng Coca-Cola ang ginawang regular matapos ang tatlong araw na welga.

Umaasa ang mga manggagawa ng Tanduay na sa kanilang sama-samang pagkilos, tagumpay rin ang naghihintay sa kanila.

Iba pang mga larawan:

tanduay workers strike jl-7

Kuha ni JL Burgos

tanduay workers strike jl-5

Kuha ni JL Burgos

Kuha ni Gabriel Pancho

Kuha ni Gabriel Pancho

Kuha ni Gabriel Pancho

Kuha ni Gabriel Pancho

Kuha ni Gabriel Pancho

Kuha ni JL Burgos