FEATURED

Mga krimen ni Aquino sa sambayanang Pilipino


Ano ang dapat isingil kay Benigno Aquino III matapos ang termino niya bilang Pangulo? Baybayin natin.

Kinakabahan na kaya si Pangulong Aquino?

Kasi naman, kinasuhan at “ikinulong” dahil sa samu’t saring kaso matapos umalis sa puwesto ang huling dalawang presidente bago si Aquino.

Tulad nina Joseph Estrada at Gloria Arroyo, nasangkot din siya sa mga eskandalo. Sa mahigit limang taong pag- upo sa puwesto ni Aquino, ano kaya ang mga kaso o krimen na dapat niyang panagutan? Baybayan natin ang ilan.

PNOY_forweb_icon-01Pandarambong, Pambababoy

Sumambulat noong 2013 ang eskandalong pork barrel na kinasangkutan ng ilang kongresista at senador, at, siyempre, si Janet Lim-Napoles na siyang utak diumano ng pagkopo ng mga pondo ng ilang kongresista at senador sa Priority Development Assistance Program (PDAF).

Pero, di nagtagal, nasangkot din sa eskandalo pati ang mga alyado ng Pangulo. Nadawit pati si Budget Sec. Florencio Abad, na isa sa pinakamalapit kay Aquino. Inamin pa umano ni Napoles na si Abad ang nagturo sa kanya sa hokus pokus ng PDAF.

Natulak ang isa sa mga sangkot sa scam na si Sen. Jinggoy Estrada na isiwalat ang panunuhol ng P50-Milyon diumano ng administrasyong Aquino sa mga senador na bumoto para sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012. Ginamit na pondo para suhulan ang mga senador ang Disbursement Acceleration Program (DAP), pondong lump sum na kontrolado ng Presidente at ni Abad. Sa taong 2011 at 2012, mahigit P142-Bilyon ang pondo na nasa kontrol ng Pangulo.

Lumaki at dumalas ang mga protesta kontra kay Aquino, na dumulo. Idineklara ng Korte Suprema na ilegal ang esensiyal na bahagi ng DAP. Batay rito, at iba pa, nagsumite ang progresibong mga grupo ng reklamong impeachment laban kay Aquino noong 2014. Mabilis itong ibinasura ng mga alyado ni Aquino.

PNOY_forweb_icon-02Pantataboy sa Maralita

Habang nagtatayugan ang mga condominium at gusaling pangnegosyo sa Kamaynilaan, dumarami naman ang bilang ng mga maralitang lungsod na itinataboy mula sa kanilang mga komunidad. May di-deklaradong polisiya si Aquino na idemolis ang kabahayan ng mga maralitang lungsod para bigyan- lugar ang malalaking negosyante.

Sa bilang ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), aabot sa 70,000 maralitang pamilya ang nawalan na ng tirahan mula maging pangulo si Aquino. Nakapagtala ang grupo ng 16 maralitang napaslang sa naturang mga operasyong demolisyon ng gobyerno.

Sa flagship na programang Public- Private Partnership (PPP), nakaambang itaboy ng administrasyong Aquino ang 1.4 milyong maralita sa Metro Manila.

Samantala, ipinagmamalaki ng administrasyong Aquino ang programang Conditional Cash Transfer (CCT) nito na tinaguriang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P) na magbibigay alwan sa paghihirap ng milyun-milyong maralitang Pilipino.

PNOY_forweb_icon-03Panunupil sa Masa

Taong 2011, ipinakilala ni Aquino ang bagong programang pupuksa umano sa “rebelyong komunista” sa bansa — ang Oplan Bayanihan.

Nakabalangkas sa Bayanihan ang plano ng administrasyong Aquino na wakasin ang tinaguriang “komunistang insurhensiya” sa pamamagitan ng pagpapatuloy na paggamit ng puwersa-militar at mga operasyong civil-military, na, ayon sa mga dokumento ng Bayanihan ay nakatuon sa pagwasak ng pampulitikang impluwensiya ng insurhensiya.

Ganito mismo ang naging hitsura ng giyera kontra insurhensiya sa Timog Mindanao.

Samantala, tuluy-tuloy ang pamamaslang sa mga lider-komunidad, maging organisador man sila sa iba’t ibang sektor at isyu, o mga lider-katutubo na tumututol sa pagmimina. Pinakahuling malalang paglabag sa karapatang pantao ang naganap sa Paquibato, Davao City noong Hunyo. .

Samantala, umabot na sa 527 ang detinidong pulitikal (o mga ikinulong dahil sa kanilang pampulitikang paniniwala o paglaban sa estado) sa bansa. Ipinakita rin ni Aquino na hindi siya interesadong ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines, dahil iginigiit ng huli na kailangang matugunan ang ugat ng kahirapan at rebelyon.

PNOY_forweb_icon-04Pagpapabaya sa mga manggagawa, magsasaka

Simula’t sapul, itinulak ni Aquino ang pagpapalawig ng implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program with Reforms (Carper), kahit pa halos 30 taon nang napatunayang bigo ito sa pagbuwag sa monopolyo sa lupa. Di naman nakakalampas sa committee- level ng Kamara ang Genuine Agrarian Reform Bill, na nagtutulak ng libreng pamamahagi ng lupa sa mga walang-lupang magsasaka ng bansa. Samantala, deka-dekada na ang panawagan ng mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor para sa dagdag sa minimum wage. Sa harap ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pinakahuling panawagan nila ang gawing P16,000 ang minimum na sahod sa lahat ng rehiyon at sa pampubliko at pribadong sektor.

Muli, nagkibit-balikat lang ang administrasyong Aquino. Nag-apruba ang Department of Labor and Employment ng P15 na dagdag sa minimum na sahod sa National Capital Region—halagang halos di mararamdaman ng mga manggagawa na baon sa tumataas na presyo ng mga bilihin.

Ipinakita ng kalagayan ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita kung papaano ginamit ni Aquino ang poder para mapanatili sa kamay ng kanyang pamilyang Cojuangco-Aquino ang asyenda–kahit pa ipinangako niya ang ipapamahagi ito noong tumatakbo pa lang bilang pangulo.

Samantala, naganap naman sa hanay ng mga manggagawa ang trahedya sa pabrika ng Kentex sa Valenzuela City at Semirara Mining Corp. sa Antique na nananatiling inutil ang mga ahensiya sa paggawa at kalikasan para ipatupad ang karampatang mga istandard.

PNOY_forweb_icon-05Pangangayupapa sa Imperyalista

Si Pangulong Aquino ang nagpasimuno sa pagbuhos ng tropang Amerikano sa bansa dahil sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Dito, pinapayagan ang armadong puwersa ng US na magbase sa anumang kampong militar ng Armed Forces of the Philippines. Habang nagpapatuloy ang pagpapatupad ng Visiting Forces Agreement (na pumapayag sa pagpasok ng mga “bisitang” tropang Amerikano sa bansa), sinasaklawan ng EDCA ang pagpasok ng mga kagamitang militar at pagbabase ng mga tropang ito sa Pilipinas.

Dahilan ng pagbuhos ng tropang Kano sa Pilipinas ang “US Pivot to Asia” na programa ng US para ipihit ang armadong puwersa nito sa Asya- Pasipiko para bantayan ang paglakas ng karibal na imperyalistang China. Ginagawang panakot ng administrasyong Aquino ang sigalot sa West Philippine Sea para bigyan-katwiran ang pagbuhos ng tropang Kano sa bansa. Pati ang Japan, na nagpapalakas ng militar, kinutsaba ni Aquino na magsagawa ng ehersisyong militar sa bansa.

Pero malinaw sa maraming eksperto, kabilang si Associate Justice Antonio Carpio ng Korte Suprema, na hindi komprontasyong militar ang sagot sa sigalot sa China, kundi pagpapatuloy sa prosesong legal na sinimulan ng pagsampa ng Pilipinas ng kaso sa International Tribunal for the Law of the Sea (Itlos).

PNOY_forweb_icon-06Pagsasapribado ng mga Serbisyo

Pinangangasiwaan din ng administrasyong Aquino ang pagsasapribado ng serbisyong panlipunan na dapat gobyerno ang nagbibigay. Kasama na rito ang pagsasapribado ng Philippine Orthopedic Center at iba pang pampublikong ospital.

May matagal na karanasan ang bansa sa pribatisasyon. Isa sa mapupulutan ng leksiyon ang pagpasa ng gobyerno ng serbisyo ng tubig at kuryente sa malalaking negosyanteng Ayala, Lopez at iba pa noong dekada ’90. Nagresulta ito sa walang-habas na taas-singil sa kuryente at tubig, na nararanasan pa rin hanggang ngayon.

Nariyan din ang pagpasa sa pribadong sektor sa pagpapatayo at pagmamantine ng Light Rail Transit at Metro Rail Transit. Sa kabila ng pagtaas ng singil sa pamasahe, matindi ang problema rito dahil sa kakulangan ng mga tren (sa kaso ng MRT), gayundin sa palpak na mga kagamitan at serbisyo. Pinatotohanan lang ng MRT at LRT na hindi nangangahulugan na magiging mas episyente ang serbisyo porke pribadong sektor ang nangangasiwa rito.

Samantala, nakaamba ang unti-unting komersalisasyon ng edukasyon sa bansa. Sa taunang kaltas-badyet ng iba’t ibang pampublikong paaralan, natutulak ang huli na maghanap ng paraan para kumita. Hugas-kamay ang Commission on Higher Education sa taas-matrikula at iba pang bayarin na taun-taong pinapatupad ng mga kolehiyo at pamantasan, na nagdulot ng pagtigil sa pag-aaral ng milyun-milyong kabataan. Ang ilan, natutulak pang wakasan ang kanilang buhay.

Bukod sa komersalisasyon sa edukasyon, sa pamamagitan ng pagdagdag ng dalawang taon sa batayang edukasyon (programang K-to-12), dinirehe rin ng administrasyong Aquino ang sistema ng edukasyon para tugunan ang pangangailangan sa ibang mga bansa, sa halip na pangangailangan ng pagpapaunlad ng lokal na mga industriya.

PNOY_forweb_icon-07Pagpapabaya sa Migrante

Anuman ang huling-minutong apela na ginawa ni Aquino para masalba si Mary Jane Veloso, hindi ito kabayaran sa mahigit limang taong nagpabaya ng mga opisyal ng administrasyong Aquino sa kaso ni Mary Jane.

Samantalang napakadali sanang patunayan na nabiktima lang si Mary Jane ng human trafficking kung noon pa’y inimbestigahan na nito ang ilegal na rekruter na si Ma. Kristina Sergio, pinahirapan pa nito ang pamilyang Veloso. Noong nabasura na lang ang unang judicial review sa sentensiyang kamatayan ni Mary Jane nitong Pebrero saka natulak ang NBI na kausapin si Mary Jane at imbestigahan ang kanyang paratang kay Sergio.

Kundi dahil sa pangangampanya ng Migrante International, legal na ayuda ng National Union of People’s Lawyers, at pandaigdigang network ng kilusang masa sa Indonesia at iba pang bansa, di sana matutulak ang gobyernong Indones na itigil ang pagbitay kay Mary Jane sa huling sandali.

Sinasalamin ng kaso ni Mary Jane ang sistematikong pagpapabaya ng gobyerno sa mga migranteng Pilipino: ang kulang na suporta sa kanila, ang pahirapang pagbigay ng tulong sa mga nasasangkot sa anumang problema sa ibang bansa at, sa kabila nito, ang katakut-takot na paniningil ng iba’t ibang fee sa bawat Pilipinong nangingibang bansa.

PNOY_forweb_icon-08Pagpapahamak sa Mamasapano

Espesyal na kasong maituturing ang trahedya sa Mamasapano, Maguindanao nitong Enero 25. Espesyal, dahil di karaniwan na mismong mga tropa ng gobyerno ang nabibiktima ng pabayang administrasyon.

Sa Mamasapano, 44 na tropang Special Action Force (SAF) ng pulisya ang napaslang sa isang operasyon para patayin ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman. Pero sa kagustuhang magpakitang-gilas ni Aquino, sinikreto niya sa gabinete at mga opisyal ng militar at pulisya ang operasyon. Kasabwat ang matalik na kaibigang niya, ang noo’y suspendidong PNP Chief na si Alan Purisma, inaprubahan at isinabak ni Aquino sa operasyon ang SAF sa isang lugar na kontrolado ng mga lumalaban at armadong Moro.

At 44 SAF na nga ang nasawi, samantalang may mga sibilyan pang nadamay at mandirigmang Moro na napaslang sa labanan. Nabalita rin na may mga Amerikanong sundalo na sangkot sa operasyon na nasawi.

Matapos ang labanan, ayaw pang aminin ni Aquino na may kinalaman siya sa operasyon. Naglubid ang mga kasinungalingan niya sa bawat araw na dumaan matapos ang trahedya. Nakaranas ng pinakamababang rating sa panahong ito si Aquino. Kahit pa sinabi ng Senado na may pananagutan si Aquino sa pangyayari, sunud-sunuran naman ang Ombudsman sa pagwawalang-sala sa Presidente.

Hanggang sa kasalukuyan, matapos ang imbestigasyon ng PNP, DOJ, Senado at Kamara, wala pa ring hustisya na nakakamit ang mga napaslang at nadamay. Samantala, lalong lumilinaw na hindi magiging solusyon ang Bangsamoro Basic Law sa ugat ng armadong pag-aalsa ng mga Moro sa Mindanao.

PNOY_forweb_icon-09Pagpapabaya sa biktima ng Yolanda

Isa sa pinakamalupit na krimen ni Aquino ang pagpapabaya sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas. Aabot sa 10,000 Pilipino ang nasawi rito noong Nob, 2013.

Di-handa ang pambansang gobyerno. Walang community disaster preparedness plan ang administrasyon. Nang dumating ang bagyo, ilang araw pa bago makapag-relief and rescue ang pambansang pamahalaan–kahit pa sinabi ni Aquino bago ang bagyo na inihanda na nito ang mga helikopter at barko para sa ayuda.

Gutom ang inabot ng mga biktima. Nagawa pang mag-hoard ng Department of Social Welfare and Development hanggang mabulok ang mga pagkain. Hanggang ngayon, di pa rin makabangon ang pinakamahihirap nang residente ng Eastern Visayas.

Repleksiyon lang ang lugar na ito ng kapalpakan din ng administrasyon sa iba pang mga sakuna.