FEATURED Kapirasong Kritika

Radikal sa #AlDub


Ang ligayang hatid nito, katulad ng papremyo ng “Juan for All, All for Juan” na sinusundan nito: sa isang banda’y pantawid ng mga maralitang tumatanggap sa araw-araw na hirap ng buhay, sa kabilang banda’y pantawid din sa buhay ng sistemang panlipunan na nagpapanatili sa kanilang mahirap.

Sa panimulang antas, mainam sanang hayaan na lang ang mga personal at kahit padaskul-daskol na pagtingin sa “kalyeserye” na “AlDub.” Tutal naman, isa itong kalakal ng kulturang popular kung saan pwede, at hinihikayat pa nga, ang kanya-kanyang panlasa, gusto, o trip mula sa maraming pagpipilian.

Pero dahil sa grabeng kasikatan ng palabas sa hanay ng masa, mainam na bigyan ito ng seryosong pagsusuri, o mga pagsusuri, ng mga interesado sa buhay at kultura ng masa. Lalo na iyung mga interesado sa kalagayang pang-ekonomiya, pakikibaka at hinaharap nila. At ganito rin siguro sa iba pang kalakal ng kulturang popular na sikat sa masa.

Hindi na rin matatalikuran ang pangangailangan sa ganitong pagsusuri dahil ang mga tagahanga ng AlDub, lalo na iyung mula sa hanay ng mga aktibista, ay kumukwestyon sa mga paniniwala, palagay at pagpapahalaga na nasa likod ng pagsusuri ng mga hindi tagahanga, at kritiko pa nga, ng kalyeserye.

Pero anong klaseng seryosong pagsusuri? Kung hindi ubra ang “personal lang,” hindi rin ang “kasubuan na” o todong pagtatanggol sa isang tindig na napili na bago pa man ang pagsusuri. Dapat ay mahigpit na kaugnay ito ng pagpanig, punto-de-bista at pamamaraan ng progresibong kaisipan, na kolektibong pinagsasaluhan.

Ibig sabihin, hindi produktibo kung ang mga talakayan hinggil sa AlDub ay mauwi sa “anti-intelektwalismo” na may bahagi ng pag-iwas sa progresibong kaisipan – kapwa sa pagtanggi sa pagbuo ng seryosong pagsusuri rito o sa pagbansag na “pa-intelektwal lang” ang mga nasa kabilang panig ng debate.

Kung progresibong kaisipan ang pag-uusapan, kailangang kagyat na kilalanin na may mayamang tradisyon dito na kritikal sa kulturang popular. Maraming tuligsa sa huli: likha ng malalaking kapitalista, nag-uudyok ng walang kabusugang pagkonsumo, balon ng pantasyang naglilihis ng atensyon ng masa sa mga suliraning panlipunan at tunggalian ng mga uri, nagdudulot ng pagkabulag at pagkamanhid sa mga isyung panlipunan, at iba pa.

.

Sa ganitong konteksto mapapahalagahan ang lapit o approach ni Fredric Jameson, Marxistang Amerikano, at ng iba pang katulad niya, sa kulturang popular. Taliwas sa kampo ng progresibong kaisipan na purong negatibo ang pagtingin dito, kinilala niya na may positibo rin sa kulturang popular – at “positibo” mula sa perspektibang progresibo

Ayon kay Jameson, ang mga kalakal ng kulturang popular ay posibleng maglaman ng “Utopyanong paghahangad” – “ang paghahangad sa kolektibidad, proto-pulitikal na kapasyahang muling magtayo ng komunidad, muling mag-imbento ng porma ng buhay panlipunan at ng pamumuhay kung saan hindi sinasagkaan ang mga posibilidad ng mga tao, kung saan ang mga pagnanasa ng mga tao ay nabibigyang-kasiyahan sa kung anong paraang bago at labas sa alyenasyon (non-alienated).” Ng paghahangad, samakatwid, sa sosyalismo.

Diyalektikal ang turing at ambisyon ni Jameson sa kanyang lapit: pinanghahawakan pareho ang mga bahaging negatibo at mga bahaging positibo sa mga kalakal ng kulturang popular at sumusuri sa kanilang pag-uugnayan, tunggalian at pagkakaisa.

At ganito niya inilalarawan ang pag-uugnayan ng dalawa: sa kulturang popular, o “mass culture” sa katawagan niya, ang mga “mapanganib at proto-pulitikal na mga bugso ng damdamin (impulse)” ng masa ay kapwa ginigising para pagkatapos ay pahimbingin, pinapadaloy para pagkatapos ay sagkaan. May mga “kaligayahan”o “insentiba” na ibinibigay sa manonood para sa pananahimik.

Fredric Jameson. Larawan mula sa Wikimedia Commons/Tor Erik H. Mathiesen /Scanpix
Fredric Jameson. Larawan mula sa Wikimedia Commons/Tor Erik H. Mathiesen /Scanpix

Sa ganitong pagbubuo, bagamat kinikilala kapwa ang negatibo at positibo sa mga kalakal ng kulturang popular, malinaw na pangunahin pa rin ang negatibo, at dito naglilingkod ang positibo. Sa dulo, pinagtibay niya ang “hindi nababawasang kapangyarihan ng ideolohikal na pagbaluktot na naggugumiit kahit sa ibinalik na Utopyanong pakahulugan ng mga produktong pangkultura.” Ipinapaalala niya sa atin na “sa loob ng simbolikong kapangyarihan ng sining at kultura, nananatiling buo ang kapasyahang magdomina.”

Sa ganitong balangkas, walang problema kung kilalanin, at dapat ngang alamin, ang mga salik na positibo sa AlDub. Anu-ano kaya ito? Ang masaya at nakakakilig na pag-iibigan? Ang pagiging ispontanyo at hindi de-kahon ng kwento? Ang husay sa pag-arte ni Yaya Dub na pangunahin dito, ng ka-love team niya, at ng mga kasama nilang komedyante? Ang pyesta ng samu’t saring emosyon na inuudyukan ng palabas? Ang pagiging mura at “maskipaps” ng produksyon?

Nabanggit na rin lang ang komunidad, kasama rin ba ang komunidad at pagkakaisa sa social media at sosyedad sa kabuuan na binubuo ng mga tagahanga ng AlDub? Ang saya sa sinusubaybayang kwento, kahit pantasya pa nga? Ang kakayahan ng mga manonood, totoo man o hindi, na mag-impluwensya sa kwento?

Hindi rebolusyonaryo ang mga ito, pero pwedeng igiit na mas karugtong ng mga prinsipyo at layunin ng sosyalismo at mga sosyalista kaysa ng kapitalismo at mga kapitalista. Hindi ito mag-uudyok ng pag-aalsa ng masa, pero magagamit para maglinaw ng mga batayan, at pag-alabin ang mga batayan, ng naturang pag-aalsa. Maaaring tawaging “pilit” ang ganitong pagsusuri, o kumukudkod sa sahig ng kaldero kumbaga – naghahanap ng progresibo kung saan wala. Pero ito ang tinutumbok kapwa ng diyalektikal na pagsusuri at pagtitiwala sa masa.

At kahit kinilala ang positibo sa kalyeserye, kailangang iwasan ang pagmamalabis. Ang positibo ay ang pagmamahal na hindi nasasagkaan ng uring panlipunan, hindi ang pag-aasam sa karelasyong mas nakakaangat sa buhay. Ang positibo ay iyung nilalaman ng kalyeserye, hindi ang husay ng mga kapitalista sa likod ng programa. Hindi rin dapat pangaralan ang mga aktibista na manood dito para maunawaan ang masa, dahil marami sa kanila ang kasama ng masa bilang mga organisador sa mga sakahan, empresa, komunidad, at paaralan.

Pero sa dulo, mas kaligayahan at pagkakuntento sa kasalukuyang lipunan ang dulot ng AlDub. Ang ligayang hatid nito, katulad ng papremyo ng “Juan for All, All for Juan” na sinusundan nito: sa isang banda’y pantawid ng mga maralitang tumatanggap sa araw-araw na hirap ng buhay, sa kabilang banda’y pantawid din sa buhay ng sistemang panlipunan na nagpapanatili sa kanilang mahirap.

Hindi naman talaga nag-uudyok ang AlDub ng pagiging kritikal sa naghaharing bulok na sistemang panlipunan at sa pagkilos para baguhin ang huli. Na hindi dahilan para todong tuligsain ito, sa batayan man ng kung anong elitistang kultura o ng progresibong pulitika, sa harap ng pagiging popular nito sa masa. Pero kailangan ding balansehin ang mga pagkilala at papuri, at linawin ang direksyon ng huli.

Joey de Leon ng Eat! Bulaga, hawak ang dalawang pahayagang laman ng balita ang penomenong Aldub. Larawan mula sa Instagram account ni De Leon.
Joey de Leon ng Eat! Bulaga, hawak ang dalawang pahayagang laman ng balita ang penomenong Aldub. Larawan mula sa Instagram account ni De Leon.

Sa isang banda, karugtong ang lapit ni Jameson ng lapit ni Karl Marx mismo sa dominanteng pormang ideolohikal sa panahon niya, ang relihiyon. Kasabay ng notoryus na pahayag ni Marx na ito “ang opyo ng mga tao,” sinabi niyang “Ang relihiyosong pagdurusa ay, magkapanabayan, ang ekspresyon ng tunay na pagdurusa at isang protesta sa tunay na pagdurusa. Relihiyon… ang puso sa walang-pusong daigdig, ang kaluluwa ng walang-kaluluwang mga kalagayan.”

Inilatag ni Jameson ang kanyang lapit sa kulturang popular sa unang bahagi ng dekada ’80, panahong naging dominante at umaarangkada ang mga patakarang neoliberal sa mundo. At ano ang iba pang salik ng neoliberalismo maliban sa pangunahing pagbawi sa mga tagumpay na nakamit ng pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan ng daigdig, at pagpapatindi ng pagsasamantala at pandarambong, sa layuning palakihin ang tubo ng malalaking kapitalista sa panahon ng krisis ng labis na produksyon?

Marami, pero may dalawang mahalaga sa paksa ngayon. Una, ang paglaganap at panununuot pa nga ng kulturang popular na Amerikano sa buong mundo, sa tulong na rin ng mga abanteng teknolohiya, at sa kapinsalaan ng mga alternatibo at sumusulong (emergent) na kultura. Ikalawa, ang matinding pag-atake sa mga kilusang manggagawa at kilusang Kaliwa sa buong mundo, kasama na ang mga kulturang nililikha at pinapalaganap nila.

Sa ganitong kalagayan, sa pagtingin ko, kailangan ding lumangoy, marahil ay pana-panahon, sa kulturang popular ng Kaliwa para maiahon ang masa sa mas progresibong pulitika. Ito ang itinuturo ng mga talakayan hinggil sa AlDub, na dumudulo sa lapit ni Jameson. Sa pagharap sa kulturang popular, mahalaga ang paglangoy, pero mahalaga rin ang pag-ahon.

04 Oktubre 2015
Galing ang mga sipi kay Jameson sa libro niyang The Political Unconscious [1981] at sa “Marxist Hermeneutics,” panayam niya kay Ma. Luisa F. Torres, na nalathala sa Diliman Review [Nobyembre-Disyembre 1985].