FEATURED

Prinsipyadong landas tungong kapayapaan


Marangal pinapasok ng rebolusyonaryong kilusan ang usapang pangkapayapaan sa gobyerno batay sa interes ng mga mamamayan. Mabuti na lamang at kinikilala ito (sa ngayon) ng rehimeng Duterte.

Mga konsultant ng NDF na lumaya: Muling lalahok sa usapang pangkapayapaan. Pher Pasion

Tuloy ang usapang pangkapayapaan. Sa wakas, mapag-uusapan din ang mahahalagang mga reporma para sa “tunay na pagbabago” sa lipunan at ekonomiya ng bansa na pakikinabangan ng mga mamamayan.

Noong nakaraang linggo, aakalain mo’y hindi na ito matutuloy. Isang linggong mainit na nagpalitan ng maaanghang na salita si Pangulong Duterte, sa isang banda, at ang Communist Party of the Philippines (CPP) at tagapagtatag nito na si Prop. Jose Maria Sison, sa kabilang banda. Si Duterte, dumulo na sa pag-aalimura at pagmamaliit sa lakas ng rebolusyonaryong kilusan (“Hindi nga makahawak ng barangay,” pakutyang sabi ng Pangulo). Sa bahagi ng rebolusyonaryong kilusan, mariing binatikos nito ang bagong rehimen (“Wala pang makabuluhang pagbabagong ipinatutupad si Presidente Duterte,” sabi nito) lalo na ang giyera kontra droga na dumulo na sa pagkamatay ng libong mamamayan.

Kaya naman ikinagulat ng madla ang tila biglang pagbisita ng ilang konsultant at abogado ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa Malakanyang isang maulang hapon ng Agosto 15. Dalawang oras na tumagal ang pulong, ayon kay Rey Claro Casambre, konsultant ng NDFP.

“Positibong positibo (ang naging pulong),” kuwento ni Edre Olalia, legal na konsultant ng NDFP, nang tanungin ng Pinoy Weekly. “Magaang, magalang, mainit, mapagkaibigan at nakakatawa ang mga palitan.” Kinumpirma ito ni Casambre, na inilarawan ang pagkikita kay Duterte na “mainit ang pagtanggap, malaman at seryoso habang magaang at masaya ang usapan.”

Malamang, nanumbalik ang magandang relasyon dahil tinutupad na sa wakas ng rehimeng Duterte ang matagal na nitong pinangako: ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Bagamat malayo pa ito sa unang sinabi ni Duterte na general amnesty sa mahigit 500 bilanggong pulitikal sa buong bansa, kahit papaano’y siniguro na ng rehimen, sa pamamagitan ng Solicitor General, ang pagpapalaya sa 22 konsultant pangkapayapaan ng NDFP.

Ganun talaga ang usapang pangkapayapaan, masalimuot at paliku-liko, ani Benito Tiamzon, bagong layang konsultant ng NDFP, sa press conference sa tanggapan ng NDFP-nominated section ng Joint Monitoring Committee sa Quezon City.

Habang isinusulat ang artikulong ito, may 19 nang napalaya: ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, Loida Magpatoc, Adelberto Silva, mag-asawang Birondo, Jaime Soledad, Ruben Saluta, Kennedy Bangibang, Concha Araneta-Bucala, Alfredo Mapano, Renante Gamara, Ernesto Lorenzo, Alan Jazmines, at Tirso Alcantara.

Sa iba’t ibang probinsiya, pinalaya rin sina Ariel Arbitrario ng Compostela Valley, Porferio Tuna ng Davao, Edie Genelsa ng Compostela Valley, Edgardo Friginal ng Aurora, Pedro Codaste ng Bukidnon, at Renato Baleros ng Samar.

Lalahok ang mga konsultant na ito sa pormal na usapan sa Oslo, Norway sa Agosto 22 hanggang 26. Sasamahan nila ang negotiating panel ng NDFP na pinangungunahan ni Luis Jalandoni at Prop. Sison na siyang punong konsultant pampulitika ng NDFP.

Pulong ng ilang konsultant at legal counsel ng NDFP sa GRP Panel sa Malakanyang. Malacanang Photo

Tuloy na

Sa kabila ng tila unang pagmamatigas ni Duterte sa usapin ng unilateral ceasefire at paggamit ng New People’s Army ng command-detonated landmines, nanaig ang kagustuhan ng dalawang panig na makamit ang pangmatagalang kapayapaan na nakabatay sa hustisya.

Binigyan-diin ng CPP na hindi ito aatras mula sa prinsipyadong posisyon na paggiit ng karapatan ng mga mamamayan na mag-alsa o magrebolusyon. Sabi nga ni Tiamzon, maliit na usapin lang ang bangayan ng gobyernong Duterte at ng CPP, dahil di hamak na mas malaki ang bangayan ng naghaharing uri at pinagsasamantalahang mga mamamayan. Ito mismo ang dahilan kung bakit may mga nag-aalsa.

“Sabi ng pangulo, habang nasaktan siya sa matalas na palitan sa pagitan nila at ng tagapagtatag ng CPP na si Jose Maria Sison na nakabase sa The Netherlands, siniguro niyang magpaparaya siya para sa kapayapaan,” sabi ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza.

Maraming tagasuri tuloy ang nagsabi na posibleng binatikos at minaliit ni Duterte ang NDFP sa harap ng kasundaluhan (na binisita niya ang mga kampo buong linggo) para lang makuha ang loob ng mga sundalo at pumayag ito sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal.

Sa panayam sa midya, kinuwento ni Satur Ocampo, dating kinatawan ng Bayan Muna sa Kamara at dati ring negosyador pangkapayapaan ng NDFP noong 1986-87, na sinabi ni Duterte sa kanya na “kalimutan na” ang maaanghang na sagutan nila ni Sison sa publiko. Komited pa rin umano ang Pangulo sa usapang pangkapayapaan.

Katunayan, sa mismong araw na iyon, kinumpirma ni Duterte sa midya ang naturang pulong. Aniya, kasama sa mga pinag-usapan nila ang patuloy na paglahok ng mga rebolusyonaryo sa kanyang gobyerno.

“Kausap ko ang NDFP panel at nagkaroon kami ng diskusyon sa kung papaano aayusin ang gobyerno nang hindi papasok sa komplikadong tungkulin ng pagbubuo ng koalisyon kasi palagay ko’y hindi ito uubra,” sabi ni Duterte, na hindi na nagpalawig pa.

Tinutukoy marahil ng Pangulo ang pakikipag-alyansa ng rebolusyonaryong kilusan sa kanya. Pero matagal nang inilinaw ng CPP na bagamat nakikipag-alyansa ang rebolusyonaryong kilusan kay Duterte, nananatiling bulok ang namamayaning sistemang pampulitika at pang-ekonomiya sa bansa–dahilan ng armadong rebolusyon sa bansa. Bagamat kinikilala at pinasasalamatan din umano ng NDFP ang naging deklarasyong tigil-putukan ni Duterte noong State of the Nation Address (na binawi din niya) at pag-alok ng mga puwesto sa gabinete (nagrekomenda ang NDFP ng kuwalipikadong progresibong mga indibidwal), pangunahin sa priority nito ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan.

Ipinakita ng rebolusyonaryong kilusan na seryoso ito sa negosasyon. Pero hindi nito tatalikuran nang basta-basta ang armadong pakikipaglaban para makamit ang pambansang kalayaan at demokrasya. Ito umano ang dapat kilalanin ng rehimeng Duterte.

Mag-asawang Tiamzon. Pher Pasion

Alyansa pa rin

Sa ngayon, at sa kabila ng maraming gusot (kabilang ang pagpapalakas ni Duterte sa kasundaluhan ng Armed Forces of the Philippines at pagpapaubaya niya sa ekonomiya sa maka-mayaman na neoliberal na mga ekonomista), tuloy pa rin ang alyansa ng dalawang panig.

Para sa mga rebolusyonaryo, mahalaga ang pagkakataon para lalo pang maimpluwensiyahan si Duterte na tahakin ang progresibong landas sa pagbabago ng lipunan. Tinitingnan ng CPP na tungkulin nitong punahin ang kaalyado nitong Pangulo sa mali nitong mga patakaran: ang ekstrahudisyal na mga pamamaslang sa giyera kontra droga, ang pagtahak ng neoliberal na ekonomiks na nagwawasak sa kabuhayan ng mga mamamayan, at ang pagkunsinti sa mga paglabag sa karapatang pantao ng pulis at militar sa giyera kontra insurhensiya, at iba pa.

Pero sa pagbubukas ng pormal na usapang pangkapayapaan, sa wakas ay may pagkakataon nang pormal na maihahapag ng mga rebolusyonaryo ang adyenda ng mga mamamayan para sa mga pagbabagong sosyo-ekonomiko—kabilang ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Magkaharap ang dalawang panig bilang belligerents o magkapantay.

Para sa pangmatagalang kapayapaan at hustisyang panlipunan ng bansa, sana’y maging matagumpay ang usapang ito.