FEATURED

Isang araw na di nila malilimutan


Nangyari ang karahasan dahil pinoproteksiyunan at pinaglilingkuran ng pulis at pati ng militar ang “tunay na among imperyalistang Kano.”

Hindi makakalimutan ng mga Moro at katutubong mamamayan ang Oktubre 19.

Sa araw na ito, habang patapos na ang kanilang rali sa harap ng embahada ng US, umutos ang kararating na Col. Marcelino Pedrozo ng Manila Police District na i-disperse na ang may 1,000 raliyista dahil “nakakahiya” daw ito embahada. Mahigit 40 ang nasaktan, 11 ang naospital, at 29 ang naaresto.

Nakahihilakbot sa lahat ang walang pagtitimping pagsagasa ni PO3 Franklin Kho sa mga raliyista. Animo’y araro ang police van na apat na beses atras-abanteng bumundol at gumulong sa mga katawang nahagip ng sasakyan.

Tear gas naman ang pinaputok ng SWAT sa mga raliyista na nagsipulasan habang hinahabol at hinahampas sila ng mga pulis. Isang 22-taong drayber sa nakahimpil nang dyip ang hinalbot pa ng pulis at putok ang ulong humandusay nang duguan at walang malay sa semento.

Isa sa mga sugatan, at napilayan ng paa, si Piya Macliing Malayao, isa sa mga tagapagtatag (convenor) ng Sandugo, ang kauna-unahang alyansa sa pagitan ng mga Moro at mga katutubong mamamayan at iniluwal ng Lakbayan ng Pambansang Minorya nitong Oktubre. Si Malayao ay mula sa angkan ni Macliing Dulag na magiting na tumutol sa pagtatayo ng Chico River Dams sa Cordillera.

Nagmula pa sa mga lugar ng Luzon, Visayas at Mindanao ang pambansang minorya na lumahok sa Lakbayan. Kinakatawan ng mga Moro ang mga Maguindanaoan, Maranaw, Tausug, Iranon, Kagan and Sama, at Sangir mula sa Mindanao. Nagmula rin sa Mindanao ang mga Lumad na Bagobo, Manobo, Higaonon, Blaan, Manobo Dulagan, Talaindig, Subanen, Mandaya, Mansaka, Mamanwa, Tiboli at Tagakaolo Bagobo.

Mula naman sa Luzon ang mga Igorot, Agay, Aeta, Dumagat at Mangyan. Sumama din mula sa Visayas ang mga Tumandok ng Panay.

Dahil sa galit ng madla sa dispersal, na pumutok sa local at international media, pansamantalang sinibak sa puwesto sina Col. Pedrozo at PO3 Kho, kasama ang mahigit 40 pulis. Nag-order si Pangulong Rodrigo Duterte, na noo’y nasa China, ng imbestigasyon at nagbawal ng pagdadala ng mga pulis ng baril sa rali.

Hindi makapaniwala ang Sandugo na “panic” ang idinadahilan ng mga pulis sa marahas na dispersal at sila’y nasa embassy para manggulo.

Nasa embassy ang mga pambansang minorya para tutulan ang paghahari ng imperyalismong US sa bansa. Ani ng Sandugo sa isang pahayag, malaon nang dapat naibasura ang mga di-pantay na kasunduan ng US at Pilipinas na nagdala ng hirap at panganib sa buhay hindi lamang ng mg Moro at katutubong mamamayan kundi pati sa buong sambayanang Pilipino. Tinukoy ng Sandugo ang Mutual Defense Treaty (MDT), Visiting Forces Agreement (VFA), Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Nanawagan din silang palayasin ang mga tropang Amerikano sa Pilipinas at itigil ang pandarambong ng mga dayuhang korporasyon tulad ng sa US sa kanilang mga lupang ninuno at teritoryo. “Hindi kami mga mangmang,” pagdidiin Amirah Lidasan, convenor din ng Sandugo. “Alam namin ang ibig sabihin ng imperyalismo.”

Samantala mapayapang naidaos ng Sandugo ang sumunod na rali sa Mendiola noong Oktubre 21 na humihiling kay Pangulong Duterte na panagutin ang dapat managot sa naganap na dispersal sa US embassy. Kasabay nito, nagpahayag ng suporta ang Sandugo sa pagtindig ni Duterte laban sa US at sa deklarasyon nito ng malayang patakarang panlabas para sa Pilipinas. Walang pulis na namasdan sa paligid, liban sa ilang nagtatrapik.

Sinasabi ng Sandugo na nangyari ang karahasan dahil pinoproteksiyunan at pinaglilingkuran ng pulis at pati ng militar ang “tunay na among imperyalistang Kano.” Nararanasan na nila ito sa kanayunan dahil sila ang tinatarget ng pakanang Oplan Bayanihan ng US, at ngayon ay pinatitikim sila ng karahasang ito sa kalunsuran,

Ayon na rin kay Teodoro Locsin Jr. sa kanyang programa sa DZRH, si US Ambassador Philip Goldberg mismo ang tumawag ng saklolo sa kapulisan nang dumikit ang rali sa embassy. Nagpasalamat din siya sa mga pulis gayong naging marahas ang dispersal.