Manggagawa

Mensahe sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa

May 8, 2017

Ilang bahagi ng mensahe nina Benito Tiamzon (kagawad ng NDF Negotiating Panel) at Wilma Austria-Tiamzon (NDF Political Consultant) noong Mayo Uno.

nina Wilma at Benito Tiamzon

Nagwawakas na ang ilang dekadang pamamayagpag ng neoliberal na globalisasyon na naghasik ng walang habas na pananalasa ng monopolyong kapital at mga estadong imperyalista sa mga kapakanan at karapatan ng mga manggagawa at mga bansa at sambayanang inaapi. Ngunit ang kinalalabasan ay ibayong ligalig dulot ng umiigting na paligsahang inter-imperyalista sa isang multipolar na daigdig, patuloy na di-maampat na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, at mas mabangis pang pananalakay ng imperyalismo at reaksiyon sa mga manggagawa at sambayanang pinagsasamantalahan at inaapi.

Ngayon higit kailanman, kinakailangan ng uring manggagawa ang rebolusyon at sosyalismo. Pero labis na humina ang internasyunal na kilusang manggagawa bunga ng pagtataksil at pangwawasak ng modernong rebisyunismo at walang-awang makauring pakikidigma ng monopolyong burgesya at mga estadong imperyalista. Gayunpaman, walang humpay na nag-iipon ang mga salik ng panibagong paglakas at hindi mapipigilan ang muling pagdaluyong ng rebolusyon at sosyalismo sa buong daigdig sa hinaharap.

Sa Pilipinas, mapalad tayo dahil patuloy na lumalakas at sumusulong ang rebolusyonaryong kilusang anti-imperyalista, anti-piyudal at anti-pasista na nagtatamasa ng malawak at malalim na suporta ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang masang inaapi. Nasa mainam na pusisyon ang manggagawa at sambayanang Pilipino na samantalahin para sa ibayo pang pagpapalakas at pagsulong ang patuloy na pagkabulok ng pandaigdigang sistemang imperyalista gayundin ng lokal na reaksiyonaryong sistemang malakolonyal at malapiyudal.

Ang malubhang krisis ng naghaharing sistema ay nagluklok sa sentro ng kapangyarihan ng presidenteng nag-aastang “kaliwa”, “sosyalista”, anti- US at handang makipagkasundo sa rebolusyonaryong kilusan para lutasin ang mga ugat ng armadong labanan sa pamamagitan ng mga saligang repormang sosyo-ekonomiko at pulitikal. Sa kabilang banda, umaasa siya sa suporta ng militar, pulisya at burukrasya na pinamamayanihan at kinokontrol ng mga elementong maka-US, reaksyunaryo at lublob sa talamak na korupsiyon at kriminalidad.

Dahil patuloy na umiiral ang sistemang malakolonyal at malapiyudal at patuloy na namamayani ang makauring paghahari ng malaking burgesyang komprador at uring malaking panginoong maylupa, dapat patuloy na isulong nang lahatang-panig ang linya at pakikibaka para sa demokratikong rebolusyong bayan.

Pero wasto rin at mahigpit na tungkulin ng mga rebolusyonaryo at progresibong puwersa na sunggaban ang lahat ng puwang at oportunidad na iniaalok ng pag-upo ni Presidente Duterte para sa posibleng pakikipagkasundo at pagtutulungan sa pagsusulong ng mga batayang pagbabagong sosyo- ekonomiko at pulitikal at para sa mga makabuluhang pakinabang sa sambayanan. Wastong engganyuhin ang mga patakaran at hakbang ng gobyernong Duterte na pumapabor sa pambansang soberanya, hustisyang panlipunan, demokrasya at kapakanan ng masang manggagawa, magsasaka at inaapi. Kaalinsabay nito, dapat tuligsain at labanan ang mga patakaran at hakbang nito na pro-imperyalista, pro-piyudal, anti-masa at anti-demokratiko.

Nasa adyenda sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDF at GRP ang komprehensibong kasunduan para sa mga repormang sosyo-ekonomiko. Isinusulong ng NDF ang agarang pagwawakas sa piyudalismo, pagpapatupad sa tunay na reporma sa lupa, libreng pamamahagi ng lupa sa masang magsasaka, at pagpapaunlad ng agrikultura; pambansang industriyalisasyon upang bigyang-wakas ang ekonomiyang eksport-import at pagkakagapos sa kontrol ng mga dayuhang pinangungunahan ng imperyalismong US; pagtataguyod sa kapakanan at mga karapatan ng masang anakapawis, mga Lumad, Moro at iba pang minoryang nasyunalidad; pagpapalawak sa mga serbisyong sosyal; at pangangalaga sa kalikasan.

Sa mga repormang pambansang demokratiko, nilulutas ang pagkaatrasado ng bansa, ang pamamayani ng imperyalismong US, at ang oligarkiya ng malalaking komprador burges at panginoong maylupa. Lubhang mahalaga at kinakailangan ang tunay na malawak at malakas na kilusang masang makabayan at demokratiko na nagtataguyod sa mga repormang ito. Sa balangkas ng mga repormang ito mabibigyang-lunas ang mga suliranin ng kawalan ng trabaho, kontraktuwalisasyon, mababang pasahod at masamang kalagayan sa paggawa; mapapalaya ang masang magsasaka sa pagkaaliping piyudal at malapiyudal; at lubos na mapapakinabangan ang mga likas  na yaman para sa kaunlaran ng bayan.

Ang masang manggagawa at kilusang unyon ang isa sa pinakamatinding napuruhan ng pananalasa ng mga patakarang neoliberal mula rehimeng Aquino Uno hanggang sa kasalukuyan. Pinahirapan sila ng malawakang pagsupil sa mga unyon at pagsikil sa mga karapatan at pakikibakang unyon. Ang mga enklabong konsentrasyon ng mga pabrika ay animo mga concentration camp ng mga manggagawang nagtatrabaho sa mga kundisyong walang iniwan sa mga alipin. Ang kontraktuwalisasyon ang nangungunang tipo ng empleyo sa pribado at publikong sektor dahil lubhang nababagay sa sagad at walang patumanggang pagpiga sa binabarat at inaabusong lakas paggawa.

Walang habas na pinabababa pa ang dati nang kakarampot na sahod, malawakang binabaklas ang mga benepisyo, at lalo pang pinasasahol ang kalagayan sa paggawa na labis na peligroso sa kaligtasan at kalusugan. Kaaalinsabay nito ang todong imperyalista at reaksiyonaryong opensibang ideyolohikal, ang walang humpay na paglibak sa sosyalistang adhikain at pag-uk-ok sa makauring kamalayan ng mga manggagawa.

Ang ilang dekadang opensibang neoliberal at anti-unyon ay nagpakitid at nagpahina sa kilusan at mga pakikibakang unyon sa maraming bahagi. Kaya ngayon, mahigpit na tungkulin ang pagpapalawak at pagpapalakas sa ahitasyon, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga manggagawa at ang pagpapatindi sa paglaban sa mga patakarang anti-manggagawa at anti-unyon, kasabay ng walang pagod na pagpapataas ng antas ng kamalayan at pakikibakang pampulitika ng mga manggagawa. Hangga’t hindi nalulutas ang makitid at mababang antas ng organisasyon at pakikibaka ng mga manggagawa, hindi epektibong maipagtatanggol ang mga kapakanang pang-ekonomya at mga karapatang pang-unyon ng mga manggagawa. Hindi rin mapapalawak ang impluwensiya ng mga manggagawa sa mga pambansang isyu at mga labanan sa pulitika.

Ang pundasyon ng pagpapalawak at pagpapalakas ng militanteng kilusang unyon ang malawakan, sustinido at lahatang-panig na pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mga batayang antas, sa mga pabrika at iba pang lugar na pinagtatrabahuan at pinaninirahan ng mga manggagawa. Kailangang tuwirang abutin ang mga manggagawa sa mga lugar ng kanilang konsentrasyon, hakbang-hakbang na iangat ang kanilang kamalayan, organisasyon at pagkilos sa pamamagitan ng pagtumbok sa mga isyung pinakamalapit sa kanila, at tuluy-tuloy na magsagawa ng edukasyong pampulitika at pagpapakilos sa mga isyu at pakikibaka ng malawak na masa ng sambayanan.

Habang nakikibaka sa ekonomismo at repormismo, ang progresibong kilusang manggagawa ay dapat gumamit ng pinakapleksibleng mga taktika at gawaing alyansa. Dapat manguna ang mga progresibong unyon sa pagtataguyod ng pinakamalawak na pagkakapatiran at pagkakaisa ng uring manggagawa laban sa imperyalista at kapitalistang pambubusabos. Dapat magpakahusay ang mga progresibong unyon sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa mga alyadong matagalan at maasahan, gayundin sa mga alyadong pansamantala at di-maasahan, sa loob at labas ng kilusang paggawa, upang epektibong labanan at gapiin ang mga patakarang anti-unyon at anti-manggagawa, palawakin ang maniobra at inisyatiba sa mga pakikibakang pang-ekonomiya at pampulitika, at kabigin sa panig ng progresibong unyonismo at pakikibakang bayan ang pinakamalawak na hanay ng masa ng uring manggagawa at iba pang uring pinagsasamantalahan at inaapi.

Mabigat at mahirap ang mga tungkulin at pakikibakang binabalikat ng uring manggagawa. Pero sa kabila ng mga kahirapan at mga sakripisyo, tiwala tayong makakaalpas balang araw ang mga manggagawa mula sa imperyalista at reaksiyonaryong pagkubkob at paniniil. Pinatunayan ng todong opensibang neoliberal ang lubos na pagkabulok ng sistemang kapitalista. Walang ibang masasaligan ang mga manggagawa kundi ang lakas ng pagkakaisa at kolektibong pakikibaka nila at ng iba pang mga uring pinagsasamantalahan at inaapi.

Pinoy Weekly

Pinoy Weekly

This is a product of collaboration between writers, photographers and/or artists of Pinoy Weekly.