FEATURED Manggagawa

#Endo at rehimeng Duterte: Anyare sa pangako?


Isang taon matapos mangako si Rodrigo Duterte na wawakasan na ang kontraktuwalisasyon, tumungo na sa Maynila ang mga ang mga manggagawa ng Mindanao sa Maynila para singilin siya.

Dagdag sahod di ramdam ng mga manggagawa

Hirap silang bumiyahe. Ang marami sa kanila, hindi nakasama.

“May mga kasama kami na naiwan lang ng ID, hindi pinasakay. Yung cedula lang ang napakita,” kuwento ni Bernie Larase, 32. Bumiyahe silang mga manggagawa ng mga minahan sa rehiyon ng Caraga patungong Kamaynilaan para ihayag sa madla ang kalagayan nila roon. Pero dahil sa batas militar sa Mindanao, kontrolado ang kilos nila. Wala lang ID, hindi na puwedeng bumiyahe.

Nagtataka sila rito, dahil malawak ang suportang nakuha ni Pangulong Duterte sa mga manggagawa ng Mindanao noong nakaraang eleksiyon. Sa pagdeklara ni Duterte ng batas militar noong Mayo 23, nakakuha ng pagkakataon ang malalaking kapitalista sa Mindanao na lalong gipitin ang mga nakaempleyong manggagawa.

Mayo 23 (araw ng pagdeklara ni Duterte ng batas militar), nagsimula ang retrenchment program. Ginagamit nila ay Article 283 (ng Labor Code),” ani Bernie. Nagtatrabaho siya bilang nail operator sa kompanyang mina ng ginto na Greenstone Resources Corp. (GRC) sa Surigao del Norte, rehiyon ng Caraga. Ang unang tinanggal ng GRC, silang mga opisyal ng unyon, gayundin ang mga miyembro nito. “Mga 20 na lang ang natira.”

Iyan ang mukha ng batas militar ng rehimeng Duterte sa Mindanao para sa mga manggagawang noong nakaraang taon lang ay pinangakuan ng pangulong tubong Mindanao rin.

Bagong pangako

Bago matapos ang taon, ayon sa bagong Pangulo, mawawala na ang kontraktuwalisasyon. Pag-aaralan din ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagkakaroon ng national minimum wage at makabuluhang dagdag sahod.

Umasa ang mga manggagawa ng Caraga.

“Nagkampo na kami sa DOLE sa Caraga,” ani Bernie. Giniit nilang iregular ang 100 manggagawa sa kanilang kompanya. “Pero walang ginawa (ang DOLE).” Sa tanggalang nangyari matapos ang batas militar, mga manggagawang regular pa ang naging kaswal o kontraktuwal. Dahil sa batas militar ni Duterte, lalong sumahol ang kalagayan nila.

Noong Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa, sa diyalogo sa pagitan ni Duterte at mga lider-manggagawa sa Davao City, mistulang tinanggap niya na bigo pa rin ang administrasyon na ibasura ang kontraktuwalisasyon. Kabilang sa malaking kabiguan nito ang paglabas ng DOLE ng Department Order 174, na hindi naman tumugon sa problema. “Bigyan ninyo ako ng panahon,” sinabi diumano ng Pangulo sa mga manggagawa, kabilang ang mga lider ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

“Naninindigan ako sa paniniwalang dapat itigil ang endo (o ang gawaing end-of-contract sa mga manggagawa). May karapatan sa seguridad sa trabaho ang mga manggagawa. Para pawiin ito (ang kontraktuwalisasyon), gagawa ako ng executive order (EO) na mag-uutos ng istriktong mga probisyon kontra sa endo,” sabi noon ni Duterte.

Binigyan din niya ng awtoridad ang DOLE na i-deputize ang mga lidermanggagawa at lider-unyon para maging inspektor sa mga empresa at kompanya kung tumutupad ang mga ito sa legal mga istandard sa paggawa at seguridad.

Hiniling ng Pangulo sa KMU na buuin na ang panukalang EO na siyang papawi sa kontraktuwalisasyon sa bansa. Pero noong nakaraang taon pa, sa Labor Summit na ipinatawag ng DOLE, nagpanukala na ang KMU. Laman ng naturang draft na EO ang pagpawi, hindi lang ng labor-only contracting (na matagal nang ipinagbabawal sa batas) kundi lahat ng porma ng pagkuha ng mga manggagawa na walang kaseguruhan sa trabaho, walang karapatang mag-unyon at maorganisa at walang benepisyo.

Sa tulong ng National Anti-Poverty Commission (NAPC), nakapagbuo muli ang KMU at iba pang grupong makamanggagawa ng panukalang EO na wawakas sa kontraktuwalisasyon. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin ito napapatupad ng Palasyo.

Piket ng mga manggagawa sa mga minahan sa Caraga, para sa pagsuporta sa pambansang minimum na sahod at pagbasura sa kontraktuwalisasyon. <b>Kontribusyon</b>
Piket ng mga manggagawa sa mga minahan sa Caraga, para sa pagsuporta sa pambansang minimum na sahod at pagbasura sa kontraktuwalisasyon. Kontribusyon

May panahon pa?

Ano kaya ang nagpapatagal sa pagbasura sa kontraktuwalisasyon?

Malinaw na matinding pagtutol ang tinaguriang economic managers ng rehimeng Duterte sa pagbasura nito. Naglabas noong Disyembre 2016 ng policy paper ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS), ang policy think-tank ng gobyerno, na nagpapahayag ng matinding pagtutol sa pagbasura sa kontraktuwalisasyon. Dito, binabatikos ang panawagang pagbasura sa kontraktuwalisasyon dahil hindi umano nagiging episyente ang ekonomiya at hindi nagiging kompetitibo ang paggawang Pilipino sa pandaigdigang merkado.

Ibig sabihin, ayon sa PIDS, para maakit pa rin ang dayuhang mga mamumuhunan na magtayo ng mga empresa sa bansa kung pipilitin ng gobyerno ang mga mamumuhunang ito na “galangin” ang karapatan ng mga manggagawa (tulad ng pagbigay sa kanila ng nakabubuhay na sahod at seguridad sa trabaho).

Pero paliwanag ng progresibong mga ekonomista, napaka-problematiko ng posisyon ng economic managers ni Duterte at ng PIDS. Taliwas sa pangako ng Pangulo na pagbabago, ipinagpapatuloy lang umano nito ang dati nang mga polisiya sa ekonomiya na nakatuon sa pag-akit ng foreign direct investment o dayuhang mga mamumuhunan. Ang problema rito, habang napagsasamantalahan ng dayuhang mga mamumuhunan ang mga manggagawang Pilipino na may mababang sahod (at nag-aagawan sa trabaho dahil sa mataas na kawalang-empleyo), walang nagaganap na pag-unlad sa lokal na mga industriya at agrikultura ng bansa. Nananatiling bansot ang ekonomiya ng bansa.

Kung kaya, kasabay ng paghiling ng mga manggagawa na igalang ang karapatan nila sa pamamagitan ng pagbasura sa kontraktuwalisasyon, itinutulak pa rin ng mga progresibo sa rehimeng Duterte na magsagawa ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Sa pamamagitan nito, ayon sa Ibon Foundation, “makakalikha (ang gobyerno) ng may kaseguruhan at kalidad na mga trabaho batay sa pagkakaugnay ng malusog na agrikultura at industriya.”

Nagkakampo ngayon si Bernie at iba pang manggagawa ng Caraga at iba pang lugar sa bansa sa harap ng DOLE at Palasyo para itulak si Duterte na pakinggan ang mga panukalang ito. Isang taon na ang rehimen, pero may panahon pa para tupdin ang pangakong pagbabago.


May ulat nina Reva Anne Marcelo at Ofelyn Datuin