Di banta sa paghahari ng mga panginoon


Tila masyadong madali para paniwalaan pa. Laluna’t kung isasaalang-alang natin ang mapait na huling 21 taon ng CARP – 21 taon ng patraydor na pagkait sa mga magsasaka sa tunay na repormang agraryo sa pamamagitan ng samu’t saring palusot at pagbabagal para lamang hindi mapamahagi ang mahigit dalawang milyong ektarya ng lupaing sakahan sa bansa.

pw-editorial-cartoon-neil-doloricon
Editorial cartoon ni Neil Doloricon

Hindi naubusan ng drama si Sen. Mar Roxas sa kanyang paliwanag para sa pagbotong pabor sa panukalang ekstensiyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa Senado.

“Ako mismo, ay isang may-ari ng lupain. Potensiyal na tagapagmana ako ng mga lupain. May mga lupa ang pamilya ko. Boboto ako pabor sa hakbang na ito sa kadahilanang hindi nga papabor ang botong ito sa interes ng pamilya ko (bagkus ay) pakikinabangan ng mas malaking bilang ng ating mga mamamayan, laluna ang mga magsasaka at manggagawang bukid,” sabi ni Roxas.

Sabi ng senador, bumoboto siya pabor sa limang taong ekstensiyon ng CARP sa kabila ng maaaring isipin ng madla hinggil dito: na pinapaboran ito ng mga panginoong maylupa tulad niya dahil sa probisyong babayaran naman ang mga may-ari ng lupa na sinasakupan ng CARP.

Sinabi ito ni Roxas para unahan na ang mga akusasyon laban sa kanya at sa iba pang mambabatas at sa ekstensiyon ng CARP. Sa bahagi niya, gustong iwasan ni Roxas ang akusasyong bumoboto siya sa CARP dahil papabor ito sa kanyang interes bilang panginoong maylupa. Sa bahagi ng CARP, nais palabasin ng senador na makakabuti sa mga magsasaka ang naturang programa.

Sa ngayon, ayon sa mga tagasuporta ng CARP Extension with Reforms (Carper), aabot na sa 100 kongresista at 15 senador ang sumusuporta sa Carper. Sa ikatlong pagdinig sa Senado, kabilang sa mga pumabor sa Carper ay sina Sen. Pres. Juan Ponce Enrile, Sens. Gringo Honasan, Jinggoy Estrada, Joker Arroyo, Aquilino Pimentel Jr., Pia Cayetano, Roxas, Richard Gordon, Rodolfo Biazon, Francis Pangilinan, Francis Escudero at Manuel Lapid.

Sa mga sumusuporta sa Carper, tila nakakataba ng puso ang suporta ng mga panginoong maylupang tulad ni Roxas na tila “naliliwanagan” na ng landas. Pero dahil nga mismo sa suporta ng mga kongresista at senador na mga panginoong maylupa, kabilang na si Espiker Prospero Nograles Jr., marapan na sigurong magduda. Ganito na lang ba kadali ang repormang agraryo sa Pilipinas? Kailangan lang pala maliwanagan ang mga kongresista sa kasamaan ng kanilang pagiging panginoong maylupa? Kailangan lang pala ng dramatikong mga martsa na ginawa ng mga grupong tulad ng Task Force Mapalad noong nakaraang taon para maantig ang damdamin ng nina Roxas?

Tila masyadong madali para paniwalaan pa. Laluna’t kung isasaalang-alang natin ang mapait na huling 21 taon ng CARP – 21 taon ng patraydor na pagkait sa mga magsasaka sa tunay na repormang agraryo sa pamamagitan ng samu’t saring palusot at pagbabagal para lamang hindi mapamahagi ang mahigit dalawang milyong ektarya ng lupaing sakahan sa bansa.

Kailangan nang pakinggan ang sinasabi ng mga bumabatikos sa CARP tulad ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Anila, ginawang kasangkapan lamang ng mga panginoong maylupa ang naturang programa para lalong konsolidahin ang kapit ng mga ito sa kanilang mga lupain. Papaano? Sa sandamukal na paraan. Kasama na rito ang napakaraming mga kondisyon at pasanin para mga magsasaka para mapasakanila ang lupaing sinasaka. Kasama rin dito ang napakaraming palusot para sa mga panginoong maylupa para di mapasama ang lupain nila sa sakop ng CARP. Kasama pa rito ang kumbersiyon ng mga lupa tungo sa mga gawaing labas sa pagsasaka. Kasama rin ang mga deklarasyong di angkop sa pagsasaka ang mga lupaing deka-dekada nang sinasakahan ng mga magsasaka.