Kampanya kontra-droga, ginagamit ng lokal na PNP sa panunupil?
May 55 bilanggong pulitikal sa Timog Katagalugan: Ang dalawa rito, pinagbintangang drug pusher sa gitna ng kanilang laban sa demolisyon.

LOS BAñOS – Ginagamit na rin ba ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya kontra-droga para supilin ang mga aktibista?
Dalawang residente ng Brgy. Batong Malake ang dinakip ng lokal na PNP noong ika-4 ng Enero at nakapiit magpasahanggang ngayon sa presinto ng Los Baños dahil sa umano’y pagiging mga drug pusher sa kanilang komunidad.
Ngunit giit ng mga kamag-anak at kaibigan, gawa-gawang kaso lamang ang isinampa sa kanila at pulitikal ang totoong motibo sa likod ng pag-aresto.
Kinilala ang dalawa na sina Ricardo Brown, 42, kontraktuwal na manggagawa at kilalang coordinator ng Bayan Muna sa nasabing lugar, at Robenson dela Cruz, 30, drayber ng traysikel. Pareho silang nakatira sa Sitio Sipit.
Inaresto rin si Teresa Brown, 43, asawa ni Ricardo sa kasong “alarm and scandal” at “obstruction of justice” dahil sa paglikha umano ng iskandalo habang inaaresto ang kanyang asawa. Agad namang pinalaya si Teresa noong ika-6 na Enero.
‘Marangal ang hanapbuhay nila’
Sa sanaysay ng mga inaresto, ganap na 7:30 ng gabi nang dakipin sila ng mga elemento ng PNP Los Baños. Kakatapos lamang mamasada noon ni dela Cruz, nang mapansing may umaaligid na mga motorsiklo.
Nang tanungin umano siya ng mga pulis kung saan ang bahay nina Brown, agad niya itong itinuro. Ngunit kaagad na pinosasan si dela Cruz, na kasama pa noon ang kanyang tatlong taong gulang na anak. Pagkatapos, pinuntahan at dinakip ng mga pulis si Brown.
Saad ng PNP Los Baños, isang lehitimong “buy bust operation” ang kanilang ginawa. Hinuli umano ang dalawa dahil sa pagbebenta ng shabu. Saad naman ng mga inaresto, sa presinto na lamang nila nakita ang sinasabing shabu na kanilang ibinebenta.
Pinabulaanan rin ng mga kamag-anak ang ikinaso ng mga pulis sa kanilang kapamilya. “Hindi totoo ang mga paratang sa kanila – marangal ang kanilang hanapbuhay at araw-araw silang nagtataguyod para sa ikinabubuhay namin,” ani Leah Viscara dela Cruz, maybahay ni Robenson.
Dagdag pa ni Gng. dela Cruz , nahihirapang makaraos sa pang-araw-araw na buhay ang kanilang pamilya sa ngayon dahil sa naganap na pag-aresto. “Hindi niya magagawa ‘yun [magbenta ng droga] dahil pamilya ang kanyang inuuna.”
Konektado sa laban sa demolisyon
Noong Nobyembre 2010, naging aktibo sina Brown at dela Cruz sa pagpigil sa proyekto ng Trace Computer College na paggawa ng box covert sa ibabaw ng estero ng Sitio Sipit. Tinutulan ito ng mga mamamayan ng Sitio Sipit dahil lilikha lamang diumano ng baha sa kanilang lugar kapag isinara ang estero.
Tinatayang mahigit 150 pamilya ang maaapektuhan kapag naipatupad ang proyekto.
Noong ika-7 ng Disyembre 2010, tumugon ang Department of Environment and Natural Resources-Provincial Environment and Natural Resources Office (DENR-PENRO) sa hiling ng mga residente. Sa sulat kay Anthony Genuino, alkalde ng Los Baños at managing director din ng Trace Computer College, iniutos ang pansamantalang pagtigil ng konstruksiyon sa estero.
Dahil walang hinto ang proyekto sa kabila ng sulat ng DENR-PENRO, pinangunahan ni Brown ang pagkalampag sa kolehiyo at lokal na pamahalaan. Inilantad nila ni dela Cruz ang pagsuway ng Trace Computer College sa kautusan ng ahensiya ng gobyerno, sa pamamagitan ng paglalagay ng mga tarpaulin sa kanilang lugar, na dalawang beses namang tinanggal ng mga pulis.
Saad ng sulat ng DENR-PENRO kay Alkalde Genuino, hindi maaaring ilunsad ang nasabing konstruksiyon hangga’t hindi nareresolba ang karaingan ng mga residente. Kailangan din muna umanong kumuha ang kolehiyo ng kaukulang mga permit. Nakatakdang magsagawa ng ocular visit sa estero ang DENR noong ika-5 ng Enero, isang araw bago arestuhin sina Brown at dela Cruz.
‘Nasa panig ng katarungan’
Ani Atty. Emilio Capulong, abogado nila Reyes at dela Cruz, maraming butas ang isinampang gawa-gawang kaso ng kapulisan. Pangunahin na rito ang kawalan ng warrant of arrest at rekord o inventory ng nasabing drogang ibinebenta. Malaking salik din aniya sa pagiging inosente ng dalawa ang negatibong resulta sa drug test.
Pahayag pa ng abogado, maaaring kasuhan ng illegal arrest, threat, at coercion ang mga pulis na lumabag sa karapatang sibil at pulitikal ng dalawang aktibista. “Maaaring ginawa ito ng kapulisan dahil sa pressure na nilikha ng ibang mas makapangyarihan sa kanila,” aniya.
Dagdag ni Atty. Capulong, “Nasa panig sila ng katarungan kaya’t madaling maipanalo ang kaso at mapalaya sila. Subalit maaaring matagalan rin ito dahil sa tagal ng proseso ng ating justice system.”
Tinatagurian ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog (BAYAN-ST) sina Brown at dela Cruz na kabilang sa 55 bilanggong pulitikal sa rehiyon ng Timog Katagalugan. “Hindi na bago sa mamamayang ipinaglalaban ang kanilang karapatan ang pulitikal na panunupil, magpalit man ng administrasyon,” ani Mark Andrianne Ng, tagapagsalita ng BAYAN-ST.
Nahaharap sa demolisyon ang mga mamamayan ng Sitio Sipit dahil sa pagpapalawak ng nasasakupan ng Trace Computer College. Ayon sa impormasyong nakalap ng grupo, may court order na ang pagpapalayas sa mga residente, na tinuturing umano na “eyesore”.
Patuloy silang nangangalap ng suporta para sa kagyat na pagpapalaya ng dalawang aktibista.