Kilusang Paggawa: Paglakas, Paghina, Pag-ahon
Bakit minsang humina ang kilusang paggawa? Paano ito bumangon at patuloy na lumalakas?

Marami sa mga sumisimpatya sa kilusang paggawa sa bansa, kasama ang mga aktibistang namulat sa panahon ng administrasyong Arroyo, ang natuwa sa laki at militansiya ng protesta ng mga manggagawa at mamamayan nitong Mayo Uno. Higit 30,000 sa Kamaynilaan at lampas 100,000 sa buong bansa ang nagmartsa sa panawagang “Sahod, itaas! Presyo, ibaba!”
Pero alam ng may mahabang memorya at pag-aaral sa kasaysayan na malayo pa ito sa inabot na lawak at lakas ng kilusang paggawa noong dekada ’80. Isang panandang bato ang pagtitipon ng mahigit 100,000 manggagawa sa Luneta noong Mayo 1, 1986 upang pagtibayin sa pamumuno ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pangangailangang ituloy ang pakikibaka para sa saligang pagbabagong panlipunan matapos ibagsak ang diktadurang US-Marcos.
Sa pagitan ng dekada ’80 at ngayon – kung kailan tumindi ang pagpapahirap at pambubusabos sa mga manggagawa at sa gayo’y dapat ay lumakas at lumawak ang paglaban – ano ang nangyari? Bakit humina ang kilusang paggawa? Makikita ang sagot sa pagbaybay sa kasaysayan nito, partikular sa kung paano nito hinarap ang mga pahirap at pagsupil sa mga manggagawa at mamamayan.
Kilusang Welga sa Mali at Tama
Mula sa kadiliman ng batas militar nailuwal ng militanteng kilusang paggawa ang paglakas na walang kaparis sa kasaysayan ng bansa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Susi rito ang kilusang welga, na pinatampok ng makasaysayang welga sa La Tondeña noong 1975. Binasag nito ang “katahimikan” ng batas militar, itinaas ang kamulatan at militansiya ng uri sa panahon ng diktadura, at nagsilbing inspirasyon sa paglawak ng kilusang welga sa sumunod na mga dekada.
Ang kilusang welga sa ganitong balangkas ay nakapagpalawak at nakapagpalakas sa kilusang paggawa. Naalpasan ang iba’t ibang klase ng panunupil na pinawalan ng diktadurang US-Marcos. Makailang ulit na ikinulong at nakalaya para magpunyagi ang mga lider-manggagawa. Makabuluhan ang ambag ng kilusang paggawa sa pagpapatalsik paglaon ng naturang diktadura.
Simula ng gitna ng dekada ’80, gayunman, tulad ng iba pang organisasyong makabayan at demokratiko, nalasing sa tagumpay ang militanteng kilusang paggawa. Inakala nitong sapat na ang lakas para ipagwagi ang pagbabagong panlipunan. Pinaigting nito ang kilusang welga – pero sa kakaiba nang balangkas. Ang dating pambansang demokrasya at sosyalismo, natali sa kanin at isda. Ang dating pagpapalawak, huminto. Nabirit ang naipundar na lakas. Nagbayad nang mahal ang militanteng kilusang paggawa sa pagkalustay ng mga naipundar na kasapi at unyon.
Samantala, mula sa pagkatuto sa karanasan ng batas militar, naghanda ang malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at ang gobyernong Cory Aquino ng kontra-opensa sa militanteng kilusang paggawa. Nilayon nilang paigtingin ang batas militar sa kilusang paggawa kahit sa ilalim ng nanumbalik na “demokrasya.” Dahil sa mapurol na kamalayang pampulitika, hindi matalas na nagagap at malakas na nalabanan ng militanteng kilusang paggawa ang naturang atake. Ni hindi nito kinontra nang malakas ang pagpasa sa Labor Code noong 1989 – na nagpapahirap pa rin sa mga manggagawa hanggang ngayon.
Pagwawasto, Atakeng Neoliberal
Natuto sa mapait na karanasan ang kilusang paggawa. Sa maagang bahagi ng dekada ’90, nagbalik-aral ito sa mga batayang prinsipyo ng pambansang demokrasya at sosyalismo. Pinuna ang kaliwa’t kanang pagkakamali na dulot ng makitid at nagmamadaling balangkas ng pagsusulong ng kilusang welga. Umalis sa organisasyon ang mga ayaw magwasto ng malulubhang pagkakamali at ayaw nang yumakap sa batayang mga prinsipyo. Tumanaw ito ng ibayong pagpapalawak.
Nailatag samakatwid ang batayan para malalim na mapag-aralan at malakas na labanan ang atake ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at ng gobyerno. Sa panahong ito, nananalasa na ang nasabing atake – na matatawag na “neoliberal.” Hinawi ang lahat ng balakid sa pagkamal ng mga kapitalista ng dambuhalang tubo at pagsasamantala sa mga manggagawa. Binawi ang mga nakamit nang tagumpay ng mga manggagawa sa usapin ng sahod, trabaho at karapatan. Pinalaganap, halimbawa, ang kontraktuwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa.
Pero nakapagwasto man ng malulubhang pagkakamali ang militanteng kilusang paggawa, hindi pa rin nito kagyat na napag-aralan nang malalim at nalabanan nang malakas ang mga atakeng neoliberal. Hindi nito nalubos ang mga hakbanging kailangan para sa ibayong paglawak at pagpapanibagong-lakas. Nakapanalasa kung gayon ang neoliberal na atake: ang kilusang paggawang pinahina na ng mga naunang pagkakamali ay nabawasan pa ng marami-raming unyon at kasapi. Nakapanalasa ang atakeng neoliberal dahil sa mga kahinaang internal sa kilusang paggawa.
Malupit man ang atakeng neoliberal, panlabas na salik ito sa kilusang paggawa. At ang internal na kakayahan ng kilusang paggawa ang mapagpasya sa kanyang muling paglawak at paglakas. Nakapanalasa man ang neoliberal na atake, maraming pagkakataon ding inalpasan at dinaig ito ng mataas na kamalayan, mahigpit na pagkakaisa, at pleksibilidad sa taktika ng mga manggagawa sa iba’t ibang antas. Mapaniil man ang kalagayan, nakapagtayo ng mga unyon. Marami man ang kontraktuwal, nakapagpanalo ng mga welga. Matindi man ang panunupil, nakapagkamit ng mga tagumpay.
Hakbang Pasulong
“Itaas ang sahod, P125, across-the-board, nationwide!” ang tampok na panawagan sa kakatapos na Araw ng Paggawa. Bahagi na ito ng paglaban sa atakeng neoliberal. Makabuluhang dagdag-sahod ito, kontra sa grabeng neoliberal na pagbarat sa sahod. Across-the-board para matamasa ng maraming kontraktuwal. Nationwide dahil tinatanggihan ang paghati sa mga manggagawa batay sa rehiyon. Kasama nito ang panawagan ng pagbasura sa kontraktuwalisasyon bilang atake sa seguridad sa trabaho at sa antas ng pasahod sa mga manggagawa. At pinakamahalaga: layunin ng kampanya na ibayong palawakin ang kilusang paggawa at mga pakikibakang manggagawa.
Maliwanag ang hinaharap ng pakikibaka, sabi ng isang paham, pero hindi ito diretsong landas, may mga liko’t ikid. May pag-atras at pagbagal man ang pakikibaka ng kilusang paggawa, patuloy na itong naglalagom ng karanasan, patuloy na itong nag-aaral ng atakeng neoliberal ng mga kalaban, at sumusulong kasama ang sambayanan. Sa harap ng matindi at pinatitindi pang atake ng gobyerno at malalaking kapitalista, handa nitong iugnay at isanib ang galit at paglawak ng paglaban ng uring manggagawa sa pakikibaka ng buong sambayanan para sa tunay at radikal na pagbabagong panlipunan.
Si Elmer “Ka Bong” Labog ay kasalukuyang tagapangulo ng KMU.