Istorya ng Linggo

Ang tunay na iskuwater sa Lawa ng Laguna


Biktima na nga, isinisisi pa ng gobyerno sa daan-daan libong maralita ang pagbaha sa paligid ng Laguna Lake. Samantalang absuwelto ang malaking komersiyo na tunay na sanhi ng matinding problema sa lawa.

[kml_flashembed movie=”https://pinoyweekly.org/new/wp-content/slideshows/laguna/slideshow.swf” height=”400″ width=”455″ base=”.” /]

Photo Essay ni Angelica Carballo: Lubog na komunidad sa Lawa ng Laguna

Namamangka pa rin ang mga kabataan at kalalakihan, pero hindi sa laot para mangisda. Sa mga kanal na kinahinatnan ng kanilang mga kalsada nang dahil sa baha, inuubos nila ang maghapon sa paghahatid ng mga pasaherong gaya rin nila—tila nakalutang ang kapalaran dahil sa pagkawala ng tahanan at hanapbuhay.

“Walang mahuli sa dagat gawa ng napakalalim na. Kaya ang kabuhayan dito ngayon, pamamangka. Pangkain din ng pamilya, minsan wala pa,” sabi ni Heidi Batain, residente ng Brgy. Aplaya, Pila, Laguna. Isa ang Pila sa 30 munisipalidad na inaasahang hanggang Disyembre pa malulubog sa baha.

Pero bago pa man sumapit ang bagyong Ondoy noong Setyembre 26, kapansin-pansin na ang pagtaas ng tubig sa lawa, ayon sa grupong mangingisda na Pamalakaya (Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas). “Isa itong sakuna na naghihintay na lamang mangyari,” ayon kay Fernando Hicap, tagapangulo ng grupo.

Paglipana ng fishpens

Gaya ng dinanas ng mahigit 12 milyong katao sa Kamaynilaan, makasaysayan din ang bahang dinanas ng anim na milyong katao na nakatira sa paligid ng Laguna Lake, na sumasaklaw sa anim na probinsiya ng Timog Katagalugan.

Matapos ang sakuna, ang fishpens na humaharang sa natural na daloy ng tubig sa lawa ang isa sa mga itinuturo ng gobyerno na pangunahing sanhi ng pagbaha. Pero lumalabas na maraming iba pa.

Noong 1973 unang pinayagan ng gobyerno ang paglipana ng fishpens, na dapat sana’y nakalaan para sa maliliit na mangingisda. Pero naging interesado rin ang mga negosyante. Pagsapit ng 1983, umabot na sa 35,000 ektarya o 1/3 ng lawa ang saklaw ng fishpens, karamiha’y pag-aari ng mga korporasyon. Sobra-sobra ang kanilang inaning isda, umabot sa apat na tonelada kada ektarya.

Nag-umpisa na rin noon ang paglaganap ng mga industriya at tahanan sa paligid ng lawa, kaya itinayo ni Pangulong Marcos ang Laguna Lake Development Authority (LLDA). Pero kinukuwestiyon ng iba’t ibang grupo kung ano nga ba ang pinangalagaan ng LLDA—kalikasan at kapakanan ng mga mamamayan, o ang interes ng mga negosyanteng nais pagkakitaan ang lawa?

Binatikos kamakailan ni Kal. Lito Atienza ng Department of Environment and Natural Resources si Edgar Manda, general manager ng LLDA, sa kabiguan umano nitong gibain ang ilegal na fishpens. Kabilang sa regular na aktibidad ng ahensiya ang paggiba ng mga ito.

Pero ayon kay Anakpawis Rep. Rafael Mariano, maliliit na fishpens lamang ang puntirya ng LLDA. Samantalang ang kalakhan sa fishpens na sumasaklaw sa 10,000 ektarya ng lawa, pinapatakbo ng malalaking korporasyong binigyan mismo ng permiso ng ahensiya.

Sang-ayon sa Fishery Zoning and Management Plan noong 1999, pinayagan ng LLDA ang mga korporasyon na magmay-ari ng fishpens na hanggang 50 ektarya; ang mga kooperatiba hanggang 25 ektarya; at mga indibiwal hanggang limang ektarya.

“Sa halip na sisihin ang maliliit na mangingisda, dapat suriin ng LLDA nang maigi ang kanilang mga polisiya at ang pagbibigay nito ng ekta-ektaryang fishpens sa malalaking korporasyon,” sabi ni Mariano. Dagdag pa niya, may 35 korporasyon ang nagpapatakbo ng fishpens na lampas sa pinapayagang saklaw, ngunit hindi hinahabol ng ahensiya.

Video ng testimonya ng evacuees sa panghahakot diumano sa kanila ni Pangulong Arroyo: