Tingnan ang nagsasariling bayan ng North Korea


Walang mayaman, walang mahirap – magkakapantay-pantay ang mga mamamayan dito. Nagsasarili, malaya at independiyenteng lipunan ang isa sa mga madalas na inilalarawan sa midya bilang “kontrabidang bansa.”

Paliwanag ni Yong Gun, esensiyal ang plantang nukleyar para sa pagpapatakbo ng kanilang mga industriya at transportasyon. Dahil sa parusa ng US at mga alyado nito na economic blockade o pagharang sa esensiyal na mga kalakal, laging kinakapos ang suplay ng elektrisidad sa North Korea.

Sa Agreed Framework, nangako ang DPRK na ipasara ang plantang nukleyar nito. Bilang kapalit, nangako ang US na pakapagpatayo ng mga light water reactor (LWR) pagdating ng 2003, at pansamantalang magsuplay ng kalahating milyong tonelada ng langis para matugunan ang pangangailangan sa elektrisidad ng North Korea. “Pero hindi tinupad ng US ang pangakong ito,” ayon kay Yong Gun.

Samantala, noong 2002, sa kanyang State of the Union Address, ibinilang ni dati ring US Pres. George W. Bush ang North Korea sa “axis of evil” o mga bansang diumano’y nagkakanlong ng mga terorista (kasama ang Iraq at Iran) na maaaring lunsaran ng mga “pre-emptive strike.” Noong taon ding iyon, itinigil nito ang pagpapadala ng langis sa North Korea.

Nanatiling matigas ang postura ng gobyernong US sa North Korea. Samantala, nakakalap ang sosyalistang bansa ng ebidensiya na matagal nang ibinibigay ng International Atomic Energy Agency sa US ang impormasyong nakakalap nito sa mga inspeksiyon ng kanilang mga pasilidad. Kung kaya, noong Enero 2003, umatras ang bansa sa NPT.

Ginawa umano ito ng North Korea “para mapreserba ang soberanya ng bansa at maprotektahan mula sa patuloy na hakbang ng US para mahiwalay ito.” Muling binuksan ng sosyalistang republika ang plantang nukleyar sa Yongbyong, pero sinigurong gagamitin lamang ito para sa produksiyon ng elektrisidad.

Samantala, minamantine ng US ang pinakamalaking arsenal ng mga armas nukleyar sa daigdig, na tinatayang nasa 10,000.

Di apektado ng pandaigdigang krisis pampinansiya

Sa kabila ng panggigipit ng US, umano’y matagumpay ang pagsasarili ng North Korea, kasalukuyang pinamumunuan ni Heneral Kim Jong Il, anak ng kinikilalang “Dakilang Pinuno” at tagapagtatatag ng DPRK na si Kim Il-Sung. “Kahit maliit lang kami, napatunayan naming kaya namin magkaisa at itakda ang sarili naming kapalaran,” sabi ni Yong Gun.

Inamin niyang hindi sila mayamang bansa. ”Marami kaming pangangailangan,” aniya. Lumalabas sa mga datos na bumagsak ang produksiyong agrikultural sa North Korea simula 1990 dahil sa matinding kakapusan sa elektrisidad. Noong nakaraang mga taon, tinamaan din ang bansa ng matitinding tagtuyot (kung kailan hinarang ng US ang pagpapadala ng humanitarian aid).

Pero umano’y kung ano man ang mga suplay na kanilang hawak – pagkain man o medisina – pantay-pantay itong naibabahagi sa mga mamamayan. Walang mayaman, wala ring mahirap. Siya mismo, bagaman maituturing opisyal na diplomat ng gobyerno, nakatira sa isang apartment kasama ng 300 pang pamilya.

Pagmamalaki pa ni Yong Gun, hindi sila direktang apektado ng pandaigdigang krisis pampinansiya, na ngayo’y nananalasa sa kabuhayan ng milyun-milyong mamamayan kabilang na sa mga Pilipino. “May sarili kaming mga industriyang nagbibigay ng trabaho sa lahat,” aniya.

Tuluy-tuloy naman umano ang sosyalistang rekonstruksiyon ng bansa. Patuloy ang pang-ideyolohiya at pangmilitar na pagpapaunlad sa Korean People’s Army (KPA). Binubuo ang KPA ng mahigit isang milyong sundalo na nangunguna sa pagdepensa ng republika mula sa mga bantang panlabas.

Patuloy din umano ang pagpapaunlad sa agrikultura (unti-unting tumataas ang pambansang ani ng bigas at patatas) at teknolohiya (nagtatayo ng dam para sa paglikha ng elektrisidad sa maliliit at katamtamang-laking industriya).

Kahanga-hanga ang mga nakamit ng mga mamamayan ng North Korea, ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan. “Sa kabila ng maraming paghihirap, naigiit nila ang soberanya ng kanilang bayan,” aniya.

Nanawagan din si Reyes na maging kritikal sa mga ulat na lumalabas sa mainstream na midya hinggil sa North Korea. Kadalasan umano itong “black propaganda” ng US, na tinitingnan ang sosyalistang republika na banta sa kanyang pang-ekonomiya, pampulitika, at pangmilitar na paghahari sa daigdig.

Payo ni Yong Gun sa mga Pilipino, “pag-aralan ang inyong sitwasyon at hanapin ang pinakamaiging paraan para makamit ang kalayaan.” Sa North Korea, nakamit ito sa pamamagitan umano ng walang humpay na “pagmumulat at pag-oorganisa” ng mga mamamayan, at sa “pagsunod sa ehemplo ng hukbong bayan.”