Para sa estudyanteng nakikibaka
Hindi ito sermon mula sa nakatatanda kundi isang munting paalala. Alam mo na ang iskedyul ng mga kilos-protesta mula ngayon hanggang sa pagtatapos ng semestre ngayong Marso. Malamang na magpapatuloy pa ang mga ito hangga’t ang Pangulo ay hindi pa bumababa sa puwesto. Inaasahan kang makiisa sa mga ito para ipakita sa mga nasa kapangyarihan […]
Hindi ito sermon mula sa nakatatanda kundi isang munting paalala.
Alam mo na ang iskedyul ng mga kilos-protesta mula ngayon hanggang sa pagtatapos ng semestre ngayong Marso. Malamang na magpapatuloy pa ang mga ito hangga’t ang Pangulo ay hindi pa bumababa sa puwesto.
Inaasahan kang makiisa sa mga ito para ipakita sa mga nasa kapangyarihan ang malawakang pagtutol ng mamamayan sa katiwalian ng pamahalaan at pangkalahatang kabulukan ng sistema.
Nasa iyo ang desisyon kung hanggang saan mo gustong dalhin ang iyong pagkilos. Sa isang lipunang “normal,” tungkulin ko bilang guro na sabihan kang unahin ang pag-aaral dahil ito ang pundasyon ng iyong magandang bukas.
Pero alam mong malayo sa “normal” ang ating kalagayan, at wala akong karapatang sabihing magkakaroon ka ng magandang bukas dahil lang sa nakapagtapos ka ng pag-aaral. Bilang estudyanteng may mataas na antas ng kamulatan, alam mong ang pagtatapos ng pinili mong kurso sa kolehiyo ay hindi awtomatikong magpapaunlad sa iyong buhay.
Sa katunayan, mula sa pagiging kasama sa mga kilos-protesta, baka magiging kasama ka na lang sa lumalaking bilang ng mga walang trabaho. O mas malala pa, baka magiging kasama ka na lang sa nabigyan ng trabaho kapalit ng iyong prinsipyo.
Ito ang dapat mong iwasan – ang pagkawala ng pakikibaka sa iyong pagtanda.
Marami na akong kakilalang seryosong kasapi ng parlamento ng lansangan na naging seryosong empleyado ng tubo. Tuluyan na nilang kinalimutan ang kahalagahan ng pagkilos, at kasama na sila sa kumokondena sa mga nangyayaring protesta bilang “simpleng pinagdaraanan lang ng kabataan.”
Napapailing na lang ako sa kanilang katwiran: “Dati rin kaming aktibista, pero namulat kami sa katotohanang mahirap baguhin ang sistema. Kailangan din naming kumita para sa pamilya, kaya mas mabuti pang isipin na lang ang sariling pag-unlad kaysa mapaos sa kasisigaw sa mga problemang mas matanda pa sa atin.”
Sigurado kong may mga kakilala kang may ganitong aktitud na kumukumbinsi sa iyong kalimutan na ang pagmamartsa dahil ang iyong pagsigaw ay pansamantala lang ang alingawngaw. Kahit sabay-sabay kayo, lulunurin lang ng ingay ng tao’t sasakyan sa lansangan ang anumang mensaheng nais ipahatid. Ang nakararami diumano ay may praktikal na pangangailangang kumita para gumanda ang buhay ng pamilya.
Malamang na may mga panahong nagdududa ka kung tama ba ang pinili mong tahakin. Habang ang mga kaklase mo’y pinoproblema lang ang kasiyahang gagawin sa pagsapit ng gabi, nakikipagpulong ka sa iba pang kasama para sa mga susunod na pagkilos. Sa halip na malasing sa alak at basta na lang tumumba sa tindi ng tama, pinipilit mong magising sa tapang ng kapeng iniinom para labanan ang antok.
Mula sa iilang nakatatandang alam ang iyong pinagdaraanan, maniwala kang may dahilan para ipagpatuloy mo ang ganitong buhay. Sana’y huwag kang magpadala sa pambubuyo ng mga walang pakialam. Sana’y huwag kang matukso sa kinang ng salapi sa oras ng iyong pagtatapos sa kolehiyo. Patuloy mong tingnan ang pag-aaral hindi lang sa loob ng klasrum kundi maging sa labas nito.
Sa panahong katulad nito, lubhang kailangan ang mga katulad mo.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.