Ang Ekonomiyang Pampulitika ng Kasalukuyang (2008) Pampinansyang Krisis ng Kapitalismo
Prop. Edberto M. Villegas Muling binabayo ang kapitalismong US ng pampinansyang krisis, bunsod ng matinding ispekulatibong pamumuhunan sa pagpapautang ng subprime mortgage at sa mga stock matapos ang katulad na krisis noong huling bahagi ng dekada ’80, na idinulot din ng pagbagsak ng mga presyo sa real estate. Sa naunang pampinansyang ligalig na iyon, sinagip […]
Muling binabayo ang kapitalismong US ng pampinansyang krisis, bunsod ng matinding ispekulatibong pamumuhunan sa pagpapautang ng subprime mortgage at sa mga stock matapos ang katulad na krisis noong huling bahagi ng dekada ’80, na idinulot din ng pagbagsak ng mga presyo sa real estate. Sa naunang pampinansyang ligalig na iyon, sinagip ng gobyerno ng US ang bangkarote at namemeligrong mga bangko at iba pang kapitalistang korporasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng saklolo (bailout) na $500 bilyon, na ipinasa syempre sa porma ng bagong mga buwis sa karaniwang mamamayang Amerikano. Ngayon, inanunsyo ni Presidente Bush at ng kanyang mga tagapayong pang-ekonomiya, na binubuo nina Secretary Henry Paulson ng Treasury at Chairman Ben Bernanke ng Federal Reserve Bank (bangko sentral ng US), ang planong maglabas ng $700 bilyon para bilhin ang masasamang pautang ng naghihingalong mga bangkong kapitalista at iba pang institusyong pampinansya. Inaasahang patataasin ng programa ng pagsaklolong ito ang depisito sa badyet ng US patungong $482 bilyon sa susunod na taon, at posible pang umabot ng $1 trilyon matapos ang isang panahon ayon sa ilang manunuri. Nangako ang mga bangko sentral ng ibang gobyerno – England, Switzerland, Japan at European Union – ng dagdag na $220 bilyon kaya aabot ito sa pinagsamang $920 bilyon, kasama na ang katapat nito sa US, sa pagsisikap nilang protektahan ang kanilang mga korporasyong kapitalista na mayroong malaking pondo (exposures) sa merkadong pampinansya ng US.
Dito, sa tinatawag na “reyna ng mga pagsaklolo” para isalba ang mayayaman, na suportado ng mga gobyerno ng mga bansang kapitalista, partikular ng US, tiyak na ang ordinaryong mga manggagawa ang tatamaan. Optimistiko ang ilang manunuring pang-ekonomiya, naniniwalang ang pagbabalik-sigla (recovery) ng mga stock market ng kapitalismo sa buong daigdig bunsod ng dambuhalang pagsaklolong ito ay magdudulot ng pagkakalikha ng bagong mga trabahong magpapasigla sa demand ng mga konsyumer, na magpapataas namang muli sa kakayahang tumubo ng negosyo. Samantala, tuluy-tuloy na tumataas ang kawalang-trabaho sa US, dahil sa pampinansyang pagguhong ito, na umabot na sa rurok na 6.1% noong Setyembre 2008, siyang pinakamataas sa dalawang dekada sa bansang iyon. Libu-libong Amerikano ang nawalan ng tirahan, at marami sa kanila ang nakatira sa mga trailer truck habang naghahanap ng trabaho. Rumurok na ang pandaigdigang disempleyo sa 190 milyon – hindi pa kabilang ang 1.3 bilyong “mahihirap na nagtatrabaho” – noong 2007, bago pa man ang pampinansyang krisis ngayon. Tiyak na tataas pa ang bilang na ito.
Iyan ang dahilan kung bakit ang inaasahang pagpatak (trickle down) sa masa ng higanteng pyansa sa may-sakit na mga korporasyong kapitalista ay pagbibigay-katwiran na lang sa paghihirap ng mga mamamayan ng daigdig na dulot, una sa lahat, ng kapitalistang pagkaganid sa tubo. Hibang na hibang ang kapitalistang mga ekonomista sa tinatawag nilang panahon ng transisyon patungong kaunlarang pang-ekonomiya sa tinatawag nilang siklo ng negosyo (business cycle) kaya nakakalimutan nilang sa panahong ito ng transisyon – kung totoo man – libu-libo nang maralita at walang trabaho ang tiyak na mamamatay. Sa kasaysayan ng kapitalismo, tulad ng makikita natin sa ibaba, hindi ang lohika ng pinapantasyang siklo ng negosyo ang nagdulot na muling makaranas ng masasayang panahon ang mga ekonomiyang kapitalista, kundi ang mga gera na nagdulot ng kamatayan ng milyun-milyon sa mga nasa mababang mga uri.
Ang Pag-usbong ng Kapital sa Pinansya
Ano ang katangian ng mga krisis na yumanig sa kapitalistang merkadong pampinansya, kung saan mas matindi ang nagaganap ngayon at nagdadagdag ng mas matitinding pahirap sa kandakuba nang mga uring mayorya – na lalong papatindihin pa ng pagsingil sa kanila ng mas matataas na buwis para pondohan ang pagsaklolo ng mga gobyernong kapitalista sa mga mayayaman? Para masagot ang tanong na ito, magpalalim tayo sa maikling background ng pag-usbong ng modernong merkadong pampinansya ng kapitalismo.
Nabubuhay ang kapitalismo sa pagkamal ng tubo at mas marami pang tubo sa pamamagitan ng paghuthot ng papalaking labis na halaga (surplus value) sa paggawa ng kanilang manggagawa, kasama ang mga manggagawang intelektwal tulad ng mga inhinyero, siyentista, at iba pa. Narito ang kaibhan ng isang kuripot sa isang kapitalista: Itinatago ng una ang kita niya habang ipinupuhunang muli ng ikalawa sa negosyo ang kita niya para makalikha ng dagdag pang tubo. Sangkot ang unang malalaking kapitalista sa produksyon noong panahon ng Rebolusyong Industriyal sa England, partikular sa paggawa ng mga tela. Dahil hindi kailanman nagtatagpo ang pagprodyus ng mga kalakal ng uring anakpawis sa kakayahan nilang bumili – dahil, sa dulo, mga manggagawa rin ang pangunahing kumokonsumo ng mga kalakal ng kapitalismo – di mapipigilang maganap ang labis na produksyon sa isang partikular na bansa at lilitaw ang pangangailangang maghanap ang mga kapitalista ng ibang merkado.