Ang Pandaigdigang Krisis Pampinansya at ang mga Implikasyon nito sa mga Manggagawa ng Daigdig
Paul L. Quintos Ecumenical Institute for Labor Education and Research Papel na inihanda para sa Ikatlong Pandaigdigang Asembliya ng International League of Peoples’ Struggle, Study Commission No. 5 19 Hunyo 2008 Pinakamatinding Krisis Simula noong Great Depression “Pumasok ang ekonomiya ng daigdig sa bago at mapanganib na teritoryo,” bungad ng pinakahuling World Economic Outlook na […]
Paul L. Quintos
Ecumenical Institute for Labor Education and Research
Papel na inihanda para sa Ikatlong Pandaigdigang Asembliya ng International League of Peoples’ Struggle, Study Commission No. 5
19 Hunyo 2008
Pinakamatinding Krisis Simula noong Great Depression
“Pumasok ang ekonomiya ng daigdig sa bago at mapanganib na teritoryo,” bungad ng pinakahuling World Economic Outlook na inilathala ng International Monetary Fund (IMF) noong Abril 2008. Paglalarawan nito sa kasalukuyang krisis pampinansya na pumutok noong Agosto 2007: “pinakamalaking pampinansyang pagyanig simula pa noong Great Depression, na nagdulot ng matinding pinsala sa mga merkado at institusyon sa gulugod ng sistemang pampinansya.”
Paglalarawan ng ibang komentarista sa kasalukuyang krisis: “pansistemang pagguhong pampinansya,” “pampinansyang tsunami,” “yugto ng pagsambulat” sa ekonomiya ng daigdig at namumuong “Greatest Depression” pa nga.
Pinaka-optimistikong mga tagapagtanggol ng naghaharing sistema ang bumibigkas ngayon ng “pansistemang krisis.” Ibig sabihin, may nagaganap ngayon na historikal ang halaga. Tungkulin nating gagapin ang halaga ng kasalukuyang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista para sa mga uring anakpawis, at humalaw ng mga aral para sa ating pakikibaka laban sa imperyalismo.
Ekonomiks ng Bula
Ito ang paliwanag ng mga ekonomistang burges: ang kasalukuyang krisis ay ang pagputok ng housing bubble na lumobo sa antas na walang kaparis simula pa noong 2001. Ganito inilarawan ng The Economist ang bulang ito noong 2005: “Lumaki ang kabuuang halaga ng pag-aaring residensyal sa mauunlad na ekonomiya nang mahigit sa $30 Trilyon sa nakaraang limang taon, at umabot sa $70-T – paglaking katumbas ng 100% ng pinagsamang GDP ng mga bansang iyon. Hindi lang nito nilampasan ang naunang paglakas (boom) sa presyo ng mga bahay, mas malaki pa ito sa pandaigdigang bula sa stock market noong huling bahagi ng dekada 1920 (55% ng GDP). Sa madaling salita, tila ito ang pinakamalaking bula sa kasaysayan.”
Mulat na hinikayat ang paglakas na ito ng presyo ng mga bahay ng patakarang panatilihing mababa ang interes (interest rate) ng US Federal Reserve bilang paraan para malimitahan ang epekto ng pagputok ng dotcom bubble noong 2001. Inakit ng tumataas na presyo ng mga bahay at mababang interes ang milyun-milyong Amerikano – na nabansot o napaliit ang sahod simula noong dekada 1970 – na mangutang ng pera gamit ang kanilang bahay bilang kolateral at gamitin ito para gastusin sa konsumo, na siya namang nagpalakas sa epektibong demand sa dapat sana’y bagsak na ekonomiya ng US. Sumuporta sa ekonomiya ng US ang paglakas ng merkadong ito para sa mga bahay noong unang hati ng dekadang ito (tulad ng kung paanong nagdulot ng paglakas ng ekonomiya ng US noong ikalawang hati ng dekadang 1990 ang paglaki ng pag-aaring stock sa mga information technology companies). “Gastos sa konsumo at konstruksyong residensyal ang 90% ng kabuuang paglago ng GDP ng US mula 2001 hanggang 2005. At mahigit sa dalawang ikalima (2/5) ng lahat ng trabaho sa pribadong sektor na nalikha sa panahong ito ang nasa mga sektor na kaugnay ng pabahay – tulad ng konstruksyon, real estate, at pagbebenta ng sangla (mortgage broking).”
Sobrang laki ng tubo sa pagpapautang batay sa sangla (mortgage lending) sa puntong nagsimulang magpautang ang mga bangko at broker sa mga “mangungutang na subprime” (“subprime borrowers”) – mga taong may mababang kita o di-magandang rekord sa pagbabayad ng inutang – nang walang pag-iimbestiga sa utang, walang downpayment o kahit kolateral. Lumaganap ang ganitong peligroso o “subprime” na pagpapautang batay sa pagsasangla. Kasama rito ang mas malaganap na estratehiyang “magpasimula at magbahagi” ng mga kapitalista sa pinansya. Ang estratehiyang ito ay ang malaganap na ngayon at walang regulasyong praktika ng mga bangko sa pamumuhunan at mga institusyong pampinansya na maglabas ng pautang, hatiin at ipamigay ang mga ito, at pagkatapos ay muling ipakete sila bilang “mortgage-backed securities,” “asset-backed securities,” “collateralized debt obligations,” “collateralized loan obligations” at iba pang sintetikong instrumentong pampinansya. Pagkatapos, ibinebenta ang mga pautang sa ibang kapitalistang naghahanap ng pagkakataong ipuhunan ang kanilang sobrang kapital. Napahintulutan ng estratehiyang ito ang mga nangutang na ilipat ang peligrong kadikit ng mga pautang sa iba habang kumukubra ng malalaking komisyon. Nagtulak ito ng peligrosong pangungutang sa buong sistema, partikular sa lumalakas na merkado ng pabahay kung saan lumaki ang mga utang na subprime hanggang umabot sa 20% ng lahat ng mortgage noong 2006, mula sa 9% isang dekada bago nito. Pinatining din nito ang posibilidad ng epidemya sa buong sistema kapag naging malawakan ang hindi pagbabayad ng mga utang.
Pero nagsimulang mag-plateau o di na tumaas ang mga presyo ng mga bahay noong 2005 at noong nagsimulang tumaas ang interes, nagsimulang dumami ang mga hindi nakakabayad (default rates) at pagkakarimata ng mga bahay sa US sa huling bahagi ng 2006. Nagdulot ito ng pagbagsak ng maraming nagbebenta ng sangla (mortgage broker) at ilang institusyong nagpapautang na katamtaman ang laki na mayroong malaking bahagi ng sub-prime na sangla sa kanilang talaan ng pagpapautang. Anu’t anuman, noong Hunyo 2007, inanunsyo ni Tagapangulong Ben Bernanke ng US Federal Reserve na ang krisis sa sektor ng subprime “ay tila hindi aabot sa mas malawak na ekonomiya o sistemang pampinansya.”