Ang Pandaigdigang Krisis Pampinansya at ang mga Implikasyon nito sa mga Manggagawa ng Daigdig
Ano ang nasa likod ng pansistemang tendensyang ito na laging tumungo sa krisis? Walang iba kundi ang pundamantal na kontradiksyon sa mismong kapitalismo: sa pagitan ng panlipunang produksyon na nagpapahintulot ng dambuhalang paglaki ng produktibidad sa isang banda, at ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon sa kabilang banda na nagtitiyak na iilan lang […]
Ano ang nasa likod ng pansistemang tendensyang ito na laging tumungo sa krisis? Walang iba kundi ang pundamantal na kontradiksyon sa mismong kapitalismo: sa pagitan ng panlipunang produksyon na nagpapahintulot ng dambuhalang paglaki ng produktibidad sa isang banda, at ng pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon sa kabilang banda na nagtitiyak na iilan lang ang tumutubo sa produksyon sa pamamagitan ng pagsasamantala sa nakakarami. Hindi maiiwasang tumungo ang kontradiksyong ito sa mga krisis ng labis na produksyon – kung saan mayroong napakaraming kalakal pero napakababa ng kakayahan ng mga taong bilhin sila.Ang pagbaling sa mga patakarang neoliberal sa ekonomiya noong dekada 1980 ay pagtatangka ng monopolyo-kapital na palakihing muli ang bumabagsak na tubo dahil sa pagtindi ng krisis ng labis na produksyon. Sa pamamagitan ito ng pwersahang pagbubukas ng mga merkado, paghahanap ng mas murang lakas-paggawa at hilaw na materyales, at pagtiyak ng mapagtutubuang larangan ng pamumuhunan. Sa pamamagitan ng IMF, World Bank at WTO (mga institusyong “multilateral” na pawang kontrolado ng imperyalismo) ipinataw ang liberalisasyon ng pamumuhunan at kalakalan, pribatisasyon ng pampublikong mga pag-aari, deregulasyon ng mga pamilihan at pagkaltas sa gastos para sa mga serbisyong panlipunan at kapakanan ng mga mamamayan (welfare) sa mga estadong kliyente – sa ilalim ng mapagkalingang islogan ng “globalisasyon” ng malayang pamilihan.Bukod pa sa muling pagpasok ng dating Unyong Sobyet at Tsina sa pandaigdigang sistemang kapitalista, tunay na nagtagumpay ang imperyalistang globalisasyon sa pagbibigay ng pakinabang sa pandaigdigang monopolyo-kapital. Sa kabilang banda, nagdulot lang din ang mga repormang ito – na naglalayong palakihin ang tubo at paliitin ang sahod, benepisyo at panlipunang paggastos para sa mga manggagawa at mamamayan – ng paghihirap ng malawak na mayorya sa mundo. Ang netong resulta: Noong 2000, ang pinakamayamang 1% ng mundo ang may-ari ng 40% ng pag-aari sa daigdig, ang pinakamayamang 2% ang may-ari ng 51%, habang ang pinakamahirap na kalahati ng populasyon ng mundo ang may-ari ng wala pa sa 1% ng yaman ng mundo.
Kaya malinaw na ang kabilang dulo ng krisis ng labis na produksyon ay ang labis na pagkakatipon ng kapital sa kamay ng monopolyo-kapitalistang elite. Dahil sa labis na produksyon, lalo lang nakakalugi-sa-tubo ang dagdag na pamumuhunan sa bagong kapasidad na produktibo (tulad ng mga pabrika at bagong manggagawa), isang mabilis-lumaking seksyon ng labis na kapital ang naghahanap ng tubo hindi sa tunay na ekonomiya kundi sa ispekulasyong pampinansya. Ang huli ang prosesong tinatagurian minsang “pinansyalisasyon” ng pandaigdigang ekonomiya. Kasama na rito ang grabeng paglaki ng pangangalakal ng currencies, equities, bonds, debt securities, financial derivatives at iba pang kumplikadong sintetikong instrumentong pampinansya. Dito, sinasamantala ng mga kapitalista sa pinansya kahit ang pinakamaliit na differential at pansamantalang pagbabago sa presyo ng mga bond, interest rate, at currency exchange rate sa iba’t ibang merkado sa buong mundo.
Noong 1980, halos kapantay ng halaga ng pampinansyang stock ng daigdig ang GDP nito (na kadalasan pang pinapalaki ang datos). Noong 1993, doble na ang laki nito, at noong dulo ng 2005, umabot na ito sa 316% – higit pa sa triple ng GDP ng mundo. Mahigit sa kalahati ng kabuuang paglago ng pandaigdigang pampinansyang pag-aari noong 2000-2004 ang binubuo ng mga debt security ng gobyerno at pribadong sektor. Patunay ito ng papel ng pangungutang sa pagtulak ng prosesong ito. Noong 2004, ang pang-araw-araw na pangangalakal sa derivative ay umabot sa $5.7-T habang ang pang-araw-araw na turnover sa merkado ng foreign exchange ay $1.9 Trilyon. Kung pagsasamahin, aabot ito sa $7.6-T sa pang-araw-araw na turnover ng dalawang klase pa lang na daloy ng portfolio capital, lampas sa taunang halaga ng pandaigdig na merchandise export ng $300-B.
Ipinapakita nito ang papatinding pagkakawalay (alienation) ng pinansya sa produksyon. Ipinapaliwanag din nito ang kalakhan ng mas matinding ligalig (volatility) at instabilidad sa pandaigdigang ekonomiya ngayon. Bagamat nakabatay ang halaga ng pampinansyang mga pag-aari, sa huling pagsusuri, sa halagang nililikha ng uring anakpawis sa produksyon sa tunay na ekonomiya at hindi makakalayo nang husto rito, pwedeng mamuo ang mga bula sa pag-aari sa isang panahon sa tulak ng “irasyunal na sigasig” . Pinapatibay ng positibong mga ekspektasyon ng mga mamumuhunan sa pinansya ang isa’t isa, na nagpapataas sa presyo ng mga pag-aari sa isang tila walang katapusang siklo. Pero tulad ng lahat ng pyramid scam, hahabol ang reyalidad at ang kailangan lang ay isang negatibong pangyayari sa tunay na ekonomiya – tulad ng pagdami ng naririmatang mga bahay – para maiguho ang buong kastilyong buhangin.
Ang Pagbagsak
Inaasahang magiging walang kaparis sa kasaysayan ang napipintong pagbagsak sa kasalukuyang krisis pampinansya – sa usapin ng pera, sa minimum. Sa tantya ng IMF, pwedeng umabot ang inaasahang pagkalugi at pagbagsak ng halaga ng mga pag-aari sa US sa $945-B – mas malaki sa buong GDP ng Australia. Ibig sabihin, ito ang pinakamagastos na krisis pampinansya sa kasaysayan. Ang paniwala pa nga ng mga manunuri, konserbatibong tantya pa lamang ito.