Bugok na itlog, regalo ng migrante sa kaarawan ni GMA
BUGOK na itlog ang regalo ng mga migrante kay Pangulong Arroyo sa pagdiriwang nito ng kanyang ika-62 noong Abril 5. Ayon sa Migrante International, ito’y simbolo ng pagkadisgusto nila sa ‘labor export policy’ ng pangulo. “Walang presidente na naging mas determinadong ibenta ang mga migranteng manggagawa bilang murang kalakal kaysa kay Arroyo,” sabi ni Gina […]
BUGOK na itlog ang regalo ng mga migrante kay Pangulong Arroyo sa pagdiriwang nito ng kanyang ika-62 noong Abril 5.
Ayon sa Migrante International, ito’y simbolo ng pagkadisgusto nila sa ‘labor export policy’ ng pangulo.
“Walang presidente na naging mas determinadong ibenta ang mga migranteng manggagawa bilang murang kalakal kaysa kay Arroyo,” sabi ni Gina Esguerra, pangkalahatang kalihim ng Migrante.
Sinisimbulo ng mga bugok na itlog ang alingasaw ng korap na gobyerno ni Arroyo at umabot na ito sa 190 mga bansa na may mga overseas Filipino workers o OFW, aniya.
Sinabi pa ni Esguerra na sa gitna ng pandaigdigang krisis pampinansya, walang ginawa ang gobyerno para sa mga OFW na lalong nagiging bulnerable sa pagsasamantala at abuso. Ibinigay na halimbawa niya ang bagong batch ng mga OFW na nawalan ng trabaho sa Taiwan. Aniya, pareho pa rin ang reklamo ng mga ito tulad ng mga naunang nawalan ng trabaho; hindi pagbabayad ng unexpired portion ng kanilang kontrata at labis na singil sa placement fee.
“Ano na ang nangyari sa ipinagyayabang na ‘assistance teams’ ng Manila Economic and Cultural Office? Ang natatanggap naming ulat, ang mga team na ito ay parang mga tagapagsalita ng mga kompanya at ahensiya para kumbinsihin ang mga OFW na tanggapin na lamang ang masahol nilang kalagayan,” sabi pa ni Esguerra.
Idinagdag pa ni Esguerra na araw-araw, may naidodokumentong kaso ng overcharging, trafficked workers at runaways ang mga tsapter ng Migrante sa Middle East.
“At ang tugon ng gobyerno sa ganitong problema ay magpadala ng police attache, hindi mga abogado o welfare officer na talagang makakatulong. Baka ang mga police attache na ito ay ipinadadala para maghasik ng takot dahil nagsasalita na ang mga OFW hinggil sa kanilang pagkadisgusto sa administrasyong ito,” sabi ni Esguerra.
“Sa buong mundo, diskuntento na ang mga migrante. Ang mga bugok na itlog na ito ay maging babala sana kay Arroyo na malapit nang sumabog ang galit ng mga OFW,” pangwakas ni Esguerra.