Pag-aklas ng obrero, pagkamit ng hustisyang panlipunan

April 30, 2009

MAY DAY COMMITTEE. Pinangunahan ni Anakpawis Rep. Joel Maglunsod at Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, kasama ang iba't ibang sektor, ang pagbubuo ng iisang komite para sa mga protesta ngayong Mayo Uno. (Jeffrey Ocampo)

LAGI’T LAGI, panahon ang Mayo Uno para sa mga manggagawa sa buong mundo upang iparinig ang kanilang mga karaingan sa ilalim ng kaayusang lalong nagsasadlak sa kanila sa ibayong kahirapan sa paglipas ng panahon.

Isang bagay na kakatwa, sapagkat sila umano ang “lumilikha ng yaman ng sangkatauhan.

Sa taon at sa puntong ito ng kasaysayan, may kagyat na kahalagahan ang pagdidiriwang na ito. Panahon ngayon ng matinding krisis na nahigitan pa ang lupit ng Great Depression noong dekada ’30 ng nakaraang siglo. Isa sa sinasabing mga epekto nito ang malawakang tanggalan sa trabaho ng milyun-milyong mga manggagawa sa lahat ng dako ng mundo. Dahil dito, posibleng magkaroon ng karagdagang 50 milyon sa tala ng kawalang trabaho sa buong mundo ngayong taon kumpara noong 2007, ayon sa International Labor Organization.

Sa kasalukuyan, umaabot na ng mahigit 50,000 ang natanggal sa trabaho sa bansa mula noong Oktubre ng nakaraang taon, ayon sa Department of Labor and Employment (DoLE).

Nagpatupad din ang DoLE ng flexible working arrangement noong Pebrero na umano’y “mas mahusay na alternatibo” sa tanggalan sa trabaho. Kabilang dito ang pagbawas ng oras at araw ng paggawa na kaakibat naman ang pagbawas ng sahod ng mga manggagawa. Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), kapitalista lamang ang pinapaboran nito. Samantala, lalong tumitindi ang pagkalugmok ng pang-ekonomiyang kalagayan ng mga manggagawa. Umaabot na ng 40,000 ang kasalukuyang sumasailalim sa polisiyang ito mula nang ito’y ipatupad.

Buo ang loob ng hanay ng mga manggagawa kumilos at magparami ng hanay sa Mayo Uno upang ipakita ang kanilang ngalit sa pamahalaan, sa sistemang pinapairal nito na anila’y walang ibang dulot kung hindi ang pagtindi ng krisis.

Interes ng manggagawa

Ayon sa KMU, kailangang patuloy na ipaglaban ng mga manggagawa ang kanilang pang-ekonomikong interes lalo na’t panahon ng matinding krisis. “Hindi dahilan ang kasalukuyang pandaigdigang krisis pang-ekonomiya upang mangimi ang mga manggagawa na ipaglaban ang kanilang mga kahilingan tulad ng dagdag-sahod at tulong pampinansiya mula sa gobyerno,” ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Sa kasalukuyan, iginigiit ng KMU ang P10,000 na economic relief para sa mga mangaggawang natanggal sa trabaho. Batay ito sa pahayag ng mismong hepe ng National Economic Development Authority (NEDA) at dating senador na si Ralph Recto na kailangan ng mga manggagawa ng pinansiyal na tulong mula sa pamahalaan. Ayon kay Recto, ito ay maaaring hugutin mula sa presidential social funds (PSF) na nagkakahalaga ng P104 Bilyon.

Kailangang kagyat na ibigay ng pamahalaang Arroyo ang economic relief sa mga manggagawa. Habang hindi ito binibigay, parami nang parami ang aming bilang at lalong lumalala ang aming kalagayan,” ayon kay Gilda Sumilang, tagapagsalita ng Samahan Laban sa Tanggalan at Kontraktualisasyon (STK).

Kailangan rin umanong bantayan ng mga mamamayan kung saan ilalaan ng pamahalaan ang PSF. Kung hindi umano ito lalalaan sa mga pangangailangan ng taumbayan ngayong panahon ng krisis, malamang na gamitin ito ng pangulo para sa katiwalain at sa halalan sa susunod na taon.

Gayundin, patuloy na ipinaglalaban ng KMU ang P125 across-the-board nationwide na dagdag na sahod para sa mga manggagawa. Matagal nang nakabinbin sa Kamara ang naturang panukala ng namayapa nang si Crispin Beltran, chairman emeritus ng KMU at nanilbihan bilang representante ng Anakpawis Party-list sa Kamara.

Kinondena ng KMU ang Trade Union Congress of the Philippines kamakailan sa panawagan nitong pagpapatigil ng dagdag-sahod. Ayon sa TUCP, panahon ng krisis kaya hindi dapat maghangad ng dagdag-sahod ang mga manggagawa. “Walang pagkakaiba (ito) sa kontra-manggagawang ng tindig ng pamahalaang Arroyo hinggil sa usapin,” reaksiyon ng KMU. Sabi kasi ng Malakanyang, dapat na makontento na lamang ang mga manggagawa. Hindi raw sila natatanggal sa trabaho sa kabila ng pagkalugi ng mga kompanya dahil sa krisis.

Ayon sa KMU, hindi maaaring idahilan ng mga malalaking kompanya ang pagkalugi. Sa pagsisiyasat ng grupo, lumalabas na marami pa ring kompanya ang nadagdagan pa nga ng kita noong nakaraang taon.

Gayundin, makakatulong din ang dagdag sahod para makaagpay ang mga manggagawa sa epekto ng krisis gaya ng pagsirit ng presyo ng bilihin at ng cost of living sa Kamaynilaan at iba pang bahagi ng bansa.

Sa kasalukuyan, lampas ng P500 ang deperensiya ng sahod at pangangailangang pinansiyal sa araw-araw ng mga mangaggawa.

Dahil sa mga polisiyang ipinatupad ng pamahalaang Arroyo na lubos na nagpahirap sa mga manggagawa, hindi umano maaaring hayaan ang pangulong makaligtas sa kanyang mga “krimen laban sa mga manggagawa at taumbayan.”

Sa kasalukuyan, minamadali na ng mga kakalyado ng pangulo sa Kongreso ang pagpapasa ng panukalang pagbabago sa Saligang Batas. “Habang nagaganap ito, nakabinbin ang mahahalagang panukala na makakatulong sa taumbayan gaya ng P125 dagdag na sahod, Genuine Agrarian Reform Bill at tuition moratorium bill,” sabi ni Wilson Baldonaza, pangkalahatang kalihim ng KMU.