Kompanyang nagbabayad ng kalahati ng minimum wage, ilantad –KMU
HINAMON ng Kilusang Mayo Uno (KMU) si Pangulong Arroyo na ilantad ang mga electronics company na diumano’y pinayagang magbayad ng kalahati sa minimum wage sa susunod na anim na buwan dahil sa pagdaigdigang krisis pampinansiya. Inihayag ni Arroyo kamakailan na humingi ng permiso ang ilang mga kompanya na bayaran lamang ang kalahati ng sahod ng […]
HINAMON ng Kilusang Mayo Uno (KMU) si Pangulong Arroyo na ilantad ang mga electronics company na diumano’y pinayagang magbayad ng kalahati sa minimum wage sa susunod na anim na buwan dahil sa pagdaigdigang krisis pampinansiya.
Inihayag ni Arroyo kamakailan na humingi ng permiso ang ilang mga kompanya na bayaran lamang ang kalahati ng sahod ng kanilang mga manggagawa para hindi sila mapilitang tanggalin ang mga ito sa trabaho.
Pero ayon kay Prestoline Suyat, tagapagsalita ng KMU, “May karapatan ang publikong malaman kung sinu-sino ang mga kompanyang ito. Nagdurusa nga ba sila sa krisis o ginagamit lang ito para lamang makapagkamal ng mas maraming tubo?”
Idinagdag ni Suyat na sa panahon ng krisis, dapat lalong siguruhin ng gobyerno na sinasahuran ng tama ang mga manggagawa dahil ito lamang ang paraan para mabuhay ang kanilang mga pamilya.
Sa Timog Katagalugan na kinaroroonan ng mayorya ng mga electronics company, nakapako ang minimum wage sa P320 kada araw.
“Ibigsabihin, tumatanggap lamang ng P160 kada araw ang mga manggagawa doon? Paano sila mabubuhay ng disente? Kahit ang National Wages and Productivity Commission sinasabing nasa P900 ang daily cost of living sa rehiyon,” sabi ni Suyat.
Bago pumutok ang krisis sa US noong nakaraang taon, ang electronics industry ang bumubuo ng 70% ng exports at nag-eempleyo ng 300,000 manggagawa.