Mga Implikasyon at Epekto ng Pandaigdigang Krisis Pampinansya sa Kilusang Anti-Imperyalista ng mga mamamayan
Prop. Jose Ma. Sison Tagapangulo, International Coordinating Committee International League of Peoples’ Struggle Ambag sa Forum hinggil sa Pandaigdigang Krisis Pampinansya Ikatlong Asembleyang Internasyunal, Hong Kong, 19 Hunyo 2008 Nais kong magkomento sa tindi ng kasalukuyang pampinansyang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at sa epekto nito sa iba’t ibang mayor na kontradiksyon sa mundo, nang […]
Tagapangulo, International Coordinating Committee
International League of Peoples’ Struggle
Ambag sa Forum hinggil sa Pandaigdigang Krisis Pampinansya
Ikatlong Asembleyang Internasyunal, Hong Kong, 19 Hunyo 2008
Nais kong magkomento sa tindi ng kasalukuyang pampinansyang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at sa epekto nito sa iba’t ibang mayor na kontradiksyon sa mundo, nang may partikular na pansin sa paglaban ng mga mamamayan sa Asya, Aprika, Latin America at sa mga bansang imperyalista.
Tindi ng Pandaigdigang Krisis Pampinansya
Lumala sa antas na bago at walang katulad simula noong Great Depression [1] ang pang-ekonomiya at pampinansyang krisis ng US at ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Nangangahulugan itong lantad na ang pagkabigo ng tangka ng US at iba pang kapangyarihang imperyalista na pangibabawan ang suliranin ng stagflation [2] sa balangkas ng Keynesianismo [3] sa pamamagitan ng paglipat sa patakaran ng neoliberalismo [4]. Sa halip, pinalala at pinalalim ng huling patakaran ang krisis ng labis na produksyon sa tunay na ekonomiya. Binigyan din nito ng laya ang mga abuso ng kapitalismong pinansyal (finance capitalism) [5].
Pinili ng mga estado ng mga bansang imperyalista at ng iba pang bansa ang patakarang pababain ang antas ng sahod at kaltasan ang paggastos sa mga serbisyong panlipunan. Hinayaan nila ang monopolyo-burgesya na pabilisin ang konsentrasyon at sentralisasyon ng produktibo at pampinansyang kapital sa mga kamay nito sa pamamagitan ng denasyunalisasyon ng di-mauunlad na ekonomiya, pribatisasyon ng pampublikong mga pag-aari, liberalisasyon ng pamumuhunan at kalakalan, at deregulasyon nang tinatapakan ang mga mamamayang anakpawis, kababaihan, mga bata at ang kalikasan – sa ngalan ng globalisasyon ng “malayang pamilihan.”
Ang tuluy-tuloy at laging resulta: ang aktwal na pagkitid ng pandaigdigang pamilihan, dahil sa paghina ng kakayahang bumili ng mga mamamayang anakpawis – na nakalimita sa demand para sa mga produkto ng lumawak na produksyon. Dahil lagi nitong gustong magpalaki ng tubo sa pamamagitan ng pagpapataas ng organikong komposisyon ng kapital (ang ratio ng constant o palagiang kapital sa variable o nababagong kapital) [6], nabawasan ng monopolyo-burgesya ang bilang ng may trabaho (employment) sa industriya at may regular na trabaho sa mga bansang imperyalista sa pamamagitan ng paglilipat ng produksyon sa iilang ibang bansa – tulad ng Tsina, India at mga bansa sa Timog-Silangang Asya – para makagamit ng murang lakas-paggawa.
Nilikha ang ilusyong may pang-ekonomiyang pag-unlad ang buong pandaigdigang sistemang kapitalista sa pamamagitan ng todo-todong pagpaparami ng suplay ng pera at pautang. Humantong ang mga estadong imperyalista at halos lahat ng estado sa walang sagkang lokal at pandaigdigang pangungutang para punuan ang mga depisito sa kalakalan at badyet. Pinalawak ng mga bangkong pang-estado at pribado ang pautang at nalubog sa pagkakautang ang mga korporasyong pribado sa pag-utang ng huli sa bangko at paglalabas ng mga corporate bond. Para panatilihin ang US bilang pinakamalaking merkadong pangkonsyumer, binigyan ang mga kabahayan (household) sa US ng tila walang katapusang daloy ng pautang, na rumurok sa bula sa pabahay (housing bubble) at humantong sa nagaganap na bugso ng pagkakaremata sa bahay (mortgage meltdown) [7].
Lantad na ang katotohanan tungkol sa ekonomiya ng US. Nasisiwalat na ang karumal-dumal na mga datos tungkol sa mapanlinlang at kriminal na laro ng nangungunang ekonomiya ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Hindi masusustine at mababayaran ang mga utang ng gobyernong pederal ng US, mga korporasyong pribado, at mga kabahayan. Pero patuloy pa rin ang mga gumagawa ng patakaran sa US sa pagpapalawak sa suplay ng pera at pagpapababa sa interes. Inaatake ng pagsadsad ng industriya at napakalaking pautang na pederal ng US ang matagal nang ipinagmamalaking papel ng US – bilang motor ng pandaigdigang pang-ekonomiyang pag-unlad at bilang pandaigdigang pamilihan ng huling hantungan – gayundin ang halaga ng dolyar ng US bilang reserbang currency ng mundo.