Pagpapalaya kay Smith, ginawa para isalba ang VFA – Gabriela


KINONDENA ng Gabriela, militanteng alyansang pangkababaihan, ang pagpapalaya kay Lance Corp. Daniel Smith na maysala diumano sa panggagahasa sa Pilipinang si Nicole sa Subic, Zambales noong Nobyembre 2005. “Isang nakakagalit na desisyon ito ng Court of Appeals. Pagtampalasan doon sa hustisya na pinagtagumpayan natin,” ayon kay Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela. Ayon pa […]

KINONDENA ng Gabriela, militanteng alyansang pangkababaihan, ang pagpapalaya kay Lance Corp. Daniel Smith na maysala diumano sa panggagahasa sa Pilipinang si Nicole sa Subic, Zambales noong Nobyembre 2005.

“Isang nakakagalit na desisyon ito ng Court of Appeals. Pagtampalasan doon sa hustisya na pinagtagumpayan natin,” ayon kay Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Ayon pa sa Gabriela, ang pagpapawalang-sala na ito kay Smith ay isa lamang hakbang upang maisalba ang RP-US Visiting Forces Agreement(VFA) na binabatikos na mas pumapabor sa gobyernong US.

“Hindi na ako nabigla sa desisyon ng CA dahil noong maglabas ng affidavit si Nicole, sa palagay ko na-stage na ‘yong acquittal,” ayon kay Gabriela Rep. Liza Largoza Maza.

Itinutukoy ni Maza ang paglabas ng affidavit ni Nicole noong Marso na nagpapahayag ng pagduda diumano niya na ginahasa siya. Isang abogado mula sa law firm na nagdedepensa kay Smith ang lumagda sa notaryo ng naturang pahayag.

Ayon sa Court of Appeals, isang “romantic episode” lamang ang nangyari sa pagitan nina Smith at Nicole noong gabing iyon. Hindi raw ibig sabihing lasing si Nicole ay wala na siya sa wisyo para kusang makipagtalik kay Smith.

Dagdag pa ni Maza, patuloy na pakana lamang at sabwatan ng US at Malakanyang upang tuluyang palayain si Smith at ganun din ay hindi na magkaroon ng duda pa sa VFA.

Ayon pa sa grupo ipagpaptuloy nila ang laban upang makamit ang hustisya sa panggagahasa at ang tuluyang pagbasura sa VFA.

Carmie Barsaga