(UPDATED) Dinukot na Fil-Am inilitaw, 2 pang aktibista hinahanap

(UPDATED, May 25 5 p.m.) Nananawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa gobyernong Arroyo na agad na ilitaw ang mga kasamahang volunteer health workers ni Melissa Roxas, isang Filipino-American, na dinukot umano ng hinihinalang mga sundalong militar noong Mayo 19, 1:30 pm sa Sitio Bagong Sikat, Bgy. Kapanikian, La Paz, Tarlac. Kinumpirma ni Renato Reyes […]

melissa-roxas
Melissa Roxas (Larawan mula sa Bayan-USA)

(UPDATED, May 25 5 p.m.) Nananawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa gobyernong Arroyo na agad na ilitaw ang mga kasamahang volunteer health workers ni Melissa Roxas, isang Filipino-American, na dinukot umano ng hinihinalang mga sundalong militar noong Mayo 19, 1:30 pm sa Sitio Bagong Sikat, Bgy. Kapanikian, La Paz, Tarlac.

Kinumpirma ni Renato Reyes Jr., noong Mayo 25 nang umaga na pinalaya na ng mga dumukot sa kanya si Roxas. Gayunman, hindi pa rin natatagpuan ang dalawang kasamahan niya hanggang sa pagkakasulat nito.

Si Roxas ay miyembro ng Bayan-USA at ng grupong pangkultura na Habi Arts na naka-base sa Los Angeles, California.

Kasama niyang dinukot sina Juanito Carabeo at John Edward Handoc, pawang volunteer health workers.

Ayon sa ulat ng Karapatan at pulisya ng La Paz, dinukot ang tatlo ng walong armadong kalalakihan. Nakasuot ng bonnet ang mga ito at nakasakay sa dalawang motorsiklo at isang Besta van na walang mga plate number.

Si Roxas ang unang kaso ng pagdukot sa isang aktibistang Fil-Am.

Pangungunahan ng Karapatan ang paghahanap sa tatlo. Nanawagan ang Bayan sa pandaigdigang komunidad na ipresyur ang gobyernong Arroyo na agad umaksiyon para mailitaw  nawawalang mga aktibista.