Pabuya para kina Sison, Ka Roger kinondena

Kinondena ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang P15 Milyong pabuyang inaalok ng Philippine National Police para kina Prop. Jose Maria Sison at Gregorio “Ka Roger” Rosal para sa diumano’y pagpatay sa isang mamamahayag noong 2003. Kabilang ang P10-M na pabuya kay Sison, punong konsultant ng NDFP, at P5-M na pabuya kay Rosal, […]

Kinondena ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang P15 Milyong pabuyang inaalok ng Philippine National Police para kina Prop. Jose Maria Sison at Gregorio “Ka Roger” Rosal para sa diumano’y pagpatay sa isang mamamahayag noong 2003.

Kabilang ang P10-M na pabuya kay Sison, punong konsultant ng NDFP, at P5-M na pabuya kay Rosal, tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines, sa P25-M na reward fund na inanunsiyo ng Malakanyang.

Diumano’y makakatulong ito sa pag-aresto ng mga nasa likod ng pamamaslang sa mga aktibista at mamamahayag.

Pero ayon kay Luis Jalandoni, tagapangulo ng negotiating panel ng NDFP, hindi talaga interesado ang gobyernong Arroyo na parusahan ang mga heneral ng militar na napatunayang nasa likod ng pamamaslang sa mga aktibista.

“Sa halip, abala ito sa pagtatakip sa kanyang krimen sa pamamagitan ng pagtugis sa mga lider-rebolusyonaryo at paggamit ng pondong publiko para dito,” aniya.

Inaakusahan sina Sison at Rosal sa pagpatay diumano kay Nelson Nadura, anti-komunistang broadkaster sa Masbate. Bahagi ang pabuya sa kanila sa P18-M na inilaan ng Department of Interior and Local Government (DILG) para sa pagtugis sa mga suspek sa pagpatay ng 20 mamamahayag.

Hindi inihayag ng DILG ang iba pang mga kaso na saklaw ng pabuya.

Samantala, hiwalay na P3.235-M na pabuya ang aaprubahan para sa pag-aresto ng 19 suspek sa pamamaslang ng mga aktibista.

Ngunit ayon kay Jalandoni, hanggang ngayon, walang seryosong imbestigasyon sa mga opisyal ng pulis at militar na sangkot sa pagpatay ng konsultant ng NDFP na si Sotero Llamas, at pagdukot ng nawawala pa ring mga konsultant ng NDFP  na sina Leo Velasco, Prudencio Calubid, Rogelio Calubad, Leopoldo Ancheta at Philip Limjoco.

Ayon kay Jalandoni, “hindi na natuto” ang gobyernong Arroyo sa kabiguan nito sa pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban kay Sison. Pinakahuli ang kaso ng pagpatay kina Romulo Kintanar at Arturo Tabara na ibinasura ng korte sa The Netherlands, kung saan naka-base si Sison.