Sports

Tagumpay at pighati ng mga boksingerong Pinoy


Naging makulay ang pagtatapos ng unang apat na buwan ng Pilipinas para sa boksing nang magwagi ang tatlo sa apat na mandirigmang Pilipino sa ring.

NAGING makulay ang pagtatapos ng unang apat na buwan ng Pilipinas para sa boksing nang magwagi ang tatlo sa apat na mandirigmang Pilipino sa ring.

Pinakatanyag ang ginawang pagpapatumba ni Manny Pacquiao sa Briton na si Ricky Hatton sa MGM Grand nitong nakaraang Mayo 3 (Mayo 2 ng gabi sa US). Matapos ang ilang buwan na palitan ng kuru-kuro (at ilang maaanghang na mga salita galing sa kampo ng Briton), hinayaan na lamang ng Pambansang Kamao na magsalita ang kanyang mga kamao upang patahimikin ang maingay na fans ng Briton sa loob lamang ng dalawang round.

Unang pinabagsak ni Manny ng dalawang beses si Hatton sa unang round pa lamang, na kitang hindi dininig ang babala ni Freddie Roach na kung susugod ang Briton at mananatili sa kanyang istilo ay tiyak ang pagkatalo nito. Nauna nang nagpahayag si Roach (na tinawag pa man din siya ng coach ni Hatton na si Floyd Mayweather Sr. na “cockroach“) na hanggang tatlong round lamang tatagal ang laban.

Hindi na nga umabot sa ikatlong round ang Briton. Dumapo sa kanya ang pinakamalakas na sandata ng Pinoy – ang kanyang kaliwa – saktong-sakto sa panga nito at humandusay sa lona. Nabitiwan niya ang kampeonato ng junior-welterweight. Ito naman ang ikalimang titulo ni Manny, at nailatag na ang sarili sa kasaysayan na makatabla sa pinakamaraming titlulo na nahawakan sa karera nila bilang boksingero – limang titulo sa anim na timbang.

Nauna naman noong Abril 20 ang pagwawagi pa ng dalawang boksingero at makakuha ng kani-kanilang pagkatanyag sa ibabaw ng ring. Matagumpay na nadepensahan ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire ang kanyang korona sa International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization World Flyweight kontra sa Mehikanong si Raul “Cobra” Martinez. Bukod dito, pinatikim din ng Fil-Am ng unang pagkatalo ang Mehikano.

Bago ito, nagpakita ng makulay na laban sina Ulises Solis ng Mehiko at si Brian Viloria, isa pang Fil-Am, para sa korona ng IBF Junior Flyweight. Matagal na palitan ng suntok ang ginawa ng dalawang mandirigma na kinagiliwan ng mga manonood. Sa kahabaan ng laban, tila superyor ang pakita ng Mehikano sa kanilang palitan. Ngunit isang counter ni Viloria sa ika-11 na round ang nagpatumba sa Mehikano, at ito ang naging hudyat upang bitiwan niya ang titulo sa tinaguriang “Hawaiian Punch.”

Masaya man ang nabanggit na mga pagwawagi ng mga mandirigmang Pilipino, naka-pagitna sa kanila ang malungkot na pagkatalo ng isang Pilipino. Lugmok na tinanggap ni Gerry Peñalosa ang masaklap na pagkatalo sa Puerto Rican na si Juan Manuel Lopez, na matagumpay na nadepensahan ang kanyang titulo. Hindi na tumayo ang Pilipino sa pagsisimula ng ika-10 na round, ang kauna-unahang pagkakataon na napahinto ang boksingero. Nauna rito, ipinahayag niyang mahirap siyang katunggali sa timbang niyang 122lbs.

Ngunit mismong si Pacquiao na ang nagbigay ng opinyon na dapat nang magretiro ang kaibigan niyang si Gerry, na dati na rin namang nag-kampeon.