Istorya ng Linggo

Paglalantad ni Vanessa, ‘responsabilidad’ sa bayan

Alam ng umano’y biktima ng panggagahasa ng sundalong Kano na si Vanessa na may dinadala siyang “responsabilidad” para singilin ang gobyerno sa naganap sa kanya. Alam din niyang dapat ibasura ang VFA.

Vanessa (di tunay na pangalan), ginahasa umano ng sundalong Kano
Vanessa (di tunay na pangalan), ginahasa umano ng sundalong Kano

Sa pagtingin ni Atty. Evalyn Ursua at ng grupong pangkababaihan na Gabriela, matibay ang pinanghahawakan nilang ebidensiya na ginahasa ang 22-anyos na si Vanessa (di tunay na pangalan) ng isang sundalong Kano.

Nakita pa ni Ursua ang sariwang mga pasa sa leeg ni Vanessa. Hawak nila ang eksameng mediko-legal, na isinagawa sa biktima matapos ang insidente noong Abril 18. Isa sana itong mabigat na patunay ng panggagahasa. Alam din nila ang tunay na identidad ng sundalo ng Joint United States Military Assistance Group (itinago sa pangalang John Jones) na nagsamantala kay Vanessa.

Pero tumatanggi ang biktima na magsampa ng kaso laban kay Jones. Nangangamba siyang mahalintulad kay Nicole na tinalikuran ng gobyernong Arroyo hanggang sa mapalaya na lamang ang kanyang rapist na si Lance Cpl. Daniel Smith.

Ipinapakita ng kaso ni Vanessa na hindi “isolated case” ang kaso ni Nicole, ayon kay Emmi de Jesus, pangkalahatang kalihim ng Gabriela. Babala niya, marami pang kababaihan ang magiging biktima ng karahasan ng naglipanang mga sundalong Kano sa bansa hanggang hindi ibinabasura ang Visiting Forces Agreement (VFA).

Paglalantad

Noong Mayo 14, lumantad si Vanessa sa isang press conference sa opisina ng Gabriela sa Quezon City. Nakabalabal at nakasuot ng madilim na shades, nagsalita siya sa midya nang nakatalikod, habang hinahawakan ang kanyang kamay ng isang therapist. Ilang minuto rin ang nakalipas bago siya nagkaroon ng lakas na loob na basahin ang kanyang salaysay.

Unang nakilala ni Vanessa, estudyante sa isang pribadong unibersidad, si Jones noong Abril 10 sa isang club sa The Fort, Taguig City. Nagpakilala ito bilang US Marine at hiningi ang cell phone number ni Vanessa. Sunod silang nagkita noong Abril 15, sa isang pang club sa The Fort. Sa paanyaya ni Jones, sumama si Vanessa at ang kanyang mga kaibigan sa hotel ng sundalo. Nagkuwentuhan sila magdamag at umuwi rin si Vanessa kinaumagahan.

Noong Abril 18, nagyaya muling makipagkita si Jones kay Vanessa at kanyang kaibigan sa isang lugar. Hindi alam ni Vanessa na “girlie bar” ang kanilang pupuntahan, kaya nailang ito at lumipat sa ibang bar makaraan ang ilang oras. Dito, iniwan siya ng kanyang kaibigan. Pinuntahan naman siya niya Jones at nagyaya muli sa kanyang hotel. Sinabi ni Jones na nasa kuwarto niya ang kanyang girlfriend at iba pang kaibigan.

Ngunit pagdating sa kuwarto, walang ibang tao. Matapos ang ilang minutong kuwentuhan, nagsabi si Vanessa na gusto na niyang umuwi dahil baka dumating ang girlfriend ni Jones at “mapaaway siya.” Biglang tumayo si Jones at sinampal si Vanessa nang malakas at sinabing, “Why you do that?” (sic). Naglakad si Vanessa papuntang pintuan pero binuhat siya ni Jones at hinagis sa kama.

“Ilang beses niya akong sinampal gamit ang kaliwang kamay samantalang sinasakal ng kanang kamay,” salaysay ni Vanessa.

Panggagahasa

Nanlaban siya—nagpumiglas at pilit itinulak si Jones habang nagmumura. Pero pumatong sa kanya ang sundalo. Pinaghahalikan siya sa labi at dibdib habang hawak-hawak ang kanyang kamay.

“Hindi ko maalala kung paano nangyari pero nagawa ni Jones na hubaran ako. Wala na akong boses at masakit na ang aking lalamunan…Sinubukan kong tumayo habang hinuhubaran at napansin kong naibaba na ni Jones ang (kanyang) pantalon,” ayon kay Vanessa.

Habang ginagahasa ni Jones, patuloy siyang pinapalo ni Vanessa.

Nang mapagod, tumayo si Jones at kinuha ang kanyang cell phone. Dali-daling kinuha ni Vanessa ang kanyang mga gamit at damit, at nagkulong sa banyo. Pagkalabas ng banyo, sinabi niyang gusto na niyang umuwi pero ayaw pumayag ni Jones noong umpisa. Nang pumayag na si Jones, sinamahan niya ito sa elevator habang tumatawag sa security para kunin daw ang isang “nagwawalang babae.”

Nagsumbong si Vanessa sa head ng security ng hotel na ginahasa siya. Tinawagan niya ang kanyang pamilya, na sumama sa kanya sa estasyon ng pulis. Alas-10 ng umaga noong Abril 19 nang magtungo siya sa ospital para sa eksameng mediko-legal. Kinabukasan, lumapit si Vanessa sa Gabriela para humingi ng tulong.

Pagbubunyag muna ang kaya

Bagaman naghahanap ng hustisya para sa krimeng ginawa laban sa kanila, hindi madali, ayon kay de Jesus, para sa isang biktima ng panggagahasa na lumantad sa publiko at magsampa ng kaso. “Lalong mahirap ang desisyon na ito dahil sundalong Kano na naman ang sangkot, at kung ikokonsidera pa ang nangyari sa Subic rape case,” aniya.

Ibinasura noong Abril 23 ng Court of Appeals ang kaso laban kay Smith, na hinatulan ng rape ng Makati Regional Trial Court. Ito ang unang kasong kriminal na isinampa laban sa Amerikanong sundalo sa ilalim ng VFA, ang kasunduan noong 1999 na muling nagpapasok ng militar ng US sa bansa.

Sa kasagsagan ng pananatili ng mga baseng militar ng US sa Pilipinas, mahigit 3,000 kaso—kabilang ang pang-aabuso sa kababaihan at bata—ang isinampa. Pero naibasura ng korte ang lahat ng ito, ayon sa Gabriela.

Sinabi ng grupo na lumantad si Vanessa para “ilabas ang sakit at sama ng loob na kanyang nararamdaman.” Ito na rin umano ang magsisilbing “paghihilom” sa mga emosyunal na sugat na iniwan ng panggagahasa sa kanya.

Umiyak si Vanessa nang ikinukuwento ang sensitibong bahagi ng insidente, at agad ding umalis matapos basahin ang salaysay. Hindi na siya tumanggap ng karagdagang tanong mula sa midya.

Paliwanag ni Ursua, ang pagharap lamang sa press conference ang “nakayanan ng kahandaan” ng biktima. Mabigat na konsiderasyon, aniya, ang takbo ng hustisya sa bansa na napatunayang tagibang para sa mga Amerikano sa kaso ng kanyang dating kliyente na si Nicole.

Nangangambang matulad kay Nicole

Ayon kay de Jesus, natatakot si Vanessa sa labanang legal sa sitwasyong malinaw na naninikluhod sa US ang gobyernong Arroyo. Inihalimbawa niya ang paghiling kamakailan ni Solicitor General Agnes Devanadera sa Korte Suprema na ibasura ang lahat ng kasong may kaugnayan kay Smith.

Nang inilipat ng kustodiya ni Smith sa US, nagsampa ang iba’t ibang personalidad at grupo ng mga petisyon sa Korte Suprema. Iginigiit nilang di-konstitusyunal ang VFA dahil labag sa soberanya ng bansa at nagbibigay ng espesyal na pagtrato sa mga sundalong Amerikano.

Dagdag umanong dahilan ang kaso ni Vanessa para ibasura ang VFA at matigil ang mga ehersisyong militar. Dahil tuwing pagkatapos ng Balikatan, ani de Jesus, “may nakakagalit at nakakakilabot na layunin ang mga sundalong Kano na mag-rest and recreation at the expense ng ating kababaihan.”

Hindi pa man magsasampa ng kaso, sinabi ng Gabriela na pinili ng biktima na magsalita para ilantad ang “kawalanghiyaan” ng gumahasa sa kanya. Alam din raw ni Vanessa may dinadala siyang “responsabilidad” na singilin ang gobyerno na ibasura ang VFA—para sa kanya, at para sa iba pang kababaihang posibleng matulad sa kanya.

Bidyo ng salaysay ni Vanessa: