Paglista ng NUJP, mamamahayag sa Order of Battle ng AFP ikinaalarma

Ikinaalarma ng iba’t ibang grupo ang pagsama sa Order of Battle (OB) ng 10th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang grupo ng mamamahayag na National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at kilalang mamamahayag na si Carlos Conde. Sa isang press conference sa Davao City kamakailan, isiniwalat ni Bayan Muna […]

Ikinaalarma ng iba’t ibang grupo ang pagsama sa Order of Battle (OB) ng 10th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang grupo ng mamamahayag na National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at kilalang mamamahayag na si Carlos Conde.

Sa isang press conference sa Davao City kamakailan, isiniwalat ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo na kabilang sa OB ng 10th ID na naka-base sa Southern Mindanao ang mahigit 100 grupo at personalidad na inaakusahan ng militar na mga prente o tagasuporta ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army.

Nakalista sa nasabing dokumento ang NUJP at si Conde, correspondent ng New York Times at International Herald Tribune.

Una nang nabansagan ang NUJP bilang prenteng komunista sa “Knowing the Enemy,” powerpoint presentation na ipinakalat ng AFP sa buong bansa noong 2005.

Sa isang pahayag, sinabi ni Conde na isang “misteryo” ang pagsama ng kanyang pangalan sa OB. May 15 taon nang mamamahayag si Conde, na naging pangkalahatang kalihim din ng NUJP mula 2004 hanggang 2006.

Sinabi niyang walang dahilan para gawin siyang target ng militar “maliban na lamang kung kinokonsidera (nito) ang adbokasiya ng NUJP para sa kalayaan sa pamamahayag at pagpresyur sa gobyerno na itigil ang pamamaslang (sa mga mamamahayag) bilang gawain ng mga kaaway ng Estado.”

Ayon pa kay Conde, nagdulot ng “takot at pagkabahala” sa kanyang pamilya ang nasabing OB. Ito’y dahil isa sa mga kabilang dito, ang lider-pesante na si Celso Pojas, ang pinaslang noong nakaraang taon, at marami pang indibidwal sa listahan ang inaatake o hinaharas ng militar.

Inihayag naman ng NUJP na isang seryosong usapin ang paglista ng organisasyon sa OB dahil nilalagay nito sa panganib ang buhay ng kanilang mga miyembro, na umaabot ng mahigit 800 sa buong bansa.

Sinabi ng NUJP na pinagtitibay lamang ng nasabing listahan ang pagsusuri ni United Nations Special Rapporteur Philip Alston na ang mahigit 1,000 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa bansa ay resulta ng programang kontra-insurhensiya ng gobyerno, kung saan idinadawit maging ang legal na mga organisasyon.

Dahil sa paglabas ng OB, pinag-iisipan na rin umano ng NUJP kung kabilang din sa polisiya ng gobyernong Arroyo ang pagpatay sa mga mamamahayag.

May 64 mamamahayag na ang pinatay simula 2001.

Hiniling ng NUJP sa liderato ng AFP na magbigay ng public apology sa grupo, kay Conde, at iba pang grupo at indibidwal sa nasabing OB.

Bukod kay Conde, kabilang din sa OB ang dalawang konsehal ng Davao City na sina Peter Lavinia at Angela Librado, human rights lawyer na si Carlos Zarate,dating alkalde ng Davao City na si Mayor Ben de Guzman, at Bishop Felixberto Calang ng Philippine Independent Church.

Kabilang din ang progresibong mga grupo at party-list na Bayan Muna, Bayan, Gabriela, Kilusang Mayo Uno; at mga non-government organization na Mindanao Coalition of Development NGOs at Konsumo Dabaw.

Samantala, kinondena ng Center for International Law at Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) ang pagsama sa NUJP at kay Conde sa nasabing listahan ng militar.

“Isinasama ba ang mga mamamahayag sa mga tinatawag na OB para mabigyang-katwiran ang mga atake laban sa kanila at sa kalayaang ginagarantiya ng Konstitusyon sa kanilang propesyon?” pahayag ng CMFR.