PNR kinalampag ng biktima ng demolisyon sa tabing-riles


Mahigit 100 biktima ng demolisyon sa tabing-riles sa Muntinlupa ang nagmartsa mula sa Philippine National Railways (PNR) Alabang station tungo sa city hall ng lungsod para ipanawagan ang pabahay, trabaho at katarungan. Sa pangunguna ng Bangon Maralita-Kadamay Muntinlupa, bagong tatag na organisasyon ng mga biktima ng demolisyon, at Bagong Alyansang Makabayan-National Capital Region, binalak ng […]

Mahigit 100 biktima ng demolisyon sa tabing-riles sa Muntinlupa ang nagmartsa mula sa Philippine National Railways (PNR) Alabang station tungo sa city hall ng lungsod para ipanawagan ang pabahay, trabaho at katarungan.

Sa pangunguna ng Bangon Maralita-Kadamay Muntinlupa, bagong tatag na organisasyon ng mga biktima ng demolisyon, at Bagong Alyansang Makabayan-National Capital Region, binalak ng mga nagpoprotesta na makipagdayalogo kay Mayor Aldrin San Pedro ukol sa malawakang demolisyon sa mga barangay ng Sucat, Cupang, Buli at Alabang.

Plakard lamang ang bitbit sa mahabang paglalakad, iniwang halos walang gamit, pagkain, pantustos sa mga pangangailangan, at kabuhayan ang mga maralita sa ginawang paggiba sa kanilang kabahayan noong Abril 27-29.

Pagdating sa city hall, agad na hinarang ng mga guwardiya ang mga nagpoprotesta. Pinapasok ang mga lider upang makipagdayalogo ngunit hindi sila hinarap ng punong-lungsod. Ayon sa humarap na kalihim ng lungsod, “may inaasikasong kasal” si Mayor San Pedro.

Sa kasalukyan, higit 100 katao ang sama-samang naninirahan sa mga itinayo nilang mga kubol malapit sa PNR Alabang station.

Matapos ang demolisyon, 962 pamilya o halos 5,600 katao ang naiwang walang tirahan. Tinatayang sampung libong pamilya sa Muntinlupa ang apektado ng demolisyon sa pagpapatuloy ng North Rail – South Rail Linkage Project.

Ulat ng Tudla Productions

Tingnan ang mga litrato ng demolisyon