Uncategorized

Umaariba muli ang Cinemalaya, Cinco na


Sosyal na sosyal at nakikipagkumpitensiya nang lubusan ang Cinemalaya Independent Film Festival sa lahat ng kumpanya ng pelikula sa Pilipinas tulad ng Seiko Films, Regal Entertainment, Star Cinema, Viva Enertainment at marami pang iba. Pagkatapos ng marami-rami na rin namang taon na pagsasagawa nito ay nakalimang beses na itong edisyon. Limang taon na ang Cinemalaya […]

Sosyal na sosyal at nakikipagkumpitensiya nang lubusan ang Cinemalaya Independent Film Festival sa lahat ng kumpanya ng pelikula sa Pilipinas tulad ng Seiko Films, Regal Entertainment, Star Cinema, Viva Enertainment at marami pang iba.

Pagkatapos ng marami-rami na rin namang taon na pagsasagawa nito ay nakalimang beses na itong edisyon.

Limang taon na ang Cinemalaya na sinimulan nina Laurice Guillen, Tony Boy Cojuangco, Nestor Jardin at Robbie Tan, ang apat na haligi ng pestibal na ito.

Cinco na nga ang itinawag ng mga taga-marketing at PR na dibidsyon ng Cultural Center of the Philippines dito sa pangunguna ni Irene Rada. Cinemalaya Cinco at hindi nawawala ang impluwensiya ng Kastila.

Nananatiling kolonyal ang sinema pero hindi ito masama bagkos ay nagpapatingkad ng kultura ngayong multi-kultural na ang dating, takbo at sistema ng buhay sa alinmang lipunan bastat nagkakaunawaan, may bigayan at walang sapawan o kontrolan.

***

Inilunsad na ang ika-5 taon ng Cinemalaya kamakailan sa lobby ng Main Theater ng CCP at aligaga sina Ire, Laurice, Robbie, Nestor, Tony Boy at lahat ng mga kasali sa okasyong ito.

Sampung pelikula ang nakapasa sa panlasa ng mga tagapili sa full-length film features at ang mga ito ay ang “24K” ni Ana Agabin, “Ang Panggagahasa Kay Fe (The Rapture of Fe)” ni Alvin Yapan, “Astig (Mga Batang Kalye)” ni GB Sampedro, “Colorum” ni Jon Esteffan Ballesteros, “Dinig Sana Kita” ni Mike Sandejas, “Engkwentro” ni Pepe Diokno, “Last Supper No. 3” nina Veronica Velasco at Jinky Laurel, “Mangatyanan” ni Jerrald Tarog, “Nerseri” ni Vic Acedillo, Jr. at “Sanglaan” ni Milo Sugueco.

Star-studded rin ang mga cast ng pelikula o mga pamilyar ang screen naman ng mga artista dahil ang hindi nag-i-independent film o hindi umaarte sa indie film na si Dennis Trillo ay umapir na sa “Astig” samantalang dala-dalawa ang pelikula ng tinaguriang Queen of Indie Films na si Irma Adlawan gayundin sina Jojit Lorenzo (“24K” at “Last Supper No. 3”), Andoy Rranay (“Last Supper No. 3” at “24K”) at Neil Ryan Sese (“Mangatyanan” at “Sanglaan”).

O hindi ba naman at talagang namumutiktik sa maraming kauna-unahan ang Cinemalaya?

***

Tampok din sa Cinemalaya si Ynez Veneracion (“Nerseri”) at si Jacklyn Jose (“Nerseri”) at Felix Roco, ang isa sa mga kambal na anak ni Rafael “Bembol” Roco, Jr. sa “Engkwentro” na ang papel naman ay biktima ni Celso Ad Castillo bilang berdugong mayor.

Huwag ding kalimutan sina Julio Diaz at Archie Adamos na bituin sa “24K” kasama si Alchristian Galura, ang pamangkin ni Dan Alvaro at kapatid ni Glaiza de Castro.

Hindi ba naman at showbiz na showbiz sa dami ng kulay, tunggalian, drama, ningning at laman ang pagganap ng mga artistang ito ngayong Cinemalayang ito?

***

Ang matinee idol na si TJ Trinidad ay bida sa “Ang Panggagahasa kay Fe” kasama si Nonie Buencamino kasama sa panauhing papel ang maganda at seksing aktres na si Mercedes Cabral. Magkasama sa “Colorum” sina Alfred Vargas at Lou Veloso, Jr. Ang tenor na si Robert Seña ay artista sa “Dinig Sana Kita” at si Bayang Barrios ay artista rin hindi lang singer sa “Engkwentro.”

Sa “Last Supper No. 3” ay bituin sina Beverly Salviejo, Debraliz Valesote, Dante Balaois, Malou Crisologo, Mark Meily, Maricel Soriano, Kalila Aguilos, Liza Lorena at Ricky Davao.

Si Tony Mabesa ay kasama sa “Nerseri” samantalang si Lorenzo “Tata” Mara, ang kasabayan ni Ricardo Cepeda, ay kasali sa “Dinig Sana Kita.”

Ang kamukha ni Piolo Pascual na si Joem Bascon ay kasali sa “Sanglaan” gayundin sina Flor Salanga at Jess Evardone. Huwag ding kalimutan sa pelikula si Tessie Tomas at ang anak nina Johnny Delgado at Laurice Guillen na si Ina Feleo.

Hindi ba naman at makislap ang mga bituin sa Cinemalaya kaya maghanda na nang pagpunta sa CCP mula sa ika-17 hanggang ika-24 ng Hulyo, 2009?

***

Nakausap namin sa paglulunsad si Robbie at ayon sa kanya, magaganda halos lahat ng kalahok bagamat ibinatay niya ang kanyang paghuhukom sa trailer, teaser at pananalita ng mga filmmaker.

“I think they all deserve to be helped,” pahayag ni Tan.

Samantala, hindi namin nakilala si Laurice nang siya ay nagsasalita. Samantalang si Guillen ang nagpapakilala sa mga opisyal na kasali sa filmfest, si Irene Rada naman ang siyang maestra ng palatuntunan.

Ayon kay Laurice, mahalaga na tulungan ang mga kabataang filmmaker na nagsisikap maisalba ang industriya ng pelikulang Pilipino sa karapat-dapat na kalagyan nito.

Ngayon pa naman na nakikilala na sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang pelikulang Tagalog mula pa kina Gerry de Leon at Lino Brocka.

Sa ika-62 taon ng Cannes Film Festival ay tampok ang mga pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng “Kinatay (The Execution of P)” ni Brillante Mendoza at kinabibilangan nina Maria Isabel Lopez, Mercedes Cabral, Julio Diaz, Coco Martin at Jhong Hilario at ipinalabas sa main competition ng pestibal sa Palais De Festivals sa French Riviera, “Manila,” ang tribute nina Adolf Alix, Jr. at Raya Martin kina Brocka at Ishmael Bernal sa “Maynila Sa Mga Kuko Ng Liwanag” at “Jaguar” at “Manila By Night” na ipinamalas sa Special Screenings o Out-of-Competition section ng pestibal at ang “Independencia” ni Martin na kasama sa prestihiyoso ring Un Certain Regard.

Hindi nga ba’t ang mga ito ay pagpapatunay na malayo na ang nararating ng pelikulang lokal kaya hindi dapat sabihing naghihingalo na ito o tuluyan nang namatay.

***

Ginagampanan ni Celso Ad. Castillo sa Cinemalaya entry na “Engkwentro” ang papel ng isang alkalde na mabagsik at berdugo na siyang may kagagawan ng pagpatay sa mga siyudad lalo na sa mga aktibista at nakikipaglaban sa mga karapatang pantao.

Ayon kay Diokno, kaapu-apuhan ng progresibong senador na si Jose W. Diokno, natakot siya kay Celso nang una silang magkita at nang idirek niya ito pero nang maglaon ay kampante na siya.

“Ako pa nga po ang nakaisip na si Direk Celso ang gawing mayor kasi, matapang at nakakatakot ang mukha niya. Hindi naman siya nakialam sa direction ko kahit na direktor din siya. May freedom ako sa kanya,” pahayag ni Pepe.

Ang nakapagtataka lang sa batang Diokno ay ang pagtanggi niya isa siyang pulitikal na alagad ng sining o artista.

Bakit kaya?

“Kasi po, masyadong marumi ang pulitika,” kagyat niyang sagot.

Bastat ang pagpapakita lang anya ng good and bad sa pelikula ang kanyang nais ipamarali.

Pero ang sabi ko naman sa kanya ay ang mabuti at masama ay pulitika.

O mahabang talakayan ito sa showbiz.

***

Masyadong masigasig si Pepe sa kanyang sining.

Parang teatro nga anya ang estilo ng kanyang presentasyon sa kanyang pelikula.

“Hinahayaan po namin na umarte lang nang umarte ang mga artista namin. May rehearsal kami at blocking. Kaya pag nag-roll na ang kamera, dire-diretso ang thirty minutes na walang puknat. Para talagang stage play,” pahayag ni Diokno.

Ngayon lang siya nakapasok sa full length category ng pestibal bagamat nakasali na siya sa short film ng 2006 Cinemalaya sa pamamagitan ng “No Passport Needed.”

At napag-uusapan na rin lang ang short films sa Cinemalaya, inilunsad rin ang mga opisyal na kalahok sa pagdiriwang at ang mga ito ay ang “Behind Closed Doors” ni Mark Philipp Espina, “BLOGOG” ni Rommel “Milo” Tolentino, “Bonsai” ni Alfonso “Borgy” K. Torre III, “Hulagpos” ni Maita Lirra Lupac, “Latus” ni John Paul S. Seniel, “Musa” ni Dexter B. Cayanes, “Si Bok at ang Trumpo” ni Hubert Tibi, “Tatang” ni Jean Paolo “Nico” Hernandez, “Ugat sa Lupa” ni Ariel Reyes at “Wat Floor Ma’am” nina Robert Seña at Mike Sandejas.

***

Matimtiman ang pagdaraos ng Cinemalaya ngayong taong ito kaya naman ang lahat ay nakatutok dito.

Ang gawad na Balanghai ang siyang pinakamataas na premyo sa magwawagi sa iba’t ibang kategorya at ngayon pa lang ay nananabik na ang mga filmmaker at artista sa kung sino ang mga magwawagi sa taong ito.

Nais nina Tan, Guillen, Jardin at Cojuangco na maging barometro ang Cinemalaya ng pagtaas ng kamalayan ng sambayanang Filipino sa sining ng sine kahit na digital pa lang ang mga ito.

Kaya naman dapat ay tangkilikin ito ng lahat ng mga Filipino—bata, matanda, may ngipin at wala.

***

Kaiba ang mga kuwento ng mga pelikula sa Cinemalaya at makapagpapataas ng kamalayan sa lipunan, sining, pulitika, teknolohiya, kultura at iba pang sangay ng buhay ang mga isinasapelikulang obra rito.

Sabi nga ng mga nasa likod nito ay gagayahin na ng Regal Films ni Mother Lily Monteverde ang pagsasakatuparan ng mga likhang-sining sa Cinemalaya kaya mabuti at ginagaya na ito para mas lumawak pa ang merkado ng sining at negosyong ito.