Kompanya ng langis, kumikita ng sobrang P167-M araw-araw


Dahil sa overpricing, kumikita ang mga kompanya ng langis P167.03 Milyon araw-araw, ayon sa pinakahuling pag-aaral ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Kinukuwestiyon ng Bayan ang pinakahuling pagtaas ng 50 sentimos sa presyo ng gasolina at ng 75 sentimos naman sa presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG). Sa pag-aaral ng Bayan, kumikita ang Big Three o […]

Dahil sa overpricing, kumikita ang mga kompanya ng langis P167.03 Milyon araw-araw, ayon sa pinakahuling pag-aaral ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).

Kinukuwestiyon ng Bayan ang pinakahuling pagtaas ng 50 sentimos sa presyo ng gasolina at ng 75 sentimos naman sa presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG).

Sa pag-aaral ng Bayan, kumikita ang Big Three o tatlong pinakamalalaking kompanya ng langis ng P138.14-M kada araw mula sa sobrang singil. Sa kabuuang ito, P64.64-M ang sa Petron Corporation; P49.94-M ang sa Pilipinas Shell; at P23.55-M ang sa Chevron Philippines.

Kumikita naman ang Total Philippines ng P7.52-M, habang ang iba pang maliliit na kompanya ng langis ay kumikita ng P21.38-M.

Lumalabas na overpriced pa rin ang mga produktong petrolyo nang P4.31 kada litro sa kalagitnaan ng Hunyo.

Ayon kay Kal. Ralph Recto ng National Economic and Development Authority (NEDA), overpriced ang mga produktong petrolyo ng P8 kada litro.

Pero ayon sa Bayan, nakabase ang komputasyon ni Recto sa mga produktong gasolina lamang. Samantala, ang komputasyon umano ng grupo ay nakabatay sa average retail price ng lahat ng mga produktong petrolyo kasama ang gasolina, kerosene, diesel, at LPG.

Gayunpaman, sinabi ng Bayan na hindi dapat isawalang-bahala ni Kal. Angelo Reyes ng Department of Energy ang isyu ng overpricing dahil matagal nang sinasabi ito ng grupo, bago pa man naglabas si Recto ng sariling komputasyon.

Mismong si Pangulong Arroyo, ayon sa grupo, inudyok ang mga kompanya ng langis noong 2007 na ibaba ang presyo ng mga produktong petrolyo para masalamin ang tunay na presyo nito sa pandaigdigang merkado.

Dagdag ng Bayan, sapat na ang tuluy-tuloy na overpricing para ibasura ng mga mambabatas ang Republic Act 8479 o Oil Deregulation Law, na nagbibigay laya sa mga kompanya ng langis na magtaas ng presyo.

“Dapat ipatupad ang bagong mga hakbang para mabantayan ng gobyerno ang presyo ng langis at maprotektahan ang mga konsyumer mula sa di-makatuwirang mga pagtaas ng presyo,” sabi ng grupo.

Ibinatay ng Bayan ang kanilang komputasyon sa monthly average ng presyo ng krudo sa Dubai, kung saan kumukuha ng langis ang mga kompanya sa bansa, at sa foreign exchange rate mula Enero hanggang Hunyo 16. Kinumpara ang resulta sa aktuwal na presyo ng langis noong Hunyo 1 hanggang 16.

Para sa komputasyon ng kita, nagbatay ang grupo sa benta ng mga produktong petrolyo noong nakaraang taon, na umabot sa 277 libong bariles kada araw, at actual market share ng bawat kompanya sa unang kalahati ng 2008.