Migrante

SONA ng Pangulo binatikos ng OFW


Binatikos ng mga OFW (overseas Filipino workers) ang ginawang pagtatanggol ni Pangulong Arroyo sa madalas niyang pagbiyahe sa labas ng bansa sa katatapos lang na Sona (State of the Nation Address). Sinabi ng pangulo na madalas siyang bumiyahe para bisithin at pakinggan ang mga problema ng mga migranteng Pilipino at kausapin ang mga gobyerno ng […]

Binatikos ng mga OFW (overseas Filipino workers) ang ginawang pagtatanggol ni Pangulong Arroyo sa madalas niyang pagbiyahe sa labas ng bansa sa katatapos lang na Sona (State of the Nation Address).

Sinabi ng pangulo na madalas siyang bumiyahe para bisithin at pakinggan ang mga problema ng mga migranteng Pilipino at kausapin ang mga gobyerno ng mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan.

Idinagdag pa ni Pangulong Arroyo na naghahanap din siya ng oportunidad para sa daanlibong Pilipino na walang makitang trabaho sa loob ng bansa.

Subalit ayon sa Migrante International, hawak ng kasalukuyang administrasyon ang walang kaparis na eksploytasyon at pang-aabuso sa mga OFW, kabilang na ang mga napugutan ng ulo sa ilalim ng kanyang panunungkulan.

“Nasiraan ng bait ang anak na babae ni Rey Cortez dahil sa trauma sanhi ng pagkapugot ng ulo ng kanyang ama noong Hulyo 13, 2007. Malinaw na tinalikuran ng administrasyong Arroyo ang pamilya ni Rey para makaangkop sa trahedya. Kung narinig lamang nila ang Sona ng pangulo, baka galit na boses ng mga OFW ang nangibabaw sa Batasang Pambansa sa halip na palakpak,” sabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante.

Anim na OFW ang napugutan ng ulo nula nang manungkulan si Pangulong Arroyo na kinabibilangan nina Jenifer Beduya, Miguel Fernandez, Wilfredo Bautista, Antonio Alvesa, Sergio Aldana at Rey Cortez.

“Malamang na bumangon sa hukay ang mga napugutang OFW nang sabihin ni Pangulong Arroyo na ang bilyun-bilyong pisong ginastos niya sa maluhong biyahe ay ginawa para sa kanila. Ang tanong ay ilan pa kaya ang mapupugutan ng ulo sa natitira pang biyahe ng pangulo?” ani Martinez.

Sinisi pa ni Martinez ang pagtalaga kay Unang Ginoo Mike Arroyo bilang Presidential Adviser for OFWs noong 2001 bilang mayor na dahilan kung bakit bigo ang gobyerno na sagipin ang buhay ng mga OFW na nasa death row. Iginiit niya pa na sa panahon ni Mike Arroyo ipinatupad ang paghahanap ng pondo bilang “blood money” sa halip na bigyan ng legal na tulong ang mga OFW na nasa bingit ng kamatayan.

Pinaalalahanan pa ng Migrante si Pangulong Arroyo na tatlo sa kanyang kapwa Kapampangan ang nasa death row ngayon sa Jeddah, Saudi Arabia. Matatandaang nahatulan ng kamatayan sina Edison and Rolando Gonzales at Eduardo Arcilla dahil sa kasong pagpatay.

Idinagdag ng grupo na lalong lumala ang kalagayan ng mga OFW sa siyam na taong panunungkulan ni Pangulong Arroyo lalo na ang mga migranteng kababaihan.

“Ang tanging iiwan ni Pangulong Arroyo sa mga OFW ay ang walang kahihiyang pandarambong sa pondo ng mga Overseas Workers Welfare Administration na ginamit sa pandaraya niya noong eleksiyong 2004,” sabi pa ni Martinez.