Gloria, gumastos ng halos P1-M sa isang kainan sa New York – ulat
Habang naghihirap ang mga Pilipino sa krisis sa ekonomiya at habang nagluluksa ang bansa sa pagkamatay ni dating pangulong Corazon Aquino, nabalita sa midya sa US ang grandiyosong kainan at inuman ni Pang. Arroyo at mga kasamahan niya sa isang mamahaling restawran sa New York noong bumisita ito sa naturang bansa. Iniulat ng New York […]

Habang naghihirap ang mga Pilipino sa krisis sa ekonomiya at habang nagluluksa ang bansa sa pagkamatay ni dating pangulong Corazon Aquino, nabalita sa midya sa US ang grandiyosong kainan at inuman ni Pang. Arroyo at mga kasamahan niya sa isang mamahaling restawran sa New York noong bumisita ito sa naturang bansa.
Iniulat ng New York Post sa isyu nito noong Huwebes, Agosto 7, ang pagpunta ni Arroyo at mga kasamahan niya sa mamahaling restawran na Le Cirque sa New York “noong nakaraang araw” bago ang paglabas ng naturang isyu ng pahayagan.
Sinabi sa ulat na nag-order ang Pangulo ng maraming mamahaling wine. Umabot umano sa US$20,000 ang tab na binayaran ni Arroyo. Kung kokompiyutin sa piso, aabot ng isang milyon ang ginastos ni Arroyo sa pagkaing iyon sa Le Cirque.

Lumalabas na maging ang pahayagan ay naiskandalo sa naturang balita. “The economic downturn hasn’t persuaded everyone to pinch pennies. Philippines President Arroyo was at Le Cirque the other night with a large entourage enjoying the good life even though the former comptroller of her country’s armed serv ices, Carlos Garcia, was found guilty earlier this year of per jury and two of his sons were arrested in the US on bulk cash-smuggling charges,” ayon sa naturang artikulo ng New York Post.
Ayon sa website nito, ang restawrang Le Cirque ang isa sa pinakabago at pinakagrandiyosong restawran sa siyudad ng New York. May malawak na koleksiyon ito ng mahigit 2,000 mamahaling mga wine.
Ang pinakamahal dito, ayon sa naturang website, ang 1900 Chateau d’Yquem na nagkakahalagang $12,000 o humigit-kumulang P576,000.