Maluhong hapunan ni GMA, binatikos ng OFW
Insulto para sa mga OFW (overseas Filipino workers) ang maluhong hapunan ng delegasyon ni Pangulong Arroyo sa isang restawran sa New York, ayon sa United Filipinos in Hong Kong o Unifil-Migrante-Hong Kong. “Gumagastos ng milyun-milyon, o kahit bilyon pa ang gobyernong ito para sa mga biyahe ni Gloria Macapagal-Arroyo pero hindi sa mga OFW na […]
Insulto para sa mga OFW (overseas Filipino workers) ang maluhong hapunan ng delegasyon ni Pangulong Arroyo sa isang restawran sa New York, ayon sa United Filipinos in Hong Kong o Unifil-Migrante-Hong Kong.
“Gumagastos ng milyun-milyon, o kahit bilyon pa ang gobyernong ito para sa mga biyahe ni Gloria Macapagal-Arroyo pero hindi sa mga OFW na nangangailangan ng tulong,” sabi ni Eman Villanueva, ang pangkalahatang kalihim ng grupo.
Ito ang reaksiyon ng Unifil-HK sa napaulat na P1milyong binayaran ng delegasyon ng pangulo para sa isang hapunan nang bumisita ito sa US.
“Ang gobyernong ito ay naghihintay pa na malagay kaming mga OFW sa bingit ng kamatayan bago ilagay sa adyenda sa kanyang mga biyahe. Matinding kampanya ang aming ginagawa para lang umaksiyon ang gobyerno. Pero pagdating sa pagwawaldas, hindi man lamang nagdadalawang-isip si GMA,” ani Villanueva.
Tinawag pang “tanda ng kawalanghiyaan” ni Villanueva ang naturang hapunan.
“Kapag humihingi kami ng tulong, laging sinasabi na walang pera. Napakahigpit rin ng pagtangan sa pondo ng OWWA pagdating sa kongkretong programa para sa mga OFW. Pero ‘pag si GMA ang nangailangan, nakahanda agad ang pera,” sabi pa ni Villanueva.
Ibinunyag ni Villanueva na maluho ring bumiyahe si GMA sa Hong Kong sa nakaraang panahon. Kabilang dito ang maluhong paggastos ni GMA noong Hunyo, nang tumuloy ang pangulo kasama ng Unang Ginoo at mga alyadong kongesista kasama pa ang kanilang mga asawa sa Island Shangri-La Hotel.
“Noong Marso 2008, sa panahon ng krisis sa bigas, nagpunta rin si GMA sa Hong Kong. Gumastos siya nang halos P2-M, kabilang na ang pagptigil niya sa Grand Hyatt Hotel na ginastusan ng halos isang milyon.
Binatikos din ni Villanueva ang depensa ng Malakanyang na si Rep. Martin Romualdez ang nagbayad sa maluhong hapunan sa New York. Ipinakikita lamang umano nito na lumaganap ang kawalang-pakialam sa lumalalang kalagayang pang-ekonomiya ng mga mamamayan.
Nanawagan si Villanueva na dapat na masusing imbestigahan ang naturang paggastos gayundin ang naunang mga biyahe ni Pangulong Arroyo. “Isa lamang ito sa maraming kasalanan ni GMA na dapat niyang panagutan sa sambayanang Pilipino,” aniya pa.