Sa likod ng nababalahong usapang pangkapayapaan
Nanganganib ang muling di pag-usad ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines. Alam na ng marami ang dahilan kung bakit: hindi interesado si Pangulong Arroyo sa pangmatagalang kapayapaan.

Dalawang buwan lamang ang nakakaraan, optimistiko ang negotiating panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Government of the Republic of the Philippines (GRP) sa panunumbalik ng pormal na usapang pangkapayapaan. Nanabik ang marami sa inaakalang pag-usad, sa wakas, ng usapan sa pagitan ng mga rebeldeng komunista at ng gobyerno na nabalaho simula pa noong 2004.
Pero nitong Agosto 22, anim na araw bago ang nakatakdang pag-uusap, inihayag ni Jose Maria Sison, chief political consultant ng NDFP, na ginagawang “mahirap” o “imposible” ng GRP ang panunumbalik ng usapang pangkapayapaan. Nilabag umano ng gobyerno ang napagkasunduan noong Hunyo 15 hinggil sa paggarantiya ng seguridad at kaligtasan ng mga konsultant ng NDFP.
Dahil dito, ani Sison, hindi magaganap ang pormal na usapang pangkapayapaan sa Agosto “at posibleng kahit sa nalalabing mga buwan ng gobyernong Arroyo.” Indikasyon ito na naging malaki at seryosong balakid, para sa NDFP, ang kawalang sinseridad ng gobyerno na noon pa ma’y masisilip na. (Basahin ang Mula sa gobyernong ‘gusto ng kapayapaan,’ senyales na di nagtutugma)

Malayo sa sinasabi ng NDFP, sinasabi naman ng GRP na “minamaliit” ng NDFP ang kanilang “confidence-building measures.” Tinukoy ni Hen. Avelino Razon, Presidential Adviser on the Peace Process, ang pagtanggal sa suspensiyon ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig) noong Hulyo 17 at pagpapalaya sa mga konsultant ng NDFP na sina Randall Echanis at Elizabeth Principe.
Sinabi rin kamakailan ni Razon na hindi maaaring “baliktarin ang sistema ng hustisya” ng gobyernong Arroyo sa pagpapalaya sa 14 na konsultant na hinihiling umano ng NDFP.
Pero wala sa pahayag ng NDFP o ni Sison na hinihiling nitong palayain ang 14 na konsultant. Ayon sa impormasyong natanggap ng Pinoy Weekly, hiniling lamang ng NDFP na pisikal na makadalo sa usapang pangkapayapaan ang apat na mga konsultant na sina Echanis, Principe, Rafael Baylosis, at Vicente Ladlad. Samantala, unti-unting reresolbahin ng GRP ang mga kaso sa korte ng iba pang mga konsulant na nakakulong. Pero hindi kailangang palayain bago magsimula ang pormal na pag-uusap.
Labag sa Jasig
Para kay Marissa Dumanjug-Palo, tagapangulo ng secretariat ng NDFP-Nominated Section ng Human Rights Joint Monitoring Committee (JMC), pangambang tila nagkakatotoo ang pagkabalaho ng usapang pangkapayapaan. “Isasandal at isasandal nila sa pader ang NDFP hanggang sa mapilitan ang mga ito na ikansela ang usapan. Pagkatapos, kahit sila ang totoong may-sala, gobyerno pa ang magmumukhang bida,” sabi ni Palo sa panayam ng Pinoy Weekly.
May dahilan si Palo na madismaya. Itinayo kapwa ng NDFP at GRP ang JMC noong 2004 para mamonitor at masolusyunan ang mga paglabag sa karapatang pantao. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin lubusang gumagana ang komite. Pagkakataon na sana ang panunumbalik ng usapang pangkapayapaan para paganahin ang JMC, at talakayin ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser). (Basahin ang Di paggana ng JMC, di pagkilala sa karapatang pantao)
Pero pawang mga ilusyon ang “confidence-building measures” na ipinatutupad ng gobyerno, ayon kay Luis Jalandoni, tagapangulo ng NDFP negotiating panel noong Agosto 20, sa una nitong matapang na pahayag simula nang magkasundo ng GRP noong Hunyo 15.
Halimbawa nito ang pagbibigay ng safe conduct passes sa dalawang konsultant ng NDFP na sina Baylosis at Ladlad. Si Baylosis ay pangalawang tagapangulo ng Anakpawis Party-list at political consultant ng NDFP. Si Ladlad ay direktor ng Bayan Muna Party-list at miyembro ng Reciprocal Working Committee para sa Caser. May warrant of arrest laban kina Baylosis at Ladlad, na kabilang sa mga kinasuhan ng gobyerno kaugnay ng diumano’y mass graves na natagpuan sa Leyte.
Napagkasunduan ng NDFP at GRP na dapat i-quash o tanggalin ng korte ang warrant of arrest laban sa dalawa para mahayaan ang mga ito na makadalo sa usapang pangkapayapaan, kasama sina Echanis at Principe.
Pero sa halip, safe conduct passes ang ibinigay ng gobyerno kina Baylosis at Ladlad. Labag ito sa Jasig, ayon sa kanilang mga abogado at sa NDFP. Umano’y hindi nito masiguro ang kanilang kaligtasan, kundi tila isang “death warrant.”
Ayon sa impormasyong natanggap ng Pinoy Weekly, ang nasabing safe conduct passes na ipinapakalat sa mga awtoridad ay may litrato nina Baylosis at Ladlad at nagsasabing sila ay nakatataas na mga opisyal ng Communist Party of the Philippines. Ito umano ang “incriminating” o nakakapahamak na tekstong tinutukoy ng NDFP.
Malaki ang pagkakaiba ng safe conduct passes sa pinagkasunduan ng GRP at NDFP na utos mula sa korte. Walang paghuhusga ang huli sa kasong kanilang kinasasangkutan, at puwersado ang mga awtoridad na kilalanin ito. Sa kabilang banda, may paghuhusga ang una kina Baylosis at Ladlad kahit hindi pa napapatunayan sa korte. Posible rin itong hindi kilalanin ng mga awtoridad o bawiin anumang oras.