Sobrang paggastos ni GMA sa biyahe, kinondena ng migrante
Mariing kinondena ng mga OFW (overseas Filipino workers) ang sobrang paggastos ni Pangulong sa ginawa nitong mga pagbiyahe sa labas ng bansa, at maaari umanong nagamit na lang sana sa mga OFW na nangangailangan ng tulong. Nauna nang napaulat na umabot sa P2.7 bilyon ang ginastos ng pangulo sa kanyang mga biyahe mula noong 2001. […]
Mariing kinondena ng mga OFW (overseas Filipino workers) ang sobrang paggastos ni Pangulong sa ginawa nitong mga pagbiyahe sa labas ng bansa, at maaari umanong nagamit na lang sana sa mga OFW na nangangailangan ng tulong.
Nauna nang napaulat na umabot sa P2.7 bilyon ang ginastos ng pangulo sa kanyang mga biyahe mula noong 2001. Sobra ito ng P1.6-B sa nakalaang badyet na P1.1-B.
Ayon sa Migrante – Aotearoa New Zealand, tinitipid ng mga OFW ang bawat dolyar para may maipadala sa kanilang pamilya. “Kaya nakagagalit na walang habas na bumibiyahe at maluhong naghahapunan si Arroyo,” sabi ng grupo.
Pinalalala ng korapsiyon ni Arroyo ang miserableng kalagayan ng mamamayan kabilang na ang mga OFW na natanggal sa trabaho sa New Zealand, na ngayon ay namamalimos ng pagkain sa mga institusyon, dagdag ng Migrante – Aotearoa.
“Hindi tama na ang isang hapunan para kay Arroyo at kanyang mga kasama ay umaabot sa isang milyon habang laging kulang ang pinansiyal na tulong sa mga OFW,” ayon kay Dennis Maga, tagapag-ugnay ng grupo.
Pinatunayan lamang umano ng maluhong paggastos na karapat-dapat lang mapabilang si Pangulong Arroyo sa mga pinakakorap na lider sa buong mundo.
“Para sa kaalaman ni Arroyo, kapag korapsiyon ang pinag-usapan sa media sa New Zealand, laging nababanggit ang Pilipinas dahil sa kanyang rekord ng korapsiyon,” ayon pa kay Maga.
Samantala, binatikos naman ng Migrante – Middle East si Ispiker Prospero Nograles sa palusot nitong “fly now-pay later.” Naunang sinabi ni Nograles na baka may kasunduan na babayaran ng mga kongresista ang kanilang naggastos sa biyahe sa US pagbalik sa Pilipinas.
“Napakaistupido ng palusot na ito, na kahit ang mga rekruter na nagpapadala ng OFW ay hindi kakagat at sasang-ayon dito, ayon kay John Leonard Monterona, tagapag-ugnay ng Migrante-ME.
“Huli na, papalusot pa!” dagdag niya pa.
Tinawag pa niya itong desperadong palusot ni Nograles para mapagtakpan ang maluhong hapunan ni Pangulong Arroyo at kanyang delegasyon sa US.
“Ang akala namin, ang “fly now-pay later” ay sa pagitan lamang ng mga rekruter at OFW. Nagulat kami na puwede rin pala ito sa pagitan ng isang korap na pangulo at oportunistang mga kongresista,” sabi pa ni Monterona.