Husgahan Natin

Depekto sa notice of strike

Kilala halos ng lahat ang Club Filipino. Dito pormal na idineklara ni  Cory Aquino ang kanyang kandidatura laban kay Ferdinand Marcos noong panahon ng diktadura. Ngunit  alam ba ninyo na mga ilang taon na ang nakaraan ay nagwelga ang mga manggagawa ng Club Filipino? Ang kasong  “Club Filipino, Inc. vs. Benjamin Bautista , et. al. […]

Kilala halos ng lahat ang Club Filipino. Dito pormal na idineklara ni  Cory Aquino ang kanyang kandidatura laban kay Ferdinand Marcos noong panahon ng diktadura. Ngunit  alam ba ninyo na mga ilang taon na ang nakaraan ay nagwelga ang mga manggagawa ng Club Filipino? Ang kasong  “Club Filipino, Inc. vs. Benjamin Bautista , et. al. ” ( GR No.  168406 ) na dinisisyunan ng Korte Suprema nito lamang Hulyo 13, 2009  ay  mapaghalawan natin ng aral pagdating sa mga rekisitos  ng welga.

May collective bargaining agreement (CBA) ang manedsment at ang union ng  mga manggagawa ng nasabing  kompanya.  Nang magtatapos na ang  nasabing CBA, humingi ng pakikipag-usap ang unyon sa manedsment upang matalakay ang bagay na ito. Hindi natuloy  ang nasabing pag-uusap dahil maraming ginagawa ang mga tao ng manedsment.  Dahil dito, pormal na nagbigay ng CBA proposal ang unyon sa manedsment at ilang beses na humingi sa huli na simulan na ang negosasyon. Wala pa ring natuloy na negosasyon dahil sa ibat-ibang dahilan ng manedsment.

Humingi ng “preventive  mediation” ang  unyon sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB).  Minsan lang humarap ang manedsment at nauwi sa pagtatalo ang usapan. Nagdeklara ng “deadlock”  sa pag-uusap ang bawat panig. Sinundan ito ng paghain ng  “notice of strike”  (NOS)  ng unyon.

Naalarma  sa  NOS ang manedsment  at napilitang magbigay ng tugon sa CBA proposal ng unyon. Gayun pa man, tinuloy ng unyon ang pagsagawa ng “strike vote” at mayorya ang pumayag sa welga. Pagkaraan nang maikling panahon, pinutok ng unyon ang welga.

Agad namang nagsampa ang manedsment ng kasong “illegal strike” sa  tanggapan ng Labor Arbiter laban sa mga sumama sa welga.  Ayon sa manedsment, mali ang “notice of strike” na inihain ng unyon dahil wala itong kalakip na  mga counter-proposal ng management.  Kaya hiniling ng manedsment  sa Labor Arbiter na ideklarang ilegal ang welga at tanggalin ang  lahat ng manggagawang sumali dito.

Pinaniwalaan ng Labor Arbiter  ang manedsment at sinabing ilegal ang welga ng mga manggagawa  dahil depektibo ang kanilang NOS. Nag-apela ang mga manggagawa sa National Labor Relations Commission (NLRC) pero ganun pa rin ang desisyon.  Ini-akyat ng mga manggagawa sa Court of Appeals ang kaso at pinanalo naman sila ng nasabing korte. Sinabi ng Court of Appeals na legal ang kanilang welga. Ang manedsment naman ang  pumunta sa Korte Suprema at humiling na baguhin  ang hatol  ng Court of Appeals.

Hindi labag sa batas ang welga ng mga manggagawa, paglilinaw ng Korte Suprema.

Isa sa mga rekisitos para makapagsagawa ng welga ang paghahain ng NOS. Ayon sa Implementing Rules, kung ang welga ay batay sa “bargaining deadlock”, kailangang   ang NOS ay magbabanggit kung anong  mga isyu ang hindi napagkasunduan at kung ano ang mga panukala ng unyon at mga panukala ng manedsment . Kailangan ding ilakip sa NOS ang anumang patunay na humingi ng pag-uusap o kumperensya ang unyon. Kapag nakaligtaang  isama ang mga ito sa  NOS, mali  ang nasabing NOS at  ituturing   itong hindi  naihain.

Totoong walang nakalakip  na counter-proposal ng management sa NOS na inihain ng unyon, sabi  ng  Korte Suprema. Subalit nang ihain ng unyon ang nasabing NOS, hindi pa nabibigay ng manedsment ang  kanyang counter–proposal.  Binigay na lamang ng manedsment ito matapos maihain ng unyon ang nasabing N OS  Kaya hindi natin masisisi ang unyon kung hindi nito nabanggit sa kanyang NOS ang nasabing counter-proposal. Paano  mailalakip ng unyon  sa  kanyang  NOS ang isang bagay na hindi pa nito hawak ?

Samakatuwid,  hindi dapat ituring na depektibo ang NOS na inihain ng unyon, paliwanag ng Korte Suprema. Dahil walang depekto ang nasabing NOS, wala ring depekto ang isinagawa ng mga manggagawa na welga. Legal ang isinagawa nilang welga at hindi dapat baguhin ang hatol ng Court of Appeals.

Kaya mga kasama, kung maghahain tayo ng NOS para sa ating mga unyon, busisiing mabuti ang ating NOS. Nababanggit ba rito ang mga isyung hindi natin pinagkasunduan ng manedsment?  Naisama rin ba natin dito ang mga panukala natin sa CBA? Naisama rin ba dito ang kasagutan ng manedsment? May kalakip na itong patawag sa hearing o conference?

Dapat  tayong  maging  maingat sa mga  bagay na ito para  maiwasang ma-teknikal ng manedsment.