Karapatan laban sa paniniktik
Alam ba ninyo ang tinatawag na “profiling”? Isa itong counter-terrorism exercise na ginagawa ng mga pulis at sundalo para kilalanin at mapagtuunan ng pansin ang mga personaheng posibleng maging banta sa lipunan. Halimbawa, sa isang mall ay titingnan nila ang mga pumapasok. Babantayan nila ang mga tao na rugged ang damit, mailap ang mga mata, […]
Alam ba ninyo ang tinatawag na “profiling”? Isa itong counter-terrorism exercise na ginagawa ng mga pulis at sundalo para kilalanin at mapagtuunan ng pansin ang mga personaheng posibleng maging banta sa lipunan. Halimbawa, sa isang mall ay titingnan nila ang mga pumapasok. Babantayan nila ang mga tao na rugged ang damit, mailap ang mga mata, may tattoo, at mukhang hindi gagawa ng kanais-nais. Kung may makikita silang may ganitong mga katangian, malamang ang taong ito ay hold-upper o shoplifter na dapat nilang manmanan.
Ngunit hindi lamang sa mga pumapasok sa shopping mall nila ginagamit ang profiling. Maging sa hanay ng mga negosyante, kritiko ng pamahalaan, propesyunal, abogado, guro, manunulat at lider ng makabayang mga organisasyon ay ginagawa nila ito.
Halimbawa, isa kang manunulat. Sa iyong mga sinusulat ay lagi mong binabatikos ang mga katiwalian ng gobyerno at kinakampihan ang maliliit na tao tulad ng mga magsasaka at manggagawa. Lagi kang sumasama sa rally at nakikisalamuha sa mga kasapi ng mga progresibong organisasyon. Nagsasalita ka sa pampublikong pagpupulong tungkol sa kabulukan ng gobyerno.
Bingo! Malamang ay isa kang komunista o terorista. At upang makompirma ito, dapat kang isasailalim ng mga ahente ng gobyerno sa “surveillance operation” o masusing paniniktik.
Ito ang nangyari kay Prop. Bienvenido Lumbera – Pambansang Alagad ng Sining at propesor sa kolehiyo – noong nakaraang buwan. Naging isyu ang pagmamanman sa kanya nang mahuli ang isang navy personnel na naniniktik sa kanyang bahay. Lalong uminit ang isyu nang isa pang propesor at kilalang manunulat, si Jun Cruz Reyes, ay lumabas na rin para ibunyag ang paniniktik sa kanya ng militar.
May karapatan nga ba ang militar at kapulisan na magsagawa ng ganitong paniniktik? Hindi ba bahagi lamang ito ng kanilang tungkulin para pangalagaan ang pambansang seguridad?
Dito na papasok, mga mambabasa, ang tinatawag nating “right to privacy”. Sa Saligang Batas ng Pilipinas, ang mamamayan ay may karapatan laban sa paniniktik ng gobyerno. Ang nasabing karapatan – dahil sa ginagarantiyahan ng Saligang Batas – ay dapat kilalanin at sundin ng lahat, lalo na ng mga ahente ng pamahalaan.
Sa Art. III, Sek. 3 (1) ng ating Saligang Batas, binabanggit na hindi dapat labagin ang pagiging lihim ng komunikasyon at korespondensya maliban lamang kung utos ng husgado o pinapayagan ng batas. Sa Art. III, Sek. 2 naman ay nakasaad na hindi dapat labagin ng karapatan ng taumbayan na magkaroon ng kaseguruhan sa kanilang sarili, pamamahay, papeles at mga bagay laban sa hindi makatuwirang panghahalughog. Ibig sabihin nito, walang karapatang kumuha ng ating mga litrato ang militar at kapulisan kung wala tayong pahintulot. Hindi nila maaring kunan ng bidyo ang ating ginagawa. Hindi rin nila pwedeng i-record ang ating sinasabi o basahin ang ating mga liham ng walang kaukulang permiso. Ang lahat ng ito ay paglabag sa ating right to privacy at ipinagbabawal ng nabanggit na mga probisyon sa ating Konstitusyon.
Ngunit hindi lamang ang ating Saligang Batas ang kanilang nilalabag. Nilalabag din nila ang Art. 12 ng UN Declaration of Human Rights na ito ang sinasabi “No one shall be subject to arbitrary interference with respect to his privacy, home, or correspondence, nor to attacks upon his honor and reputation.”
Ang karapatan laban sa paniniktik ay mahalaga upang makamtan natin ang ating dignidad bilang tao. Kailangan ito ng lahat ng mamamayan upang matiyak ang maayos at mapayapang buhay sa ilalim ng isang malayang lipunan. Hindi malaya ang lipunang lumalabag sa karapatang ito.