Kabataan

‘Gobyerno, usad-pagong sa pagkilala sa karapatan, kagalingan ng bata’


Idinaan ng mga bata mula sa iba’t ibang komunidad ng Kamaynilaan at mga batang Manobo sa pagpapalipad ng saranggola ang paggunita sa anibersaryo ng ika-25 taong deklarasyon ng United Nations Convention on the Rights of the  Child (UNCRC). Inilagay ng mga bata ang kanilang kahilingan sa bawat saranggola at sabay-sabay na pinalipad. Ayon sa mga […]

Macky Macaspac
Magkakakasamang nagpalipad ng saranggola ang mga batang Manobo at mga batang mula sa maralitang mga komunidad ng Metro Manila. Panawagan nila ang matugunan ng gobyerno ang kahilingang sapat na pagkain, edukasyon at iba pa.  Macky Macaspac

Idinaan ng mga bata mula sa iba’t ibang komunidad ng Kamaynilaan at mga batang Manobo sa pagpapalipad ng saranggola ang paggunita sa anibersaryo ng ika-25 taong deklarasyon ng United Nations Convention on the Rights of the  Child (UNCRC).

Inilagay ng mga bata ang kanilang kahilingan sa bawat saranggola at sabay-sabay na pinalipad. Ayon sa mga organisador ng aktibidad, sa pamamagitan nito’y naihahayag ng mga bata ang kanilang tunay na saloobin, kahit man lang sa pagpapalipad ng saranggola.

Ayon sa Salinlahi Alliance for Children’s Concerns,  malaki pa ang bubunuin ng gobyerno ng Pilipinas para sa proteksiyon at karapatan ng mga batang Pilipino.

“Lubog pa rin sa kahirapan ang maraming bata. Nakakaranas pa rin sila gutom at salat pa rin sila sa serbisyo-sosyal,” sabi ni Madella Santiago, tagapangulo ng Salinlahi at tagapagsalita rin ng Save our Schools Network.

Ayon sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations (SWS), tinatayang aabot sa 12 milyong pamilya  ang itinuturing ang sarili na mahirap, samantalang 5.5 milyong bata ang napipilitang magtrabaho na karamiha’y delikado at mapanganib na mga kalagayan.

Sinabi din ng Salinlahi na malaking bilang ng mga bata ang hindi nakapag-aaral at libu-libo ang biktima ng sapilitang paglikas dulot ng matinding militarisasyon lalo na sa mga kanayunan.

“Napakahirap ng buhay sa aming komunidad. Madalas kamote, balinghoy o mais ang pagkain namin doon. Kaya maraming bata ang nagkakasakit,” sabi ni Divina, 17, Manobo mula sa Talaingod Davao del Norte.

Sinabi pa niya na salat sa serbisyong kalusugan ang kanilang lugar na malayo sa kabishanan.  Bunga raw nito, marami sa mga bata’y nakakaranas ng malnutrisyon at ang ilan din ang namamatay sa simpleng mga sakit lang.

Natunghayan ng mga delegado ng isang Fact Finding Mission sa Talaingod, Davao del Norte noong  Mayo 2014 ang dalawang bata na namatay matapos silang makabalik sa komunidad mula sa saplititang paglikas.

Isinulat ng isang batang Manobo sa saranggola ang kanyang hiling-kapayapaan sa kanilang komunidad.  Macky Macaspac
Isinulat ng isang batang Manobo sa saranggola ang kanyang hiling-kapayapaan sa kanilang komunidad.  Macky Macaspac

Maliban sa kahirapan at gutom, idinadaing din ng mga bata mula sa mga maralitang komunidad at mga batang Manobo ang kawalan ng sapat, maayos at de-kalidad na edukasyon.

Sinabi ni Ronald, 15 , na masuwerte na sana silang mga batang Manobo dahil nakakapag-aral pa sila nang libre sa ekuwelahang itinayo ng Rural Missionary of the Philippines.

Pero sa maraming pagkakataon, ginagawa namang kampo ito ng mga militar.

“Natatakot kami, dahil laging nagpapaputok ng baril ang mga sundalo sa likod ng aming paaralan. Hindi rin kami makapag-concentrate dahil lagi silang pumupunta sa aming klasrum at pinatatawag ang aming guro,” aniya.

Kapwa mag-aaral ng Salugpongan Ta tanu Igkanogon Community Learning Center (STTICLC) sina Ronald at Divina.

Ayon sa  Salinlahi, kabilang ang STTICLC sa mahigit 214 eskuwelahan ng mga Lumad sa Mindanao na inaatake ng mga militar at ginagawang kampo, habang hinaharas ang mga estudyante at guro.

“Bigo ang gobyerno na bigyang katuparan ang karapatan at kagalingan ng mga batang Pilipino,” ani Santiago.