Sama-samang nag-alay ng panalangin at humingi ng katarungan para sa mga biktima ng Ampatuan Massacre ang mga Muslim kasama ang grupong Migrante sa Brgy. Culiat, Quezon City. Mariin nilang kinondena ang anila'y makahayop na pagpatay sa kanilang mga kapatid na Moro, maging sa mga Kristiyano na naging biktima sa tinaguriang pinakamatinding kaso ng karahasan kaugnay ng halalan sa bansa. Nananawagan sila ng pagdidisarma sa mga grupong para-militar at pagtigil ng militarisasyon sa Mindanao. (Angelica Carballo)
"Hindi tayo mapapagod na manawagan sa mga kinauukulan na lalo pang pangalagaan at itanghal ang kapakanan at mga karapatan nating mga alagad ng komunikasyon at midya para sa walang maliw na pakikipaglaban at pagtaguyod sa kapakanan ng sambayanan,” ayon sa pahayag ng UP College of Mass Communication.
Sa isang sitwasyong patuloy na pinapaslang ang mga peryodista at manggagawa sa midya at kinokompromiso ang kalayaan sa pamamahayag, ano pa ba ang puwedeng gawin ng mga ordinaryong taong katulad natin para mabago ang kasalukuyang kalakaran?