May mahigit 300 katao, kabilang ang kamag-anak ng mga biktima, ang bumalik sa pinangyarihan ng karumal-dumal na masaker sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao, dalawang buwan makalipas ang krimen noong Nobyembre 23. Pinangunahan ang aktibidad ng Kalinaw Mindanao na nagsagawa ng National Interfaith Mission for Peace and Justice in Maguindanao. (Ilang-Ilang Quijano) Para sa maraming kaanak ng mga biktima, iyon lamang ang pangalawang beses na sila'y nakabalik sa pinangyarihan ng masaker. Ang una ay nang hinukay ang mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay, sa mass grave na ito ng 57 indibidwal. (Ilang-Ilang Quijano)Nagbigay ng mensahe ang ilan sa kamag-anak ng mga biktima. Kabilang dito si Prof. Marino Ridao, ama ni Anthony Ridao na drayber ng isang sasakyang nakasunod lamang sa inambus na konboy ng midya at mga Mangudadatu. Ayon kay Prof. Ridao, "If justice would be served, the life of my son and the others who died here would not have been in vain." Katabi niya si Fr. Dionito Cabillas ng grupong Karapatan. (Ilang-Ilang Quijano)Napaluha ang ilan sa mga kaanak, gaya ni Monette Salaysay (kaliwa), asawa ni Napoleon Salaysay na station manager ng DZRO at isa sa 32 mamamahayag na pinaslang. Nakaakbay sa kanya si Amirah Ali Lidasan ng Kalinaw Mindanao; habang nagsasalita si Karen Araneta (kanan), asawa ni Henry Araneta, biktimang reporter ng DZRH. (Ilang-Ilang Quijano)Nakibahagi sa komemorasyon sina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, isang dating mamamahayag, at Gabriela Rep. Luz Ilagan. Kabilang sa mga pinaslang ang miyembro ng Gabriela na si Atty. Connie Brizuela. (Ilang-Ilang Quijano)Nagtirik ng kandila ang mga kaanak, gaya ng asawa ni Napoleon Salaysay na si Monette (kanan) at kapatid ni Atty. Connie Brizuela na si Eva (kaliwa). (Ilang-Ilang Quijano)Naglagay ng pananda (marker) sa hukay bilang simbolo ng patuloy na paghahanap ng hustisya. Sa kaliwa, naging emosyunal si Cathy Nunez, ina ng mamamahayag ng UNTv na si Victor Nunez. (Ilang-Ilang Quijano)Hawak ni Prof. Ridao ang isang puting lobo na may nakasulat na "Justice for victims of the Maguindanao massacre." Pagkatapos, pinakawalan ng mga kaanak ang 20 puting lobo para umano'y gumaan ang kanilang loob. (Ilang-Ilang Quijano) Iniwan din sa pinangyarihan ng masaker ang mga tarpaulin na may mga panawagan para sa hustisya. (Ilang-Ilang Quijano)Mga bulaklak na ikinalat at inialay para sa mga biktima ng masaker. (Ilang-Ilang Quijano)
"Hindi tayo mapapagod na manawagan sa mga kinauukulan na lalo pang pangalagaan at itanghal ang kapakanan at mga karapatan nating mga alagad ng komunikasyon at midya para sa walang maliw na pakikipaglaban at pagtaguyod sa kapakanan ng sambayanan,” ayon sa pahayag ng UP College of Mass Communication.
Sa isang sitwasyong patuloy na pinapaslang ang mga peryodista at manggagawa sa midya at kinokompromiso ang kalayaan sa pamamahayag, ano pa ba ang puwedeng gawin ng mga ordinaryong taong katulad natin para mabago ang kasalukuyang kalakaran?