Panata sa burol ng Sitio Masalay
Dalawang buwan makaraan ang masaker sa Ampatuan, bumalik sa pinangyarihan ng krimen ang kaanak ng mga biktima para maghilom at makipagkaisa sa iba pang mga naghahanap ng hustisya.

Sa berdeng mga burol ng Sitio Masalay, Brgy. Salman, asul ang langit at tuyo ang lupa. Mataas ang sikat ng araw, ngunit may marahang hangin na dumaan. Naghatid ito ng kaunting ginhawa sa mga kaanak ng mga biktima ng masaker, na sa kauna-unahang pagkakataon ay bumalik sa lugar kung saan naganap ang karumal-dumal na krimen, eksaktong dalawang buwan ang makaraan.
Sinamahan sila ng mahigit 300 katao na nagsagawa ng National Interfaith Mission for Peace and Justice in Maguindanao. Pinangunahan ito ng Kalinaw Mindanao, isang koalisyon ng mga grupong pangkarapatang pantao at Moro. Nang madatnan nila ang dalawang hukay, walang indikasyon na dito iniahon at itinambak ang mga bangkay na hindi halos mamukhaan.

Tanging ang kapirasong dilaw na police line na walang tikas na gumuguhit sa hangganan ng mas malaking hukay, at sa may paanan nito, isang lukot na bakal ng pulang Toyota Vios, ang nananatiling pisikal na palatandaan ng krimen. Ito na lamang ang natitirang palatandaan sa mga imaheng ngayo’y nakakalat sa buong mundo bilang testamento na rumurok na nga ang karahasa’t kawalan ng paggalang sa karapatang pantao sa bansa.
Sa lahat ng mga kaanak na naroroon, pinakamalakas ang pagtangis ni Maria Reynafe Castillo, anak ni Reynaldo Momay, isang mamamahayag ng Midland Review. Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang kanyang ama, bagaman halos tanggap na niyang patay na ito gaya ng iba pang kasama o nadamay sa konboy ng mga mamamahayag at Mangudadatu na tinambangan noong Nobyembre 23. “Nangangarap pa rin akong buhay siya, pero alam kong imposible na iyon,” aniya.
Kuwento ni Reynafe, dalawang beses siyang umasa na magpaparamdam ang kanyang ama, kung sakaling ito ay buhay pa—ito ay noong kaarawan nito noong Disyembre 15, at noong kaarawan ng kanyang ina noong Enero 18. Pero lumipas ang mga okasyong ito nang walang naririnig na balita.
Nagtirik siya ng kandila at namalagi sa isang bahagi ng mas malaking hukay, kung saan naniniwala siyang malalim na nakalibing ang kanyang ama, bagaman matagal nang itinigil ng mga awtoridad ang paghahanap. “Dumadaan pa ako sa proseso,” pag-amin niya. “Siguro darating din yung panahon na matatanggap ko rin ang sitwasyon.”

Samantala, sa mas maliit na hukay, kung saan natagpuan ang bangkay ni Atty. Concepcion “Connie” Brizuela, nagtirik din ng kandila ang kanyang kapatid na si Eva. Kinikilala ni Eva na pinakamatalik niyang kaibigan ang yumao niyang kapatid, na isa ring hinahangaang abogadong pangkarapatang pantao at aktibong miyembro ng grupong pangkababaihan na Gabriela. “Malambing siya at maaalalahanin. Nakikipag-usap at nakikinig siya talaga sa iyo, kaya malapit siya sa masa.”
Bahagya siyang naluha sa programa, kung saan nag-alay ng mga dasal at nagsalita siya at iba pang mga kaanak. Nagpasalamat siya sa mga sumama sa kanila sa lugar. “Kung wala kayo, hindi kami magkakaroon ng lakas ng loob na bumalik dito,” aniya sa pulutong na kinabibilangan ng mga taong-simbahan, human rights workers, mamamahayag, abogado, estudyante, at iba pa. Nandoon din para makiramay sina Gabriela Rep. Luz Ilagan at Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, isang dating mamamahayag at kilalang tagapagtaguyod ng karapatang pantao.

Mahinahon si Eva matapos ang programa, pag-alay ng mga kandila’t bulaklak, at pagpalipad ng puting mga lobo na may mga salitang “Hustisya para sa mga biktima ng Maguindanao Massacre.” Tila nabawasan ang bigat ng loob na kanyang dinala sa dalawang buwan mula nang mamatay ang kanyang kapatid. “Gusto ko sana siyang kausapin. ‘Yung langhap pa lang ng hangin dito, alam kong nariyan lang siya,” aniya.
Pero hindi kasing-kalmado ni Eva ang lahat ng mga kaanak. Umalingawngaw ang nagpupuyos na boses ni Myrna Reblando, asawa ni Alejandro “Bong” Reblando na mamamahayag ng Reuters at Manila Bulletin. Minura niya ang mga Ampatuan at ang “bulok na sistema ng gobyerno.” Aniya’y ang pagkasugapa sa kapangyarihan at pera ang dahilan kung bakit naulila ang kanyang mga anak. Sa kanyang paanan, nag-aapoy ang mga kandilang nakapaligid sa pulang mga bulaklak at kulumpon ng bato na nagsisilbing tanda ng lugar kung saan inilibing ang kanyang asawa.
Alamin ang kanyang sentimyento sa bidyo na ito:
Bahagi ng kanilang emsoyunal na paghilom ang pagbabalik ng mga kaanak sa pinangyarihan ng masaker noong araw na iyon, ayon kay Lovella de Castro, pangkalahatang kalihim ng grupong Karapatan, isa sa mga tagapagtipon ng Kalinaw Mindanao. Positibo rin umano na nagsisimula nang magkaisa ang mga kaanak, sumasapi o nagbubuo ng mga organisasyon na magiging daluyan ng paghahanap nila ng hustisya.

Inilunsad noong araw na iyon ang Justice Now!, organisasyon ng mga kaanak ng mga mamamahayag na biktima ng masaker. Kinabukasan, inilunsad naman ang Alliance Against Impunity in Mindanao o AIM, na magsisilbing tagapagbantay sa kaso laban sa Ampatuan at maniningil sa pananagutan ng gobyernong Arroyo sa krimen. Kalahok sa alyansang ito ang kaanak ng mga biktima ng masaker sa Ampatuan, kasama ang mga kaanak ng mga biktima ng iba pang ekstra-hudisyal na pamamaslang sa ilalim ng gobyernong Arroyo, na umaabot na sa 1,188.
“Sa ganitong paraan lamang sila makakapagpatuloy sa kanilang mga buhay,” sabi ni De Castro.
Maya-maya, isa-isa nang nilisan ng mga kaanak at delegado ng misyon ang dalawang hukay sa burol ng Sitio Masalay. Pero naiwan ang mga marka ng kanilang pananangis—mga kandilang sunog ang mitsa, pulang mga talulot ng rosas na nakakalat sa tuyong lupa, isang banderang nakatingala sa asul na langit at may panata’t mensahe para sa mga biktima: “Mahimlay kayo nang payapa, habang naghahanap kami ng hustisya” (You may rest in peace while we seek for justice). Marahan pa ring nagdaraan ang hangin.
Tingnan ang ilan pang litrato ng komemorasyon sa ika-2 buwan ng masaker sa Ampatuan