Silang natatagong biktima sa Ampatuan
Namamayagpag pa rin ang takot sa bayan ng Ampatuan. Kalunos-lunos ang kalagayan ng daan-daang bakwit, na tila pinabayaan ng gobyernong di rin naman masugpo ang pribadong hukbo ng mga Ampatuan.
Nagkumpulan silang parang mga langgam nang dumating ang trak na lulan ang saku-sakong relief goods. Bakas ang desperasyon sa kanilang mga mukha, habang naghihintay na maabutan ng isang supot na may tatlong kilo ng bigas at ilang piraso ng de-latang pagkain.
Kung tutuusin, eksena itong pangkaraniwan sa Maguindanao, kung saan libu-libong bakwit na naiipit sa sagupaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng Moro ang nagkakampo sa tila permanente nang mga evacuation center. Pero ang evacuation center na ito sa barangay hall ng Brgy. Salman, bayan ng Ampatuan, dalawang buwan pa lamang ang itinatagal. Dito nagbakwit ang mahigit 500 pamilyang Moro na nakatira malapit sa pinangyarihan ng karumal-dumal na masaker ng 57 katao.
Nagsilikas nang dahil sa takot
“Sana madagdagan pa ito. Kulang man ito sa amin,” sabi sa Pinoy Weekly ng 42-anyos na si Nanay Sittie (tumangging ibigay ang buong pangalan), habang hawak-hawak ang supot ng relief goods. Nakatira ang kanyang buong pamilya na bumibilang sa 14, kabilang ang mga apo, sa isang kubol na apat na metro kuwadrado lamang ang laki. Manipis na kahoy ang haligi at tela lamang ang dingding nito.
Noong Enero 23, isang National Interfaith Mission for Peace and Justice in Maguindanao ang inilunsad ng Kalinaw Mindanao, isang koalisyon ng mga grupong pangkarapatang pantao, taong-simbahan, abogado, at Moro. Inimbestigahan ng misyon ang kalagayan ng mga sibilyan sa Ampatuan, at nagbigay na rin ng pansamantalang tulong.
Natuklasan ng misyon na lumisan ang mga pamilya sa kani-kanilang mga tahanan noong tanghali mismo ng Nobyembre 23, sa balita ng masaker o sa aktuwal na pagiging saksi rito. Marami sa kanila ang nakarinig ng aktuwal na pamamaril. Nakakita pa ang ilan ng mga armadong kalalakihang hinihinalang mga kasapi ng pribadong hukbo ni Mayor Andal Ampatuan Jr., pangunahing suspek sa masaker.
Pero malinaw na atubili silang magsalita. Kadalasan, sinusuway sila ng kanilang mga kapamilya kapag nagsisimula na silang magbigay ng detalye hinggil sa insidente. Hindi rin sila tumutugon at iniiwas ang kanilang mga mata tuwing tinatanong hinggil sa mga Ampatuan. Gayumpaman, hindi rin nila mapigilang ilabas ang ilang istoryang sumasalamin ng kanilang tunay na kalagayan at hinaing. (Para sa kaligtasan ng mga sibilyan, hindi ilalathala ang kanilang mga pangalan.)
Noong umaga ng masaker, habang nagtatrabaho sa kanilang sakahan ang isang pamilya, dumating ang ilang armadong kalalakihan at pinaalis sila sa lugar na may 200 metro lamang ang layo mula sa pinangyarihan ng krimen. Hindi na sila nakapagbitbit ng kanilang mga kagamitan. Nang dahil sa takot, inatake sa puso ang kanilang padre-de-pamilya.
Pinatotohanan ni Nanay Sittie na wala silang dala-dala nang tumakbo papunta sa barangay hall. Nang balikan nila ang kanilang mga tahanan, wala na ang kanilang mga kagamitan. Ninakaw maging ang kanilang kalabaw. “Hindi namin alam kung sino ang may kagagawan,” aniya.
Dagdag pa niya, patuloy silang nakakatanggap ng mga banta, sa porma ng text messages mula sa mga di-kilalang numero na nagsasabing papasukin ang evacuation center at susunugin ang kanilang mga bahay. “Takot ang mga tao dito, hindi sila makatulog, nagbabantay tuwing may nagpapaabot sa amin na ganito,” sabi ni Nanay Sittie.
Private armies, gumagala pa rin
Kinumpirma ng mga opisyal ng militar at pulisya na sa kabila ng imposisyon ng batas militar at pagtalaga sa lugar ng limang batalyon ng Philippine Army, nananatili ang pribadong hukbo ng mga Ampatuan. Sa panayam ng Pinoy Weekly, sinabi ni Lt. Col. Gene Ponio, commanding officer ng 45th Infantry Batallion ng 5th Infantry Division, na nagkilos-gerilya na ang tinutugis na mga hukbo. “Nagpapakita lamang sila tuwing gabi at palipat-lipat ng puwesto,” aniya.
Gayumpaman, kontrolado na umano ng militar ang sitwasyon. Nang tanungin si Ponio kung ilan na sa mga miyembro ng Civilian Volunteer Organizations, Civilian Auxiliary Forces Geographical Unit (Cafgu), at Special Cafgu Active Auxiliary ang nahuli, wala siyang maisagot. Wala pa umanong ibinibigay na bilang ang 104th Infantry Brigade, nakabase sa Tacurong City, na namamamahala sa operasyong ito.