Muling ginunita ng mga mamamahayag na kalahok sa November 23 Movement ang ikatlong buwan simula noong masaker sa Ampatuan, Maguindanao. Nagsagawa ang grupo gaya ng National Union of Journalists of the Philippines at College Editors Guild of the Philippines ng pagsindi ng mga lampara sa Boy Scout Circle, Quezon City, bilang simbolo ng kanilang patuloy na paniningil sa mga salarin ng krimen, kabilang si Pangulong Arroyo. May 31 mamamahayag na biktima ng masaker. (Jeffrey Ocampo)Samantala, sa Davao City, nag-alay ng mga bulaklak, kandila, at dasal ang mga kaanak ng mga biktima ng masaker, kasama ang mga taong-simbahan at grupong Moro at Kristiyano ng Kalinaw Mindanao. Nasa litrato ang mga inalay kay Atty. Connie Brizuela, isang human rights lawyer na kabilang sa 57 na biktima ng masaker. (Contributed Photo)
"Hindi tayo mapapagod na manawagan sa mga kinauukulan na lalo pang pangalagaan at itanghal ang kapakanan at mga karapatan nating mga alagad ng komunikasyon at midya para sa walang maliw na pakikipaglaban at pagtaguyod sa kapakanan ng sambayanan,” ayon sa pahayag ng UP College of Mass Communication.
Sa isang sitwasyong patuloy na pinapaslang ang mga peryodista at manggagawa sa midya at kinokompromiso ang kalayaan sa pamamahayag, ano pa ba ang puwedeng gawin ng mga ordinaryong taong katulad natin para mabago ang kasalukuyang kalakaran?