Paglilingkod at panunupil


Panayam ng Pinoy Weekly kay Dr. Julie Caguiat, Executive Director ng Community Medicine Development Foundation (Commed).

Si Dr. Alexis Montes, volunteer doctor ng Council for Health and Development at Community Medicine Development Foundation. (Contributed Photo)
Si Dr. Alexis Montes, volunteer doctor ng Council for Health and Development at Community Medicine Development Foundation. (Contributed Photo)

Panayam ng Pinoy Weekly kay Dr. Julie Caguiat, Executive Director ng Community Medicine Development Foundation (Commed)

PW: Ano ang nangyari noong Pebrero 6, sa bahay ni Dr. Melecia Velmonte, sa Morong, Rizal?

Dr. Caguiat: Actually, yung training noong Pebrero 1-7 ay isang first responders training na jointly sponsored ng Council for Health and Development (CHD) at Commed. Noong kasagsagan ng bagyong Ondoy, ang CHD at Commed ay naging aktibo sa response and rehabilitation work. Nakita namin na malaking need din sa people’s organizations na may ganitong tipo ng training para mas mahanda sila in case maulit ang mga sakuna. Ang components niyan, advanced life support system training, saka wound care, mga trauma. Sa setup ng community.

Ang participants, galing sa Luzon. Kasi between Luzon, Visayas and Mindanao, Luzon ang medyo nahuhuli (sa mga pagsasanay). At dahil mayroong napaplano ngayong taon na mas advanced na training, kailangan nilang humabol. Kaya ang plano ay bigyan ng training (ang community health workers sa Luzaon).

Mayroon sa Quezon, Batangas, Cavite, Bicol. Sila ’yung inindorso ng people’s organizations sa kanilang mga lugar. And in fact, si Dr. Melecia Velmonte bilang Chairman of the Board ng Commed, at dahil pinaparentahan naman talaga niya ang kanyang farmhouse, naisip lang namin na dun gawin. Saka dahil magbibigay na rin siya ng discount, advantageous na para sa amin. Si Tita Mely (Velmonte), siya pa nga ang tumulong na maghanda sa mga modules. And in fact, dun sa topic na infectious disease siya na ang nagbigay, kasi infectious disease specialist siya.

Tatanungin nila, bakit kami nagbibigay ng ganung klaseng training?

Kasi training center talaga ang Commed. Ang aming binibigyang focus ay community-based health care. Kasi kung nandun ka sa malalayong lugar, yun yung kapasidad mo na kaya mong gawin.

Sabi ng militar, ‘Mga doktor ba ito, e yung iba hanggang mga grade 6 lang ang pinag-aralan?’ Ano ang reaksiyon ninyo rito?

Yun ang nakakalungkot sa ating lipunan, kasi minamaliit nila ang mga di nakapag-aral, samantalang may capacity naman talaga silang matuto. Kasi nga community based yung programa amin – kaya ang mga tinuturuan namin yung mga taga-komunidad. Kaya anong grado man ang natapos mo, hindi iyan hadlang para matuto ka. At ’yan ang aming pinaninindigan.

Mga doktor ng CHD, Commed at Health Alliance for Democracy (HEAD), at iba pang volunteer doctors, nag-usap-usap bago bisitahin ang Morong 43 noong Pebrero 11. (KR Guda)
Mga doktor ng CHD, Commed at Health Alliance for Democracy (HEAD), at iba pang volunteer doctors, nag-usap-usap bago bisitahin ang Morong 43 noong Pebrero 11. (KR Guda)

Matapos dukutin ng militar noong Pebrero 6, unang beses ninyong nabisita ang halos lahat (maliban sa isa) na 43 manggagawang pangkalusugan noong Pebrero 11 sa Camp Capinpin. Kumusta sila?

Nasiyahan kami, at nabawasan na ang pag-aalala namin. Kasi antagal naming di nakapasok, o nung nakapasok man ng last few days, iilan-ilan lang. Kaya kinumusta namin lahat. Maganda rin yung nangyari. Sa mga babae, mas light ang mood, kasi kahit na nahihirapan sila sa sitwasyon at ine-interrogate sila, at patuloy pa rin silang may psychological torture at may anxieties pa rin sila, hindi kasingbigat nung nasa lalaki. Kasi dun sa lalaki, mas madilim, mas masikip.

Tapos physically, mas may signs. Tapos namamayani sa kanila ang takot kapag gumagabi na. Kasi ’pag gabi ginagawa ang interrogation. Minsan may naririnig silang sumisigaw, may umiiyak. Tinatanong namin kung ano ang nangyari, may ine-electrocute, may tinatakot, umiiyak na lang. Kaya maski yung kababaihan sa loob, mas inaalala rin nila yung mga kasamahan nilang lalaki.

Anong tipo ng mga pagpapahirap ang dinanas nila?

Electrocution, merong biglang pipirating ang scrotum (bayag), gugulatin tapos hahawakan nang matigas. Sinusuntok-suntok. Ginigising anytime during the night. Sinisigiwan.

Namamayani sa kanila ang takot, nagpa-panic, ninenerbyos kapag bumababa ang araw. Pero nakakangiti pa rin, at natutuwa pa rin sila.

Mayroon daw na umamin na rebelde siya?

Ang pag-amin, ay nasa konteksto na under duress sila, walang benefit of counsel. At ginagawa sa isang paraan na pinipilit talaga sila. Kaya maski naman may umamin diyan, di pa rin yun tatanggapin sa korte. Saka yung katotohanan pa rin. Kami ay naninindigan na sila ay ordinaryong mga mamamayan, naglilingkod sa bayan.