FEATURED

‘Magtanong, makialam’


Q&A kay Dr. Gene Nisperos hinggil sa usaping pagbabakuna kontra Covid-19.

Sa patuloy na pananalanta ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa Pilipinas at mundo, mahalagang instrumento ang wastong impor-masyon. Ayon kay Dr. Gene Nisperos, isa sa mga lulutas sa pandemya ang pagbabahagi ng kaalaman sa mga komunidad.

Si Doc Gene ay isang frontline health worker, assistant professor sa University of the Philippines College of Medicine, at board member ng Community Medicine Development Foundation, isang non-government organization na naniniwalang ang kalusugan ay karapatan ng lahat.

Sa question and answer na ito, sinagot ni Doc Gene ang ilang mga tanong ukol sa pag-aalinlangan sa bakuna, mga brand ng bakuna at kanilang kaibahan, at pati na rin ang isyu ng suplay ng bakuna sa buong mundo.

Wala pang 10 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ang nababakunahan, sa pagkakasulat nito. Mark Saludes

Pinoy Weekly (PW): Ano po ang inyong maipapayo sa ating mga kababayan kaugnay ng pagpapabakuna? At ilang tips siguro bago at matapos magpabakuna. 

Doc Gene (DG): Ang bakuna ay hindi magic wand na mag-aalis ng pandemya at tayo ay babalik na agad sa dati. Hindi ito ang papel ng bakuna. Ang bakuna ay mahalagang dagdag-proteksiyon, kaya ang ibig sabihi’y itutuloy pa rin ang dati nang nakagawian na pag-iingat tulad ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng mask, at pagpapanatili ng dalawang metrong distansiya sa isa’t isa – kahit na nabakunahan na.

Sa mga magpapabakuna, maganda na itanong ninyo lahat ng mga nais ninyong malaman ukol sa bakuna bago pa man kayo magpabakuna. Alam din dapat kung ano dapat ang bantayan matapos mabakunahan at kung sino ang kokontakin at ano ang gagawin kung sakaling makaranas ng side effects.

Pagkatapos naman magpabakuna, sana’y tumu-long tayo manghikayat ng iba pa na magpabakuna. 

PW: Sa inyong karanasan sa pakikipagtalakayan sa iba’t ibang sektor, ano ang mga agam-agam nila sa pagpapabakuna? 

DG: Marami at iba’t iba ang dahilan: mayroong takot dahil hindi pa nakaranas kailanman ng tusok ng hiringgilya. Mayro’n ding takot dahil sa mga nababalitang side-effect gaya ng blood clotting. At mayro’n ding ayaw sa bakuna dahil sa karanasan nila sa Dengvaxia, na hanggang ngayo’y hindi pa nareresolba dahil hindi pa napapanagot ang dapat managot.

Sa kalakhan, ang dahilan ng agam-agam ay bunga ng kakulangan sa sapat at maaasahang impormasyon. Talamak din ang disimpormasyon. May nagkakalat na ang bakuna daw ay hindi epektibo at ginagamit lang ng malalaking pharmaceutical companies para magkamal ng malaking kita. Mayro’n namang nagsasabi na may gamot para makaiwas sa Covid-19 gaya ng ivermectin, kaya hindi na kailangan magpabakuna. Napakahirap ituwid ng mga ganitong kaisipan.

Mayro’n ding sadyang nananakot lang. Mayro’ng tao na pinapalaki ang isyu ng side effects. Mayro’n din tahasang nagsisinungaling. Sa isang probinsiya sa Mindanao, kumalat ang kuwento na kapag nagpabakuna daw ay magiging zombie ’yung nabakunahan. Pinakamalala ’yung nagsasabi na sa bakuna daw puwedeng makuha ang Covid-19.

Dahil walang matiyagang naglilinaw ng mga bagay na iyan, dahil mahirap humanap ng health worker na puwedeng pagtanungan niyan, napakabilis kumalat ng maling impormasyon.

Larawan mula sa FB account ni Dr. Gene Nisperos

PW: Sinabi kamakailan  ng Department of Health (DOH) na gagamit na sila ng “brand agnostic” na polisiya kung saan hindi na iaanunsiyo ang brand ng bakuna, pero puwede pa rin matanong ang brand sa mismong center. Ano ang tingin ninyo rito? 

DG: Vaccine hesitancy (pag-aalinlangan sa pagpapabakuna) at vaccine preference (pagkiling sa isang brand) ang isyu. Ano ang sinusubukang solusyonan ng DOH sa ginawa nila? Wala. Makakatulong ba ito? Hindi. Ang kailangan ng tao, tamang impormasyon para makagawa ng naaayon na desisyon. Kung mas gusto ng tao ang isang brand ng bakuna, karapatan nila iyon bilang tao, bilang mga pasyente.

Imbis na pigilan ito, dapat bigyan ng DOH ang publiko ng malinaw na impormasyon tungkol sa lahat ng brand ng bakuna. Dapag maging maagap ang DOH sa pagpresenta ng kalamangan at kahinaan ng bawat bakuna. Hindi naintindihan ng DOH ang punto. Walang ibubungang maganda itong panukala nila, at lalala lang 

ang problema. Baka mas marami pa ang hindi magpabakuna. 

PW: Ano ang kaibahan ng mga bakuna? 

DG: Ang iba’t ibang bakuna’y gumagamit ng iba’t ibang platform o paraan para ma-stimulate ang ating immune response o ang ating likas na panglaban. Halimbawa, ang bakuna ng Sinovac at Bharat ay base sa tradisyunal na pamamaraan: ang paggamit ng “patay” o inactivated na virus. Ang Pfizer at Moderna naman ay gumamit ng bagong pamamaraan gamit ang messenger RNA (mRNA) o ang genetic material na ginagamit ng virus para magparami. Ang Astra Zeneca, Gamaleya at Janssen ay gumagamit ng ibang virus o non-replicating viral vector.

Dahil iba’t iba ang mga paraan na ginagamit, iba-iba rin ang antas ng kanilang pagka-epektibo at kung gaano kabilis nila nahihimok ang ating immune system na gumawa ng panlaban/proteksiyon laban sa Covid-19. Halimbawa, iba-iba ang proteksiyon nila para hindi na mahawa sa Covid-19. Gayunman, halos sila lahat ay mahigit 90 porsiyento ang proteksiyon na mahawa man sa Covid-19, di agad magiging malala at ikamamatay. 

Pagbabakuna: tungo sa herd immunity. Larawan ni Mark Saludes

PW: Ayon sa NTF target nila na 70 porsiyento ng populasyon ay mabakunahan na pagsapit ng Disyembre. Ano ang palagay niyo dito? Maaabot ba iyan? 

DG: Kung ang populasyon ng Pilipinas ay 110 milyon, ang 70 porsiyento nito ay 77 milyon. Ilan na ang lubos na nabakunahan ngayon ayon mismo sa datos ng gobyerno?

Malabong maabot ’yang target na yan hanggang Disyembre. Napakalaki ng problema natin sa supply ng bakuna at kalakhan ng ginagamit ngayon ay donasyon pa galing sa Covax Facility. Kahit sa pitong kompanyang gumagawa ng bakuna na binigyan na ng Emergency Use Authorization ng Food and Drug Administration, apat pa lang ang umabot sa atin: Sinovac, Astrazeneca, Gamaleya at Pfizer. Wala pa ang Janssen, Bharat, at Moderna.

Lahat na ng rason, ibinigay sa atin para ikatwiran bakit wala pa ring maraming bakuna hanggang ngayon. Pero ang malinaw, hindi alam ng naatasang “vaccine czar” na si Carlito Galvez Jr. ang mga dapat gawin kaya nahuhuli ang bansa. Gaya ng ibang miyembro ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), hindi taga-sektor pangkalusugan si Galvez kundi dating heneral ng Armed Forces of the Philippines. Paano niya malalaman ang mga dapat gawin kung hindi ito ang kanyang kasanayan at karanasan? Ang napaka-ironic ngayon ay kaya daw siya pinili ay dahil “magaling siya sa logistics” samantalang lumalabas ngayon na vaccine supply pa lang ay palpak na.   

PW: Usapin sa buong mundo ang suplay ng vaccine. Sa pangkalahatan, ano ang galaw ng imperyalismo sa panahon ng pandemya, partikular sa bakuna?

DG: Di tumitigil ang imperyalismo kahit na sinasalanta ang buong mundo ng pandemya. Kinakamkam ng imperyalistang mga bansa ang mga bakuna para unahin ang sarili nilang populasyon. Ito ang tinawag na “vaccine nationalism” na nagbubunga ng “vaccine inequity” (hindi pagkakapantay-pantay). Sa “vaccine nationalism”, kailangang mauna ang imperyalistang mga bansa sa suplay ng bakuna dahil nasa kanila ang gumagawa ng mga bakuna. Imbes na mamahagi sa ibang bansa, mauuna muna sila. Kaya sa US, halimbawa, mahigit kalahati na ng populasyon ang nabakunahan. Sa European Union (EU), maaari raw nila maabot ang herd immunity bago matapos ang 2021. Samantala, mahigit 100 bansang mahihirap ang wala man lang bakuna.

Ayaw din bitawan ng dambuhalang pharmaceutical companies ang kanilang “intellectual property rights” na nagbibigay sa kanila ng monopolyo sa bakuna. Sa halip na tignan ang bakuna bilang common good na pakikinabangan ng lahat, itinuturing pa rin itong kalakal na dapat ibenta at bilhin. Nawala na sa usapin ang halaga ng buhay ng tao.

Sa gitna ng trahedya bunga ng pandemya, ginagamit ng imperyalista ang bakuna bilang sandata upang mapanatili ang nananaig na kaayusan at ang paghahari ng iilan. Hindi tumitigil, hindi naiibsan ang ganid na kasakiman ng mga imperyalista. Higit na mahalaga pa rin sa kanila ang kita kaysa buhay, kahit na buhay at kinabukasan ng sangkatauhan ang nakabingit sa panganib. Ganito kalala ang imperyalismo.